Ang Race to 2013 ay maglalaman ng mga artikulo patungkol sa paparating na 2013 National and Local Elections. Ito ay tatalakay sa mga posibleng kandidato, mga anunsiyo at mga balitang magbibigay kaalaman para sa mga botante at magiging botante sa parating na halalan.
Papatapos na ang Year 2011 at papalapit na tayo sa yugto kung saan mag-uumpisa sa pagpapakilala ang mga posibleng maging mga kandidato sa parating na halalan sa 2013. Isang mahalagang yugto ang taong 2012 sa mga nangangarap magkaroon ng posisyon at kapangyarihan sa darating na 2013 elections. Sa unang artikulo patungkol sa 2013 Local Elections dito sa Lungsod ng Calamba, alamin natin kung sinu-sino na ba ang nagpaparamdam na humalili sa puwesto sa matatapos nang termino ni Mayor Joaquin Chipeco Jr.
Katatapos pa lamang ng lokal na halalan noong 2010 ay may bulung-bulungan na agad kung sino ang dapat humalili sa puwesto ni Mayor Jun Chipeco. Una na sa listahan ang anak niya at kasalukuyang Congressman ng ikalawang distrito ng Laguna na si Timmy Chipeco. Inaasahan ang pagpapalit ng puwesto ng mag-ama, ang bata para alkalde at ang ama naman sa iiwang posisyon ni Timmy. Burahin na natin sa kalkulasyon ang posibilidad ng pagtakbo ng ilaw ng tahanan ng mga Chipeco sapagkat mukhang walang posibilidad sa ngayon na tumakbo sa national post ang kanilang anak na Congressman. Makalalamang sa pangalan ang mga Chipeco dahil na rin sa tagal nilang nasa kapangyarihan sa ating lugar. Magiging sagabal lamang sa mga Chipeco ang samu’t saring alegasyon ng kurapsyon at pandarambong habang sila ay nasa puwesto. Maaaring makatulong pa rin kay Timmy ang kanyang bagitong imahe na tiyak hahatak sa mga kabataan at kababaihang botante.
Inaasahan naman na mula sa pamilyang Lajara ang tatapat sa mga Chipeco sa 2013. Matatandaan ang pagsasanib puwersa ng dalawang kilalang pamilyang ito noong 2010 subalit inaasahan ang paglalaban nila sa parating na eleksyon. Pinakamalakas maaaring makabangga ni Timmy ang kasalukuyang Vice Mayor Severino “Binoy” Lajara. Sa lakas ni Vice Mayor Binoy sa masa ay tiyak malaki ang pag-asa niyang makabalik sa dati na niyang naging puwesto. Maayos rin ang tinatakbo ng karera ni Binoy sa kasalukuyan niyang termino. Sinasabing mas naging organisado at aktibo ngayon ang Sangguniang Panlungsod. Hindi na rin masyado mamroblema si Binoy kung saan niya kukunin ang kaniyang mga boto dahil may mga solidong base siyang inaalagaan ng matagal na panahon. Malaki ang kalamangan sa experience ni Binoy subalit ito rin marahil ang gamitin ng kaniyang mga magiging kalaban laban sa kanya. Si Binoy marahil ang maging pinakamay-edad na kandidato sa 2013 mayoral race at ang mga lumang isyu na naging problema niya noon sa matagal niyang panunungkulan ang marahil makasagabal sa kanya.
Dalawang pangalan pa, na pawang mga abogado, ang lumalabas sa posibilidad ng pagktabo bilang Mayor ng Lungsod ng Calamba. Una na diyan ay ang anak ng dating Gobernadora Ningning Lazaro na si Atty. Totie Lazaro. Nalaglag sa mga tinakbuhang puwesto ang mga Lazaro noong 2010, si Dennis Lazaro ay talo sa pagka-gobernador at sa party list naman ay hindi rin nakapasok ang KLBP ni Ningning. Sa susunod na halalan, isang bagong mukha ng Lazaro naman ang ipaparada ng pamilya. Samu’t saring mga sports fest ang sinimulan ni Totie nitong nakaraang taon at nag-umpisa na rin ang kaniyang radio program. Inuunti-unti na ni Totie ang pagpapakilala sa taumbayan sa pamamagitan ng mga naglalakihang mga tarpaulin niya sa iba’t ibang lugar sa ating lugar.
Lumulutang na rin unti-unti ang pangalan ni Atty. Joel E. Paner. Siya pa lamang ang siguradong tatakbo sa pagiging alkalde ng Calamba sa 2013 dahil siya pa lamang ang lantarang nag-anunsiyo sa kaniyang mga pinupuntahang lugar. Siya din ang posibleng makinabang kapag nagbanggaan ang malalaking pamilya ng Calamba. Sa ngayon, malaking pinansiya na ang napakawalan ni Paner sa kanyang kaliwa’t kanang feeding program, medical mission, at solicitations na parte ng kanyang pre-campaign tactics o pagpapakilala sa taumbayan. Kilala na namumuno sa isang kooperatiba si Paner at unti-unti na siyang gumagawa ng mga grupong makakatuwang sa parating na halalan. Maaaring maging problema ni Paner ay ang kakulangan ng exposure sa publiko. Makalalamang ang Chipeco, Lajara at Lazaro dahil kilala na ang kanilang mga pangalan sa larangan ng pulitika.
Ngayong taon ay unti-unting makikita natin kung sinu-sino talaga ang may balak na sumugal upang mahawakan ang pamamalakad ng Lungsod ng Calamba. Hindi matatapos ang taon at mag-uumpisa ang paghahain ng kandidatura. Tingnan natin kung may dadagdag o babawas sa mga nauna nating nabanggit. Sa darating na 2013 elections, nawa ay maging bukas ang mata ng mga botante sa pagpili ng kandidatong malinis at may takot sa Dios. Abangan na lang natin ang mga susunod na kabanata.---PINPIN TOLENTINO

(Binoy Lajara, Joaquin Chipeco Jr., Timmy Chipeco, Totie Lazaro)
CALAMBEÑO BLOG is devoted to blogs/articles coming from visitors. Opinions/comments/views from visitors' articles does not reflect the opinion/comments/views of Calamba.ph