Ang Lungsod ng Calamba ay ang pinakamaunlad na siyudad sa rehiyon ng CALABARZON. Ang Calamba ay Top 18 noong 2008 sa mga lungsod sa buong bansa na mayroong pinakamalaking income. Sa kaunlarang tinatamasa ng lunsod, nadadama ba ng taumbayan ang kayamanang kanilang dapat pinakikinabangan?
2011 BUDGET ANATOMY
Umabot ang badyet ng Pamahalaang Panlungsod ng Calamba sa kabuuang P1.7-B ngayong taong 2011. Sa laki ng kita ng lungsod sa mga industriyal at economic zone ay hindi rin matatawaran ang pondo na kanilang pinupundar upang pag-ibayuhin ang pagseserbisyo sa taumbayan.
Ngayong taon ay pinakamalaki ang napuntang pondo sa General Public Service na mayroong P727, 942, 334.8 o 42.8% ng kabuuang pondo ng siyudad. Nasa ilalim nito ang public order and safety, business permits, franchise, employment, service and regulatory functions, executive, legislative, financial and fiscal service, civil service, planning and judiciary. Isa sa may malawak na pondo ang general service dahil narito ang pondo ng mga konsehal, vice mayor at mayor at maging ang suweldo ng mga kawani ng pamahalaan.
Sumunod na may pinakamalaking pondo ang para sa Economic Services. Kabilang sa pinopondohan ng economic service ang cultural, sports and tourism, agriculture, veterinary, engineering, building and environment. Ito ay halos isang kapat ng kabuuang pondo o P424, 374, 521.59. Maaaring malaki ang pondo para rito dahil na rin sa kilala ang administrayon ni Jun Chipeco sa pagpapatayo ng iba’t-ibang imprastraktura at pagpapagawa ng mga kalsada at tulay.
Kataka-taka namang 18.4% lamang ng kabuuang pondo ng lungsod ang nagagamit para sa serbisyong panlipunan. Ito ay ang pondo halos direktang pinakikinabangan ng mamamayan. Kabilang na pinopondohan ng social services ang Health, Housing, Population, Cooperative, City College of Calamba, City Social Service at Youth Development Office. Ito ay mayroong P312, 682, 629.81 pondo. Ang natitirang mahigit P235-M ay ginagamit ng lungsod sa iba pang gastusin kasama na ang pambayad utang.
Hindi malinaw sa website ng Lungsod ng Calamba kung paano hinahati sa bawat ahensya ang pondo.
DAGDAG SA SOCIAL SERVICES
Nitong Disyembre ay sinugod ng mga militante ang tarangkahan ng Malakanyang upang ipakita ang galit nila sa maliit na pondo para sa serbisyong panlipunan. Ito ay ang hinaharap na realidad hindi lamang ng national government kundi pati ng mga lokal na pamahalaan.
Kung susuriing mabuti, ilan sa mauunlad na siyudad sa bansa ay pinagtuunan ng pansin ang serbisyong panlipunan. Ehemplo na nga riyan ang Lungsod ng Makati sa laki ng pondong ibinibigay nito sa University of Makati at maging para sa kalusugan ng bawat isang naninirahan roon. Hindi rin matatawaran ang ginagawang pagbabago ngayon ng Lalawigan ng Laguna sa pagbubuhos ng salapi sa serbisyong panlipunan.
Malinaw rin ang pangangailangan ng mamamayan ng Calamba, kailangan nila ng serbisyong medikal, pabahay, tiyak na kabuhayan at edukasyon. Ito ay mga sangay na dapat pagtuunan ng pansin sa nalalabing panahon sa opisina ni Mayor Jun Chipeco. Kung hahatiin natin ng pantay-pantay sa mga sangay sa ilalim ng social services, makakatanggap lamang ang bawat opisina ng mahigit P52-M sa isang buong taon. Hindi ito sapat sa ilang daang libong naninirahan sa Calamba ngayon. Masyado ring maliit ito para pondohan ang libu-libong nag-aaral sa City College of Calamba, ipagamot ang mga lubos na nangangailangan nating mga kababayan o makapagpatayo ng pabahay sa daan-daang pamilyang naapektuhan ng mga demolisyon dito sa kalunsuran.
Hindi magandang tingnan na sa loob ng lugar ng kapanganakan ni Dr. Jose Rizal ay nanlilimos ng atensyon ang napakaraming hikahos na taumbayan. Hindi magandang tingnan na sa loob ng isang maunlad na siyudad ay kapos sa kalinga ang mga kabataan. Hindi magandang tingnan na sa loob ng isang siyudad na puno ng naglalakihang kumpanya at industriyal na parke ay may mga walang serbisyo ng kuryente, kasiguraduhan sa lupang tirahan at pagkain sa hapag-kainan.
PANAWAGAN SA PAMAHALAAN
Kung titingnan ang pagbubuo ng badyet sa Pamahalaang Panlungsod, inuumpisahan ito ng mga nasa Sangguniang Panlungsod subalit kahit papaano ay kinukumpasan pa rin ito ng punong ehekutibo. Makikita kadalasan na ang may hawak ng Komite sa Pinansiya at Budget ay kapartido ng alkalde. Ito ay upang mapabilis ang ugnayan sa kung anuman ang plano ng isang mayor sa isang buong taon sa binubuong pondo.
Ngayon siguro ang panahon upang ang taumbayan ay humingi ng pabor sa mga iniluklok nilang opisyal ng pamahalaan na bigyang pansin ang kanilang pangangailangan. Sabi nga sa isang kasabihan, “First things first”. Kung ano ang dapat unahin at mapapakinabangan ng mamamayan ay unahin. Kung hindi kaya ng pambansang gobyerno na burahin ang kahirapan sa bansa, bakit hindi umpisahan ng lokal na pamahalaan sa knilang mga lugar na nasasakupan?
Walang kuwenta ang ibinubuyangyang na kaunlaran kung hindi naman ito nararamdaman ng taumbayan. Panahon na siguro upang ang pondong pinaplano ng ating mga opisyal ay mapunta sa mamamayan.---PINPIN TOLENTINO

CALAMBEÑO BLOG is devoted to blogs/articles coming from visitors. Opinions/comments/views from visitors' articles does not reflect the opinion/comments/views of Calamba.ph