Libu-libong estudyante ang dumagsa sa mga pampublikong paaralan ng Lungsod ng Calamba nitong Enero 28 upang magpalista sa papalapit na taong aralan 2012-2013.
Ito ay bahagi ng Expanded Early registration ng Department of Education (DepEd) sa buong bansa na naglalayong alamin agad ang posibleng dami ng mag-aaral sa susunod na taong aralan.
Dahil dito, maagang matutugunan ng DepEd ang mga kakulangan sa pasilidad, guro, libro at mga upuan. Parte rin ito ng paghahanda para sa K+12 Program ng kasalukuyang administrasyon na nagdadag ng dalawang taon sa basic education.
Kasama rin sa mga maagang nagpalista ang lahat ng incoming Kinder, Grade 1, First Year High School at mga out-of-school youth na mag-e-enroll sa Alternative Learning System.
Ang mga batang ipinanganak mula Oktubre 31, 2007 o mas maaga pa ay maaari nang pumasok bilang Kinder samantalang ang mga ipinanganak mula Oktubre 31, 2006 o mas maaga pa ay dapat nang i-enroll agad sa Grade 1.
Pinaghahanda ng DepEd ang pagkakaroon ng catch up plan sa susunod na tatlong taon dahil sa inaasahang paglobo ng populasyon ng mga mag-aaral.---MATT PALENTINOS

CALAMBEÑO BLOG is devoted to blogs/articles coming from visitors. Opinions/comments/views from visitors' articles does not reflect the opinion/comments/views of Calamba.ph