Pinatunayan ng Letran Street Dance Crew (LSDC) ng Colegio de San Juan de Letran- Calamba ang kanilang angking galing sa pagsayaw ng makapasok sila sa finals ng Sketchers 7 na ginanap sa Smart Araneta Coliseum, Pasay City noong ika 12 ng Nobyembre.
Ang Sketchers 7 ay isang pangnasyunal na kumpetisyon sa larangan ng moderno at makabagong pamamaraan ng pagsayaw. Ito ay kinatatampukan at nilalahukan ng iba’t-ibang kolehiyo, pamantasan at unibersidad sa buong Pilipinas.
Isa ang LSDC sa 15 grupo sa buong Pilpinas na nakipagtagisan ng galing sa paghataw, pag-indayog, pagsabay sa ritmo ng tugtog at hapit sa pagsayaw sa Araneta. Natatanging ang LSDC lang din ang nakapasok na grupo na galing sa Calamba.
“Astig na nakapasok kami, kasi its an honor for us to bring the name of our school and to spread all over the country that we are Calambeños. Pinagmamalaki rin naming na kababayan kami ni Dr. Rizal,” turan ni Catherine Zamora, miyembro ng LSDC.
Nasungkit ng UP Diliman ang unang pwesto; nakamit naman ng UP Manila ang ikalawang pwesto at; nasa ikatlong pwesto naman ang De Lasalle University.
Ayon kay Zamora, hindi man sila nakapag-uwi ng salapi at nakapagkamit ng pwesto ay masayang karanasan ito para sa kanilang grupo lalong lalo na ang hangarin nila ay makilala ang kanilang grupo sa buong bansa bitbit ang pagiging isang Calambeño.
“Ikatlong pagkakataon na naming nakakapasok sa finals, kaya sa susunod sisiguraduhin na naming makakapag-uwi kami ng pwesto,” dagdag pa ni Zamora.
Puspusan pa rin naman ang kanilang pageensayo upang malinang pa ang kanilang kakayahan sa pagsayaw at upang paghandaan ang mga susunod pa nilang laban sa hinaharap.---S. GRUBANZO

CALAMBEÑO BLOG is devoted to blogs/articles coming from visitors. Opinions/comments/views from visitors' articles does not reflect the opinion/comments/views of Calamba.ph