Bunsod ng mga reklamo ng mga mamamayan sa operasyon ng Central Towing Services (CTS) ay minarapat ng Komite ng Transportasyon na ito ay talakayin sa sesyon ng Sanggunian Panlungsod.
Noong nakaraang sesyon ay binuksan ni Kgg. Konsehal Christian Niño Lajara, Tagapangulo ng naturang komite, ang mga hinaing ng mga motoristang nabatak ng CTS. Ilan lamang sa mga reklamo ay ang umano ay walang kaayusang pagsagot ng mga tauhan ng CTS, partikular na nakaranas nito ay ang isa sa mga konsehal ng Calamba, si Kgg. Peewee Perez. Reklamo din na tila ang CTS ang nanghuhuli ng mga lumalabag sa batas trapiko, imbes ang CCTMO at ang lubhang mataas na singil nito lalo sa mga truck ng mga biyahero.
Matapos ang mga committee meeting hinggil sa isyung ito ay minarapat ng komite na gawing anim na buwan na lamang ang kontrata ng naturang towing company imbes na isang taon. Sa ganitong paraan ay mapag-aaralan ang magiging performance nito kung magkakaroon ng pagbabago sa kalidad ng serbisyo nito sa mga mamamayan.
Binigyang linaw naman ni Konsehal Lajara na inisyatibo ng tanggapan ng punong lungsod ang pagkakaroon ng Towing Services sa pagpapatupad ng batas trapiko sa Calamba. Sa pamamagitan ng Public Order and Safety Office (POSO), maging ang Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng lokal na pamahalaan at ng CTS, at ang guidelines of operation nito ay mula sa tanggapan ng punong lungsod.
Inihalimbawa rin ni Lajara na mula din sa Mayor’s Office ang isa sa mga probisyon na nagsasaad na anomang sasakyang nakahimpil sa isang business establishment sa magdudulot ng mabagal na daloy ng trapiko ay mayroon lamang 15 minuto upang ito ay hindi mahila.
Hinaing naman ng konsehal na sa ganang kaniya, bilang lokal na mambabatas ay naipasa na niya sa Sanggunian ang mga kinakailangang batas trapiko sa Calamba, ang susunod na rito ay ang tamang implementasyon na nasa poder na ng tanggapan ng punong lungsod.
Sa huli ay hinamon ng konsehal ang hepe ng POSO na si Boy Guererro na kung hindi niya kayang pasunurin ang hanay ng mga CCTMO (Calamba City Traffic Management Office) na magpailalim sa pamumuno ng POSO ay magbitiw na lamang ito sa kaniyang tungkulin.
"...Kung ang chain of command will not be properly observed, it is about time to give up the position...dahil sa aking nakikita na ang hanay ng CCTMO ay hindi tumatalima sa command ng POSO...Sino ba talaga ang dapat sundin ng CCTMO? Siya ba (Mr. Guererro) o ang mga taong sumisipsip sa Punong Lungsod...Kung sakaling hindi susundin ng CCTMO si G. Boy Guererro ay dapat lamang na magbitiw na siya sa kaniyang pwesto..."---Kgg. Christian Niño S. Lajara
---J.JACINTO
View Towing Guidelines from POSO

CALAMBEÑO BLOG is devoted to blogs/articles coming from visitors. Opinions/comments/views from visitors' articles does not reflect the opinion/comments/views of Calamba.ph
Last Updated on Friday, 27 January 2012 07:31
Comments
RSS feed for comments to this post