Kauumpisa pa lamang ng taon subalit ipinakita agad ng Sangguniang Panlungsod Presiding Officer at Calamba City Vice Mayor Severino “Binoy” Lajara na kailangan magkaroon ng tamang disiplina sa pagpasok ang mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod (SP).
Tuwing Lunes, normal na nagsisimula ng tanghali ang legislative session ng SP. Marami nga ang nanonood dito na nangyayari sa Session Hall ng City Hall. Sa pagkakataong iyon kasi halos nakukumpleto palagi ang sampung konsehal at mga ex-officio members ng SP na mula sa Association of Barangay Captains at Sangguniang Kabataan Federation. Naging normal na rin na mula sa parating alas-10 ng umaga na call time ay inaabot ang mga naghihintay ng tanghaling tapat maumpisahan lamang ang sesyon.
Sa pagbabago ng liderato ng Sanggunian noong 2010, inumpisahan rin ng kanilang Presiding Officer na bigyang disiplina at sistema ang takbo ng sesyon. Pormal na ginagawa ni Vice Mayor Lajara ang sesyon, mula sa attendance hanggang sa pag-adjourn. Ang pagkakaiba ngayon ay gumagawa ng paraan ang Vice Mayor kapag mayroong mga hindi mapagkasunduan sa loob ng plenary. Gumagawa siya palagian ng win-win solution upang hindi tumagal ang pagtatalo at debate ng mga miyembro ng Sanggunian. Makikitang pinupuna ng Presiding Officer maging ang tamang pagtaas ng kamay. Naging biruan na nga rin sa sesyon ang pagtaas ng kamay ng ilang mga kalalakihang konsehal bago pumunta sa banyo.
Noong 2011, gumawa ng paraan si Vice Mayor Lajara upang lalong maging mabilis at mabisa ang pag-uusap kapag mayroong sesyon. Nagtakda ang dating Mayor ng isang pre-session caucus bago magsimula ang pormal na sesyon sa publiko. Layunin nito na maipaalam sa lahat ng miyembro ng Sanggunian kung ano ang mga ordinansa at resolusyong tatalakayin. Sa pagkakataong iyon pa lamang ay maaari ng maglabas ng mga sentimyento ang mga may tutol sa isang ordinansa at habang may pagtutol ay hindi muna inihaharap sa public session ang usapin. Pinag-uusapan na rin sa pre-session caucus kung sino ang bibigyang pagkakataong magsalita para sa privilege speech hour. Dalawang konsehal lamang ang binibigyang pagkakataon magkaroon ng privilege speech sa sesyon. Sa pre-session caucus na rin pinag-uusapan kung anong mga dapat i-priyoridad at mga suhestiyon ng iba pang konsehal upang maging mapayapa at mabilis ang mangyayaring sesyon.
Sa pagpasok ng 2012, isang hakbang muli para makita ang tunay na inisyatiba ng mga konsehal ang gagawin ni Vice Mayor Binoy Lajara. Napansin ni Vice Mayor Lajara ang nagagahol na oras tuwing may sesyon. Ito ay dahil sa madalas na late na nakakabuo ng quorum ang Sanggunian. Kailangan ng quorum upang magkaroon ng sesyon. Kailangan lamang makadalo ang kalahati ng kabuuang bilang ng Sanggunian para magkaron ng quorum o anim na konsehal sa isang component city tulad ng Calamba. Itinakda ng SP Presiding Officer na sa ganap na ika-walo at kalahati pa lang ng umaga ay umpisahan na ang sesyon at ang mga mahuhuling konsehal ay bibigyan ng kaukulang mga parusa.
Isa sa dahilang nakikita ay ang pagiging atrasado ng ilang mga committee meeting at iba pang appointment ng mga miyembro ng SP dahil sa masyadong tanghali na ang sesyon. Wala namang ginawang pagtutol ang mga konsehal rito, lalo’t higit ang mamamayan. Disiplina sa oras ang isa sa mga problema ng mga Pilipino. Nabuo nga ang katagang “Filipino Time” dahil sa pagiging atrasado ng mga oras ng iba’t ibang function at pagdiriwang. Isang malaking igpaw sa kamulatan ng taumbayan kung makikita nilang ang kanilang mga inihalal na konsehal ay pumapasok ng tama sa oras. Mas maaga ang trabaho, mas maaga matatapos.
Siguro nga dahil minsan na ring naging SP Presiding Officer si Vice Mayor Binoy Lajara noong panahon pa ng yumaong Mayor JM Yulo kaya nakita niya kung ano ang mga dapat i-improve sa sistema ng sanggunian. Siya ay matagal ring naging punong ehekutibo ng Calamba kaya nakita niya na kung gaano kabagal dumating sa kanyang mga lamesa ang mga aprubadong ordinansa at resolusyon na priyoridad ng kanyang pamamahala. Mabuti na lang at ngayong nagbalik si Vice Mayor Binoy Lajara sa pagiging SP Presiding Officer ay naipakita niya na dapat magbigay ng disiplina sa trabaho ang bawat isang konsehal. Isa na namang hakbang ito ng mabuting pamamahala. –Matt Palentinos

CALAMBEÑO BLOG is devoted to blogs/articles coming from visitors. Opinions/comments/views from visitors' articles does not reflect the opinion/comments/views of Calamba.ph
Last Updated on Monday, 06 February 2012 08:42