Kamakailan lamang ay ibinasura ang isang ordinansang panglunsod na tumutukoy sa pagbabawal ng pag-gamit at pagbebenta ng mga sigarilyo at produktong tabako sa mga piling pampublikong lugar at sakayan sa lunsod ng Calamba. Naghain ng isang veto message si Punonglunsod Joaquin M.Chipeco Jr., na naglalayong hindi maaprubahan ang nasabing ordinansa dahil sa ilang hindi konkreto at magkakasalungat na impormasyon partikular na ang mga batas at regulasyon sa Republic Act 9211 o mas kilala bilang The Tobacco Regulation Act 2003.
Sa ginawang desisyon ni Pununglunsod Chipeco, nakapagtataka at nakakagulat ang pagbasura sa nasabing ordinansa dahil malinaw na nakalahad sa Seksyon 2 ng ordinansang panglunsod o mas kilala bilang Smoke Free Ordinance of the City of Calamba, Province of Laguna ang layunin na maprotektahan ang buong mamamayan ng Calamba lalo na ang mga kabataan sa mga masasamang dulot ng paninigarilyo tulad ng sakit sa baga at tuberkolosis na nagiging dahilan ng pagkamatay ng nakararaming Pilipino.
Ayon sa mga pananaliksik, 28% ng mga Pilipino na may edad 15 pataas o 17.3 milyong Pilipino ay naninigarilyo. Kaugnay nito, mataas din ang bahagdan ng mga Pilipinong nagkakasakit sa baga at tuberkolosis. Ayon sa World Health Organization (WHO) Global Tubercolosis (TB) Report 2009, ang Pilipinas ay pang siyam sa 22 bansa na may mataas na kaso ng TB. Base naman sa WHO Western Pacific Region 2007, pumapangalawa ang Pilipinas sa Tsina na may pinakamataas na kaso ng TB. Sinasabi rin na ang TB ay pang-anim sa mga sakit na nagbubunga ng mabilis na pagkamatay ng mga Pilipino dahilan na rin sa paninigarilyo. Noong 2007, humigit kumulang 100 Pilipino ang namamatay bawat araw dahil sa sakit ng TB.
Dahil dito, malaki ang responsibilidad ng pamahalaan upang magpatupad ng mga batas at ordinansa na makakatulong upang masugpo at mapigilan ang lumalalang sakit na nagiging dahilan ng pagkamatay ng mga Pilipino. Ayon sa 1987 Constitution of the Republic of the Philippines, ang estado ay may tungkuling protektahan at bigyang pansin ang karapatan pangkalusugan ng mga tao at malaman ng mga tao ang kahalagahan ng malusog na pangangatawan. Kaugnay nito, binibigyang diin din ng Local Government Code of 1991 na ang bawat lokal na pamahalaan ay may kapangyarihan at otoridad upang suportahan ang pangangalaga sa kalusugan ng mga taong naninirahan sa isang pook o lugar.
Patungkol dito, lubos ang pagkadismaya ni Konsehala Ruth Mariano Hernandez, ang namumuno sa Komite ng Pangkalusugan sa lunsod ng Calamba at ang patnugot ng nasabing ordinansa, sa ginawang desisyon ng pununglungsod. Aniya, dumaan sila sa matinding pananaliksik, bago isulong ang nasabing ordinansa. Dumaan din sila sa pormal at legal na proseso katulad ng pagsasagawa ng pagpupulong para sa lahat ng komite, public hearing at pagsangguni sa legal office.
Nabanggit din ni Konsehala Hernandez na hindi gaanong malinaw ang ibinigay na veto ng pununglunsod dahil hindi nakadetalye o hindi nailatag ng husto ang mga magkakasalungat at hindi konkretong impormasyong na binabanggit ng pununglungsod sa kanyang mensahe.
![]() | “Sana i-partial veto na lang kaso ang ginawa total veto kaya ibig sabihin kahit yung ibang consistent disapprove…” turan ni Konsehala Hernandez. |
Ayon pa kay Konsehala Hernandez, isususog nya ang ordinansa at maghahain siya ng over ride resolution upang maisabatas pa rin ang nasabing ordinansa.Kailangang makakuha ng 2/3 na boto mula sa bumubuo ng Konseho ng Sangguniang Panglunsod ng Calamba upang maipasa ang ordinansa bilang isang batas. Malakas naman ang tiwala ni Konsehala Hernandez na sasangayunan ng kanyang mga kasamahan sa Konseho ang nasabing ordinansa katulad ng unang pagsuporta ng mga ito ng bago pa lamang niya itong inirerekomenda.
Sa nangyaring pagkakabasura sa isang ordinansa na naglalayon lamang na palakasin, panatilihin at maprotektahan ang kalusugan ng bawat Calambeño sa mga sakit na dulot ng paninigarilyo, isang malaking tanong ang nakabinbin sa ating mga pag-iisip. Ano kaya ang mabigat na dahilan upang hindi maaprubahan ang isang ordinansa na paniguradong sasagip sa buhay ng nakakarami? Anu-ano ang mga “kapritsuhan” sa likod ng mga desisyong natatanging sila lamang ang nakakaalam at nakakaunawa?
Upang bigyang-daan ang balanse at patas na pagtingin sa isyung ito ay nagtungo ako sa Tanggpan ng Punonglungsod upang makuha ang panig nito. Subalit ayon sa sekretarya ay hindi available ang mayor noong oras na iyon. Minarapat ko na lamang na puntahan ang City Legal Office upang hingin ang opinyon nito bilang tagapayo na din na punonglungsod pagdating sa mga usaping legal. Subalit gaya ng nauna, hindi available si attorney upang makapanayam. Kung nabigyan sana ako ng pagkakataon ay nais ko lamang itanong ang proseso ng pag-akda ng mga ordinansa. Sa aking pagkakaalam ay bago makalusot sa Sanggunian ang isang batas ay sumasailalim ito sa mga committee meeting na presente ang mga kinatawan ng Legal Office, at sa mga pulong na isinagawa ay maraming pagkakataong maaaring magkomento kung may mga pagkakamali o kakulangan sa nilalaman ng isang ordinansa o resolusyon. Sa panahong iyon, hindi ba nila nakita ang mga umano ay inconsistencies ng naturang ordinansa? Ano ang malinaw na mga kadahilanan upang ito ay i-veto?
Sa mga taga-Calamba naman na aking pinulsuhan sa kanilang opinyon ay narito ang ilan sa mga katanungan nila patungkol sa isyung ito:
"Isang kakatwa kung iisipin ang mga dahilan sa likod ng desisyon ng ating pununglungsod sa pagbasura sa ordinansa. Naninigarilyo ba sya o ang kanyang anak na Congressman? "---Joyce ng Brgy I
"May tobacco investment ba sila? O malaki ang voting population ng pununglunsod na naninigarilyo at ayaw niyang magalit ang mga ito sa kanya?" ---Edward ng Brgy Maunong
"Baka naman inaalala lang niya ang malaking pondo na nakukuha natin sa buwis na nanggagaling sa sigarilyo at tabako? Ilan lamang ito sa mga katanungan na maaring sumagi sa ating mga isipan." ---Joey ng Brgy. Pansol
Ang mga naturang tanong ng mga mamamayan ay nagbibigay pahiwatig sa pag-gigiit natin na malaman ang tunay na dahilan ng mga pangyayari. Nag-aalab, naglalagablab, lumiliyab na katotohan inyo sanang dinggin.
Nakaatang sa kamay ng mga nanunungkulan na bigyang pansin ang kalusugan ng mga mamamayan sa kanilang nasasakupan. Isang napakalaking responsibilidad ang pagsasagawa ng desisyon. Mga desisyong makakaapekto sa takbo ng buhay ng tao. Ngunit kung ang desisyong ito ay para sa ikabubuti nakararami ay mas maigi na ito ay suportahan.
Sa ganitong panahon, hindi dapat maimpit ang tinig ng bawat isa. Magsalita at magtanong. Hindi maaalis sa bawat isa na magbigay ng reaksyon lalo na kung ang pinaguusapan ay kaligtasan at buhay. Sa pagdaan ng panahon, sana’y mabulalas ang mga nakatago; sana’y maturan ang katotohanan.---S.F. GRABANZO
RELATED ARTICLE:
CALAMBEÑO BLOG: PANGANIB DULOT NG SIGARILYO
SMOKING BAN ORDINANCE, TINUTULAN NG MAYOR NG CALAMBA
CALAMBEÑO BLOG is devoted to blogs/articles coming from visitors. Opinions/comments/views from visitors' articles does not reflect the opinion/comments/views of Calamba.ph
Last Updated on Wednesday, 23 November 2011 08:40
Comments
RSS feed for comments to this post