Isang buwan na ang nakakalipas pero nakatatak pa rin sa isip ko ang pangyayari sa malapit kong kaibigan. Itago na lang natin sya sa pangalang “She”, ang kanyang edad ay labing walo, may sakit siya na Lupus, ilang taon na niyang iniinda ang sakit na ito. Sa kabila ng malubhang karamdaman ay hindi mababakas sa kanyang mukha ang hirap na kanyang pinagdadaanan. Makikita pa rin ang ngiti sa kanyang labi. Bagamat sa akin, bilang kaniyang kaibigan, ay hindi maitatago ng kaniyang mata ang lungkot at ang tila pagod niyang buhay.
Masasabi kong sa isang banda ay nagsilbing inspirasyon sa akin ang kaniyang lakas ng loob. “Tuloy ang buhay...” Minsang kaniyang nasambit sa kaniyang nanay, na parang siya pa ang napapalakas ng loob sa kaniyang mga magulang.
Isang araw ay dumating ang balita sa akin. Pagkabigla ang tanging aking naramdaman. Hindi ko inaasahan at hindi man lang pumasok sa isip ko na mangyayari ang bagay na iyon sa aking kaibigan. Wala na si She.
Nalaman ko lamang sa kaniyang mga magulang na hindi na nakayanan ni She. Nagpasya itong wakasan na ang kaniyang paghihirap. Hindi ko lubos na naunawaan ang detalye ng pangyayari subalit sa himig ng kanilang salita ay isang “mercy killing” ang nangyari.
Hindi ko sinisisi ang kaniyang mga magulang sa pagpahintulot na mangyari ang nangyari. Hindi rin ako nagkaroon ng lakas ng loob para tanungin sila o sumbatan man. Maraming mga katanungan ang sinarili ko na lamang. Nawalan na ba sila ng takot sa Dios, kung kaya’t sila na ang bumawi ng buhay na hiram lamang sa Maykapal? Hindi ba’t kinukundina ang mga ganitong bagay sa ating lipunan? Hindi ba’t maituturing na isang krimen laban sa buhay ang pagpahintulot o pag-asiste upang maisagawa ito? Maituturing bang “awa” ang pagkitil ng buhay ng isang mahal sa buhay?
Sa isang artikulong nabasa ko, may ilang mga bansa sa kanluran ang legal ang tinatawag na “mercy killing” o euthanasia. Ayon sa sumulat, maaaring ang kawalan ng pananampalataya sa Dios ang pangunang dahilan ng pagsasa legal ng euthanasia. Sa isang partikular na bansa ay 70% ng populasyon ay hindi naniniwala sa life after death.
Sa aking pananaw, ang mercy killing ay isang krimen. Isang intensyonal na pagkitil sa buhay ng isang pasyente bunsod ng kawalan ng pag-asa at kakulangan ng pananampalataya sa Dios. Sinasabi ng mga kamag-anak ng pasyente na ito ay makapagbibigay ng mapayapang kamatayan para sa kanilang mahal sa buhay. Subalit anong uri ng kapayapaan na pagkatapos nito ay may isang tinig na babagabag sa iyo sa iyong pagtulog? Kung ikaw ay hindi naman talagang masamang tao, mayroong budhi na nagsasabi sa loob mo kung mayroong hindi tama. At itong budhi ring ito ang nagsasabi sa puso at isip na mayroong Makapangyarihang Dios na may-ari ng buhay. ---E.ESGUERRA

CALAMBEÑO BLOG is devoted to blogs/articles coming from visitors. Opinions/comments/views from visitors' articles does not reflect the opinion/comments/views of Calamba.ph
Last Updated on Friday, 25 November 2011 07:21
Comments
RSS feed for comments to this post