LOS BAŇOS, LAGUNA. Maraming mga mag-aaral ang nagsipag-suot ng puting damit bilang tugon sa pagdedeklara ng bagong chancellor ng Unibersidad ng Pilipinas- Los Baños (UPLB). Sa pulong ng Board of Regents (BOR) ng Unibersidad ng Pilipinas ngayong ika-29 ng Setyembre 2011, itinanghal bilang bagong chancellor ng UPLB si Dr. Rex Victor Cruz mula sa Kolehiyo ng Paggugubat at Likas na Yaman (CFNR).
Naging katunggali niya sa puwesto sina Dr. Domingo Angeles ng Kolehiyo ng Agrikultura (CA), Dr. Vivian Gonzales ng Office of Student Affairs (OSA), Dr. Eulogio Castillo ng Agricultural Credit and Cooperative Institute (ACCI), Dr. Rene Rafael Espino ng Kolehiyo ng Agrikultura (CA), Dr. Felino Lansingan ng School of Environmental Science and Management (SESAM), at si Dr. Roberto Rañola ng Office of the Vice Chancellor for Administration (OVCA).
Gamit ang kanyang tema na “UPLB: One Goal, One Destiny, One University”, nais niyang pamahalaan ang UPLB sa limang tematikong plano sa loob ng kanyang panunungkulan: (1) Pamamahala para sa Paglago at Pag-kakaisa; (2) Pagbabago at programa para sa kahusayan, pakikipagtulungan, at pagsasama-sama: (3) bumuo ng mga mapagkukunan para sa pagiging produktibo at pagpapanatili nito; (4) paunlarin ang sistemang pangsuporta para sa pagbibigay ng kapangyarihan at inspirasyon; at (5) pahabain ang maaabot ng UPLB para sa pagpapalabas, pakikipagtulungan, at pagbubuo ng nasyon.
Mula naman sa hanay ng mga mag-aaral, sa pamamagitan ng University Student Council (USC), inaasahan naman na magiging patas at makatao ang bagong chancellor ng UPLB upang isulong ang karapatan ng mga mag-aaral para sa libre, de-kalidad, at demokratikong uri ng edukasyon. Inaasahan naman na magbibigay ng pahayag si Dr. Luis Rey Velasco, ang kanyang pinalitan sa posisyon, sa mga susunod na araw.--JM JOSE

CALAMBEÑO BLOG is devoted to blogs/articles coming from visitors. Opinions/comments/views from visitors' articles does not reflect the opinion/comments/views of Calamba.ph