Matapos ang mahigpit at masusing pagpili at madugong eliminasyon sa buong rehiyon ng bansa, muli na namang nakapasok sa Semi-Finals ang TINING Choral ng Colegio De San Juan De Letran-Calamba sa Manila Broadcasting Company (MBC) Choral Competition 2011.
Ang MBC Choral Competition ay isa sa mga prestihiyosong choral competition sa buong Pilipinas. Ito ay isang paraan ng MBC upang maipadama ang tunay na diwa ng Pasko at bumuo ng isang diwa, isang tinig at isang mapayapang bansa sa pamamagitan ng pag-awit ng pamaskong himig. Ang kumpetisyon ay pinamagatang Paskong Pinoy. Nilalahukan ito ng iba’t-ibang magagaling at propesyunal na koro sa buong bansa. Isa rin ito sa kinikilalang kumpetisyon na nagbibigay ng pagkakataon sa mga baguhang grupo ng mang-aawit na makasali at makaranas ng isang tunay na laban at makaharap ang iba’t-ibang koro sa Pilipinas.
Ang TINING Choral ng Letran-Calamba ay mapalad na nakalahok sa nasabing kumpetisyon upang ipamalas ang galing at angking talino ng mga kabataang Calambeño sa larangan ng pag-awit. Ang TINING ang natatanging representatibo ng Calamba sa ginanap na kumpetisyon. Ang nasabing Semi-finals ay naganap noong ika-6 ng Disyembre sa Start Theater Pasay City. Isa rin ang TINING Choral sa 28 koro na sasabak para sa semi-finals.
“Isa na ring malaking karangalan para sa aming grupo ang makalahok maging sa semi-finals dahil magandang karanasan ito para sa TINING na makakita at makasaksi ng mga magagaling na koro sa buong bansa…. Masaya na rin kami na nairepresent naming ang Calamba sa buong Pilipinas.. pinakita naming na may ibubuga sa larangan ng choral music ang mga Calambeño,” paglalahad ni Lorenzo Gealogo, tagapagsanay ng TINING.
Ayon pa kay Gealogo, hindi man nakalahok sa finals ng nasabing kumpetisyon ay positibo pa rin ang grupo na lumahok sa susunod na taon hindi lang upang lumaban kundi upang mas malinang pa ang kanilang galing sa pag-awit at bumuo ng isang pagkakaibigan sa ibang koro.
“Enjoy ang experience kaya, hindi kami susuko hanggang makapasok kami sa finals at mag-uwi ng karangalan sa Calamba….. tuloy lang ang laban!” turan ni Marinelia Lagrimas, isang miyembro ng TINING.
Sa ngayon, patuloy pa rin ang pagsasanay ng grupo para sa susunod pang mga presentasyon at kumpetisyon para sa hinaharap. Naghahanda din ang grupo para sa isang presentasyon sa ika-19 ng Disyembre sa City Plaza ng Calamba ng Letran Calamba. Aawit din ang TINING sa Enchanted Kingdom, Santa Rosa Laguna sa ika huling linggo ng Disyembre. ---S. GRUBANZO

CALAMBEÑO BLOG is devoted to blogs/articles coming from visitors. Opinions/comments/views from visitors' articles does not reflect the opinion/comments/views of Calamba.ph