Click to Watch the Interview with Councilor Peewee Perez | Binabanggit sa Saligang Batas ang tinatawag na soberanya. Ito ay ang pinakamataas na kapangyarihan ng estado upang magpatupad ng kagustuhan nito sa mgamamamayannito sa pamamagitan ng mgabatas. Isang napakahalagang halimbawa ng nasabing element ng estado ay ang pagkakaroon ng Pilipinas ng Kodigo ng Pamahalaang Lokal, o mas kilala bilang Batas Pambansa Bilang 7160, na siyang sumapit na sa ika-dalawampung (20) taon nito mula nang ito ay maisabatas noong taong 1991. Kasama sa probisyon ng nasabing batas ay ang pangkalahatang kagalingan na nakasaad sa Seksyon 16. Kabilang dito ay ang kaunlarang pang-ekonomiya at prayoridad para sa mamamayan. Bagamat tahasang binabanggit sa batas ang proteksyon at suporta na maaaring ibigay ng lokal na pamahalaan, panakanakang napag-iiwanan marahil ang pagprotekta sa lokal na produksyon ng nasasakupan na siyang isa sa pisikal na anyo ng kaunlaran. |
Ordinansa Bilang 508: Tugon sa Lokal na Produksyon ng Bayan
Kung tutuusin, ang Lungsod ng Calamba ay mayabong hindi lamang sa likas tao kung hindi pati na rin sa yamang lupa nito. Gayunpaman, ayon sa tala ng Department of Agriculture, 7.7 na bahagdan (7.7%) ng kabuuang lawak ng Calamba na 14,938.56 ektarya ay laan bilang agrikultural na lupain. Ito ay katumbas ng 1,148.73 na ektarya ng lupa at nasa dalawampu’t limang (25) barangay lamang ng lungsod. Ang naturang datos ay sumasalamin sa kasalukuyang katatayuan ng lungsod at kung ano ang tunguhin nito. Bagamat tila bumaba ang porsyento ng lupang agrikultural sa lungsod, hindi natatali ang lokal na pamahalaan sa isang tabi, bagkus ay humahanap ng paraan upang iangat ang anumang yaman mayroon ang lungsod.
Dahil dito, pormal na naaprubahan sa Lungsod ng Calamba ang ordinansang magtatakda ng prayoridad ng lokal na pamahalaan para sa lokal na produksyon ng lungsod. Ang Ordinansa Bilang 508 o “An ordinance requiring industrial establishments, public markets, supermarkets, malls, department stores, commercial complexes, and similar establishments to give priority to local suppliers, manufacturers, producers and their products and produce, and for other purposes” na akda ni Kgg. Peewee P. Perez ay tuluyang ipinasa noong ika-12 ng Setyembre 2011 upang pag-ukulan ng karampatang atensyon at prayoridad ang lokal na produksyon ng mga Calambeño.
Sa panayam kay Konsehal Perez, sinabi niya na ang Ordinansa Bilang 508 ay ang kauna-unahang ordinansa na kanyang inakda bilang tagapangulo ng Komite ng Kalakalan, Komersyo at Industriya. Dagdag pa niya, mahalaga para sa lokal na pamahalaan ang siguruhin ang katatagan ng ekonomiya ng bayan pagkat dito rin naman nakikinabang ang pamahalaan.
Prayoridad sa Lokal na Produksyon
Sa naturang ordinansa, ang lahat ng uri ng pamilihan, maging ito ay grocery, mall, department store, palengke, o commercial complex, ay inaasahan na mag-aangkat ng produkto nito mula sa mga lokal na produksyon o industriya sa loob ng lungsod. Kasama sa mga lokal na produksyon ang mga produktong agrikultural, manufacturer, at industriya na nasasaklawan ng pamahalaang lungsod ng Calamba.
Sa tala ni Konsehal Perez, mahigit animnapung porsyento (60%) ng komersyo sa Calamba ay mga lokal na produksyon. Ang Ordinansa Bilang 508 ang siyang magtatakda ng prayoridad sa lokal na produksyon nang sa gayon ay maiangat ang kanilang mga produkto sa merkado. Ito rin ay silbing tugon ng lokal na pamahalaan upang dalhin ang produksyon ng bayan sa mas mataas na antas kung saan kaya na nitong makipagsabayan sa ibang produkto pagdating sa presyo at kalidad.
Ang ehekutibo, kasama ng City Agricultural Services Department, City Health Office, at Business Permit and Tricycle Franchising Office, ang siyang magtitiyak na ang nasabing ordinansa ay ipinapatupad. Gayundin, ang ehekutibo rin ang may responsibilidad upang gumawa ng Implementing Rules and Regulations (IRR) pagdating sa pagpili ng produkto na siyang ilalapit sa pamilihang nasasakupan ng Calamba.
Pagpapanatili ng Agrikultura, Komersyo, at Kooperatiba
Nang ang ordinansang ito ay binubuo pa lamang, kasama ang Kgg. Christian Niño Lajara sa pagbalangkas ng konsepto ukol sa lokal na produksyon. Dahil sa Ordinansa Bilang 508, nagkaroon na ng kaganapan ang isang pangarap--- na maaaring pakinabangan ng mga pamilihan sa Calamba ang lokal na produksyon nito. Hindi lingid sa kaalaman ng mga mamamayan na unti-unting umuusbong sa lungsod ang komersyo na kakikitaan sa pagsulputan ng mga mall at department store sa iba’t-ibang barangay sa Calamba. Ang ordinansa ay silbing tugon upang ibalik sa mga Calambeño ang pagtangkilik sa mga mall na ito.
Kung mayroon mang makikinabang sa milyun-milyong kinikita ng mga mall at iba pang uri ng pamilihan, marapat lamang makinabang dito ang mga lokal na produksyon sa lungsod. Gayundin, malaki rin ang magiging pakinabang ng mga kooperatiba na siyang may koneksyon sa iba’t-ibang industriya sa Calamba. Binibigyang oportunidad ng nasabing ordinansa ang ilang mga producer, tulad ng mga nasa sector ng agrikultura, na yumabong at magkaroon ng sarili nitong pangalan pagdating sa komersyo.
Gayundin, mahalaga rin ang magiging pakinabang ng mga barangay, kung saan kasamang may-akda ng ordinansa si Kgg. Saturnino Lajara. May datos ang mga barangay kung anu-anong mga grupo o producer ang nasasakupan nila. Kasama rito ay ang pagpapanatili ng magandang kompetisyon sa pagitan ng iba’t-ibang industriya ng lungsod.
Nais lamang iparating ng mga lokal na mambabatas na prayoridad pa rin nila ang kagalingan sa bawat mamamayang Calambeño. Hiling lamang ng may-akda ng ordinansa na kung nais nilang umunlad ay may paraan naman, ngunit kailangan nilang lakipan ang ibinigay na oportunidad ng pamahalaan ng pagsusumikap na iaangat nila ang kalidad ng kanilang produksyon nang sa gayon ay makaya nilang makipagsabayan sa kung ano ang mayroon na sa merkado. Gayundin, nais rin niyang hilingin sa mga namumuhunan sa Calamba na gawing social responsibility ang pag-angkat ng produkto mula sa lokal na produksyon ng Calamba--- pagpapakita na binabalik lamang nila ang patuloy na pagtangkilik ng mga mamamayan sa kanilang mga pamilihan na siyang nagpapanatili sa kanila sa lungsod.---JM JOSE

CALAMBEÑO BLOG is devoted to blogs/articles coming from visitors. Opinions/comments/views from visitors' articles does not reflect the opinion/comments/views of Calamba.ph
Last Updated on Friday, 28 October 2011 06:28