Calamba City--- Ang Alternative Learning System (ALS) ay isang programang pang edukasyon na pinatutupad ng Kagawaran ng Edukasyon na nagbibigay benepisyo sa mga walang kakayahang makapagaral at sa mga din na nakapagpatuloy ng pag-aaral. Layon nitong magbigay ng pagkakataon sa mga mamamayang Pilipino na may iba’t ibang interes,kakayahan at abilidad sa edukasyon maging magkakaiba man ng pinanggalingang estado sa buhay.
Noong nakaraang pitong buwan, 21 mga bilanggo ng Los Banos Municipal Jail ang nabigyan ng pagkakataong makapasok sa ALS. Ito ay bahagi ng rehabilitative program ng Bureau of Jail Management (BJMP) sa pakikiisa ni Jail Warden S/Insp Marlon Ymballa.
Alinsunod dito, sila ay nabigyan ng pagkakataong kumuha ng A & E Test na kung saan ang apat ay kumuha ng ALS-elementary education at ang 17 ay ALS- secondary education sa Los Banos Central School noong Oktubre 23 upang matugunan ang kinakailangang kurso.
“ Napakahirap sa akin noong una pero dahil sa tulong ng aming mga guro nakakahabol na ako. Nakatulong sa akin ang ALS para maalala ang aking mga napag-aralang leksyon noong nakaraan at pinalawak nito ang aking kaalaman,” sabi ni Julian, 49, nabilanggo ng dalawang taon at limang buwan kung saan natapos niya ang 3rd grade elementary education.
Samantala, Si Erik,37, natapos ang 5th grade na nakulong ng apat na taon. “ Hindi masyadong mahirap para sa akin ang ALS dahil ito na rin halos ang naituro sa amin noon at kung maipasa ko ang pagsusulit na ito, itutuloy ko ang pag-aaral sa high school para magkaroon ng pirmihang trabaho at may ipagmamalaki ako sa kabila ng nakaraan...” ayon kay Erik.
Ayon kay Insp. Ymballa, ang ALS ay talagang kapakipakinabang sa mga bilanggo dahil nakuha nila ang edukasyong hindi nila napagpatuloy kahit sila ay nasa loob ng piitan. Nagagamit din nila ang kanilang oras sa isang kapakipakinabang na paraan sa tulong na rin ng kanilang mga guro na si Gng. Pam Pulinaga at Susan Arietta tuwing Lunes hanggang Miyerkules sa loob ng tatlong oras.
Ang mga pagsasanay at pagsusuri ay may layong suriin ang pangunahing kasanayan sa buhay tulad ng pagbabasa, pagbibilang at pagsagot sa mga problema. Ang mga papasa sa pagsusulit ay bibigyan ng A at E Diploma na katumbas ng school diploma sa dalawang antas.---MJ PEDRAJA

photo:mafiatoday.com
CALAMBEÑO BLOG is devoted to blogs/articles coming from visitors. Opinions/comments/views from visitors' articles does not reflect the opinion/comments/views of Calamba.ph