Jobs Directory

Untitled-1

Business Directory

Untitled-2

Please update your Flash Player to view content.

PAGSUSULONG NG CITY ORDINANCE NO.508, KASADO NA

  • PDF
User Rating: / 1
PoorBest 


Upang patuloy na palakasin at palawigin ang produksyon at pataasin ang demand at supply ng produkto ng mga lokal na produsyer, mga magsasaka at lokal na kooperatiba sa Calamba sa lokal at maging sa panlalawigang mercado, inaprubahan na ang City Ordinance No. 508 noong ika- 12 ng Setyembre sa pamamagitan ng Resolution No. 320, series of 2011.


Ang City Ordinance No. 508 ay naglalayong magbigyang pansin at prayoridad ang mga lokal na produkto ng mga produsyer o magsasaka ng Calamba na maibenta at maipagbili  sa mga pangindustriyal na establisyamento, pampublikong pamilihan, palengke, malls at sa mga komersyalisadong pamilihan sa Calamba.

Ayon kay Konsehal Christian Niño Lajara, tagapamanihala ng Komite ng Agrikultura ng Calamba, na maganda ang nilalaman ng nasabing ordinansa. Ipinaliwanag ni Kon. Lajara na isa itong magandang pagkakataon sa mga magsasaka at mangingisda at maging sa mga naghahayupan lalo na ang baboy na sa pamamagitan ng opisina ng Kagawaran ng Agrikultura, Panglunsod na Beterinarya ay madaling maaabisuhan ang mga lokal na produsyer sa mga pangangailangang materyales o produkto na nais bilhin ng mga pangindustriyal na establisyamento, pamilihan, palengke at malls sa Calamba.

 

Nakasaad sa ordinansa, sa ilalim ng City Ordinance Section 3a, na ang lahat ng establisyamento na nasasakupan ng Calamba ay nararapat na “Post an “Invitation to Local Producers, Manufacturers and Suppliers” of local products or produce they need to purchase.  It shall be posted at least once every three (3) months or as frequently as possible, at a place within the premises where it can readily be seen and read.”

 

 

Karagdagan pa dito, dapat ding magpasa ang mga pangindustriyal na establisyamento sa opisina ng City Agricultural Services Department ng listahan ng mga produktong nais nilang bilhin kahit isa o dalawang beses sa loob ng isang taon.  “Provide sufficient stalls, display area or racks for the appropriate product or produce, and prominent advertisements and signs, which show that these products or produce are sourced locally,” isa rin sa dapat bigyang pansin ng mga nasabing pangindustriyal na establisyamento.

 

Sinang-ayunan din naman ni Gng. Annalie Esguerra, isang guro sa Economics ng Calamba Bayside National High School (CBNHS) na malaki ang maidudulot nito sa ikauunlad ng pamumuhay ng mga magsasaka sa Calamba. Binigyang diin din ni Esguerra na mabibigyang pagkakataon ang mga lokal na produsyer na maiangat at makilala ang kanilang mga produkto hindi lamang sa Calamba maging sa ibang lalawigan. Aniya, magbubunga pa ito sa isang mayabong na kumpetisyon sa lokal at nasyunal na mercado.

 

Ayon naman kay Professor Ricamela Palis, Direktor ng Culture and Arts Department ng Colegio de San Juan De Letran- Calamba, hindi lang sa ikauunlad ng industriya at agrikultura ng Calamba ang susuportahan ng ordinansang ito, maging ang kultura at tradisyon na mayroon ang Calamba. Mapapanatili ang angking produkto ng lunsod at magiging tatak ng buong Calambeño.

 

 

Kaugnay nito, lubos naman ang pagsuporta ng Walter Mart, Real, Calamba sa nasabing ordinansa. Ayon kay G. Jomer Calma, Cluster Head ng Walter Mart Calamba na hindi mahihirapan ang Sangguniang Panglunsod ng Calamba sa pagpapatupad ng ordinansa sa Walter Mart dahil nais din nilang bigyang pansin ang sariling produkto ng Calamba.

 

“Kung tutuusin matagal na naming naisasagawa ang nasabing ordinansa hindi pa man ito naipapasa. Nais kasi naming palakasin ang produkto ng Calamba at suportahan ang pamumuhay ng mga magsasaka at ng iba pang lokal na produsyer para na rin sa ikauunlad ng ekonomiya ng Calamba,.” turan ni Calma.

Patungkol dito, isinaad din ni Calma na bilang pagsuporta ng Walter Mart sa nasabing ordinansa ay magbibigay sila ng libreng renta sa mga lokal na produsyer na nagnanais na magkaroon ng Trade Fair sa loob ng isa hanggang dawalang linggo upang makilala at maipagbili ang kanilang mga produkto.


“Tulong na namin ito sa mga lokal na produsyer na Calamba dahil natutulungan din nila kami na maghikayat ng mga tao na pumunta sa amin. 90% kasi ang halaga ng renta na maililibre nila, kailangan lang nilang magbayad  ng kuryente na 10% lang at maliit na halaga.


Nabanggit din naman ni Calma na bago nila pagbigyan ang mga lokal na produsyer ng Calamba na magsagawa ng isang Trade Fair ay kailangan muna na may sapat na katibayan na nagmula sa Pamahalaan ng Calamba. Ayon sa Section 3b ng City Ordinance no. 508 na ang mga magsasaka, at ang iba pang lokal na produsyer ay nararapat na kumuha ng katibayan sa Business Permit and Tricycle Franchising Office, City Agricultural Services Department at City Health Office na nagpapatunay na sila ay naninirahan sa Calamba, ang kanilang produkto ay talagang likha mula sa Calamba at malinis at ligtas sa anumang sakuna ang lahat ng klase ng produkto na nais nilang ipagbili.

 

Ayon pa kay Calma, bago man sila bumili ng produkto ay nararapat pa ring pumasa ang kalidad ng mga produkto sa standard na kanilang ibibibigay. Isa pa dito, hiniling ni  Calma na kung maari na magtayo ng isang grupo o organisasyon ang lahat ng mga magsasaka, at iba pang lokal na produsyer ng Calamba upang maging madali ang pakikipagkalakalan at pakikipag-usap sa mga ito. Kaugnay nito, nabanggit ni G. Severino G. Caraan sa nakaraang pag-uulat ng Komite ng Kalakalan, Komersyo at Industriya noong ika-14 ng Hulyo, na ang mga produkto na maaring maikalakal sa mercado ay mga fishery products gaya ng tilapia at bangus at mga vegetable products katulad ng mga panlahok sa pakbet gaya ng kamatis.


Ang ordinansa ay pinagpalnuhan, nilikha at isinagawa ng Komite ng Kalakalan, Komersyo at Industriya sa pamamatnugot ni Konsehal Pewee Platon-Perez. Kabalikat din sa ordinansang ito sina Konsehal Christian Niño Lajara na siyang namumuno sa Komite ng Agrikultura at si ABC President Saturnino Lajara na nangangalaga sa komite ng Laws and Orders, Peace and Order at Barangay Affairs.


Ayon sa Section 16 ng Local Government Code of 1991, ang bawat lokal na pamahalaan ay nararapat na gamitin ang tumpak na kapangyarihan upang magkaroon ng sapat at epektibong pamamahala na isinasaalang alang ang kapakanan at proteksyon ng mga taong naninirahan sa isang nasasakupang lugar.

Dahil dito, sa pamamagitan ng Resolution No. 320, pinagtibay ng Sangguniang Panglunsod ng Calamba sa  pangunguna ni Alkalde Joacquin M. Chipeco Jr. at ni Bise Alkalde Severino J. Lajara ang nasabing ordinansa para na rin sa patuloy na ikauunlad ng lunsod at pagtaas ng lokal na ekonomiya ng Calamba.---

Sammy F. Grubanzo

 

fm


 


 

CALAMBEÑO BLOG is devoted to blogs/articles coming from visitors.  Opinions/comments/views from visitors' articles does not reflect the opinion/comments/views of Calamba.ph 

DISCLAIMER

Last Updated on Tuesday, 08 November 2011 07:01

Add comment


Security code
Refresh