CALAMBA CITY, LAGUNA---Nagkaroon ng pagpupulong ang Komite ng Agrikultura sa pangunguna ng tagapangulo nito na si Kagalang-galang Christian Niño S. Lajara noong ika-25 ng Agosto 2011 ukol sa pagsangguni ng Federation of Barangay Agrarian Reform Council (BARC) sa naturang komite patungkol sa kahilingan nito na mabigyan ang kanilang limampu’t apat (54) na barangay council ng buwanang sustento. Nagpadala ang BARC ng liham sa Komite ng Agrikultura ukol sa nasabing pagsangguni.
Nakasaad sa liham na humiling ang BARC sa pamamagitan ni G. Cirilo Roxas, BARC Chairman ng Barangay San Cristobal, at ni G. Reynaldo Nova, BARC Chairman ng Barangay Real, at sinang-ayunan ng lahat ng nagsipag-dalo ng pulong nila na sila ay humiling ng buwanang honorarium sa bawat miyembro ng BARC Federation na nagkakahalaga ng isang libo at limang daang piso (Php 1,500.00).
Dahil sa kahilingang ito ng BARC Federation, nakapagpadala na noong nakaraan ang tagapangulo ng liham sa Kagawaran ng Agrikultura sa Calamba. Gayundin, ipinaalala ni Konsehal Niño Lajara na nagkasundo na ang lahat ng miyembro ng Sangguniang Panlungsod ng Calamba at inaprubahan nila ang kahilingang ito ng BARC. Gayunpaman, nang sumulat ang tagapangulo sa hepe ng City Budget and Management Office (CBMO) na si Gregoria Dongallo, napagalaman na hindi napasama ang hininging BARC allowance sa ibinabang supplemental budget ng taong 2011. Ang tanging dahilan diumano ng CBMO ay dahil may kaukulang pagsisiyasat sa kung alin ang kinakailangang ng agarang paglalabas ng pondo o ang pag-prioritize ng gastusin.
Kung kaya’t hiniling ng tagapangulo na muli itong ihain upang mapasama sa supplemental budget ng taong 2012, kasma ang allowance ng mga BARC chairman. Sa nasabing pulong, binanggit ni Tessa Mar Espino, inatawa ng City Agriculture Office (CAO), na ayon sa hepe nila na si Aurea Alcasabas, ang sustentong hinihingi ng BARC ay hindi nila hawak pagkat ang direktang ahensya na dapat na mamahala nito ay ang lokal na tanggapan ng Kagawaran ng Repormang Agraryo. Bukas naman ang CAO upang tumulong sa BARC na ilabas ang sustentong kanilang hinihingi, ngunit sa ngayon ay nahihirapang dumipensa ang nasabing tanggapan sa Commission on Audit (COA) sapagkat wala sa kanilang mandato ang BARC.
Sa pahayag ng isang kinatawan mula sa Tanggapan ng Ikalawang Punonglungsod, mayroong dalawang milyong piso na quarterly budget ang Agrarian Reform na zero-obligated at hindi nairerelease na nakalagay sa quarterly report ng City Accounting Office. Dahil dito, sinabi ng tagapangulo na dahil sa impormasyong iyon ay hahanapan muna ng basehan kung papaano mailalabas ang nakalaang budget na ito para sa Agrarian Reform. Gayundin, dapat na mabigyang-linaw kung anong departamento o ahensya ng lokal na pamahalaan ang may responsibilidad upang mangasiwa ng pagpapalabas ng budget upang tuluyang maipamahagi ang hinihinging sustento o honorarium ng BARC Federation. Dagdag pa, kailangan mabigyan ng linaw ang lagay ng budget ng Agrarian Reform sa susunod na taon na maaaring magkahalaga ng walong milyong piso bawat taon. Sinabi rin ng tagapangulo na maaaring maglabas ang Sangguniang Panlungsod ng Calamba ng isang ordinansa na magtatakda sa City Agriculture Office upang maging pangunahing ahensyang mangangasiwa ng budget ng BARC Federation kung hindi pa rin mabibigyan ng kasagutan kung anong ahensya ang dapat na gumampan sa nasabing suliranin.
RELATED ARTICLES:
| PAGHAHALAL NG BARC CHAIRMAN NG CANLUBANG WALA PA RING LINAW | |
| ANG PAGBUHAY SA BARANGAY AGRARIAN REFORM COUNCIL(BARC) | |
| BARANGAY AGRARIAN REFORM COMMUNITY (BARC) MULING PALALAKASIN SA CALAMBA | |

CALAMBEÑO BLOG is devoted to blogs/articles coming from visitors. Opinions/comments/views from visitors' articles does not reflect the opinion/comments/views of Calamba.ph
Last Updated on Wednesday, 07 September 2011 07:54