Jobs Directory

Untitled-1

Business Directory

Untitled-2

Please update your Flash Player to view content.

CALAMBEÑO BLOG: PULITIKA SA LIKOD NG IMPEACHMENT TRIAL

  • PDF
User Rating: / 2
PoorBest 


corona

Sa nakalipas na mga araw, laman ng bawat pahayagan, news show at maging sa mga tsismisan ang biglaang pagkaka-impeach kay Supreme Court Justice Renato Corona. Ito ang pangalawang beses sa kasaysayan ng bansa matapos dumaan sa naudlot na impeachment trial si dating Pangulo Joseph Estrada.

 

Mabilisan ang naganap na takbo ng impeachment sa Kamara, malayo sa madramang kaguluhan noong taong 2000 sa pag-impeach kay Estrada. Dati ay mahabang diskusyon pa ang dinaanan bago makarating Senado ang reklamo kontra sa dating Pangulo dahil dumaan ito sa isang pormal na reklamong isinampa sa mababang kapulungan. Samantala sa nangyari kay Corona ay ang mabilisang proseso na pagsang-ayon sa reklamo ng 1/3 lamang ng mababang kapulungan. Walang hearing o pagpapatawag sa respondent, diretso sa Senado ang impeachment.


Sa ganoon pangyayari pa lamang ay makikita na ang prosesong pinagdaanan ay masyadong pulitikal. Isandaan at walumpu’t walo ang pumirma para ma-impeach si Corona. Maraming nagtaka kung bakit minadali ang isang prosesong susubok sa ating demokrasya. Ayon sa mga balita noong Disyembre, umabot lamang ng dalawang oras, apat na kopya ng reklamo kontra Chief Justice at isang powerpoint presentation ng articles of impeachment upang matapos ang pagpirma ng halos dalawandaang representante sa Kamara. Walang nangyaring malalim na pagsusuri at pag-aaral. Tanging ang nag-akda sa halos isandaang pahinanh reklamo ang nakabasa ng buo sa reklamo. Dito pa lamang makikita na politically motivated ang impeachment. Walang hawak na ebidensya nang binuo ang reklamo subalit mabilis nilang napapayag ang ganoong karaming kongresista. Malinaw na gusto ni Pangulong Benigno Aquino III na matanggal si Corona sa kanyang puwesto. Madali lang sumunod ang mga tauhan sa kumpas ng hari.


Ang buong paglilitis ay pulitikal. Una, dahil mga senador ang tatayong mga hurado at mga kongresista naman ang magpepresenta ng mga ebidensya. Hindi natin maitatanggi na sa kabila na dapat pagbatayan ng mga senador ay ang mga ebidensyang ipepresenta sa kabuuang impeachment trial, may mga political ambition at parties pa rin ang halos lahat sa kanila. Ang desisyon sa huli ay magbabatay pa sa sariling desisyon ng bawat isang senador. Maaaring mabasa muna agad ang magiging pinal na botohan sa pagtingin sa mga kinabibilangan nilang mga partido.


Naglatag rin si Prof. Randy David ng mga dahilan kung bakit pulitikal ang impeachment. Una, ang mga impeachable offenses tulad ng betrayal of public trust ay isang political crime na maaaring maparusahan rin ang nasasakdal  ng parusang kriminal. Pangalawa,Ang layunin ng paglilitis ay upang mapatalsik ang isang public official. Huli, Ang magiging hukom ay isang sangay ng pamahalaan na ang pagbabasehan ay kung makakabuti ba o hindi sa bansa kung mapapatalsik ang nasasakdal.


Mga ligal na termino man ang magiging labanan ay malayo ang isang impeachment trial sa isang judicial proceeding. Hindi kasi nakasalalay ang kalayaan o ari-arian ng nasasakdal rito kundi ang pagkakatanggal lamang sa puwesto at hindi nito paglahok sa mga gawaing pulitikal.

Hindi man dapat makaapekto ang public perception sa mga Senador at maging sa mga pumirma sa reklamo na mga kongresista, hindi mo ito maiiwasan. Mga pulitikong tao ang mga iyan na gagawa ng paraan upang lumabas na mabuti sa kanilang mga kababayan.

Sa huli, isang magandang paraan ang isang impeachment trial upang subukin ang demokrasya natin. Na walang sinasanto ang batas, maging Pangulo ka man o Chief Justice ng bansa. Subalit hindi rin dapat lumabas ang impeachment trial na isang malaking palabas ng mga pulitiko upang sila ay makilala lamang. Dapat sa huli lumabas pa rin ang katotohanan at kung ano ang nais ng mamamayan.---MATT PALENTINOS


 

 


 

CALAMBEÑO BLOG is devoted to blogs/articles coming from visitors.  Opinions/comments/views from visitors' articles does not reflect the opinion/comments/views of Calamba.ph 

DISCLAIMER


Add comment


Security code
Refresh