AMERIKANO, INARESTO DAHIL SA PANGUGULPI NG BABAE
- Sunday, 04 September 2011
- Written by Calamba Super Administrator
ISANG Amerikano ang inaresto ng pulisya sa San Pedro Laguna, matapos na gulpihin ang isang babae sa lugar ng Barangay Sto. Nino, Binan City, Laguna. Kinilala ni Police Supt. Kirby John Kraft, Hepe ng San Pedro Laguna PNP Station ang inarestong suspek na si Gunnur Andersen, 49 na taong gulang, Welder, tubong Denmark at pansamantalang naninirahan sa lugar na nabanggit.
Ang ginulpi naman nitong babae ay kinilala ni PO1 Isabel De Leon Reta, na si Cristeta Sanorjo y Blanca, 54 na taong gulang, walang hanapbuhay at residente ng Woodhills Subdivision, Barangay San Antonio, bayang nabanggit. Lumilitaw sa isinagawang imbestigasyon ni PO1 Reta, nabatid na dakong ika-12:30 ng gabi, kamakalawa ng mangyari ang nasabing insidente, sa tahanan ng suspek. Nagtungo umano si Sanorjo sa tahanan na tinitirahan ni Amdersen, para singilin ito sa upa ng Apartment. Dahil sa Lasing umano ang dayuhan ng oras na iyon, ay agad na ginulpi ang babae.
Ang insidente ay nakatawag ng pansin kay PO3 Albert Capuchino, na kasalukuyang nagpapatrulya ng mga sandaling iyon, kaya pinuntahan ng pulis ang lugar kung saan nagkakagulo na ang mga tao, dahil nga sa ginawang panggugulpi ng Amerikano sa ginang. Tinangkang awatin ni PO3 Capuchino ang suspek, subalit dahil sa lasing ito ay ayaw paawat, kaya inaresto at dinala sa himpilan ng pulisya. Nagtungo naman sa doktor ang biktima para magpagamot. Pansamantalang ipiniit sa San Pedro Laguna Municipal Police Station Jail ang nasabing suspek, habang inihahanda naman ng pulisya ang papeles ng demanda laban dito na isasampa sa korte.(Arlene P. Mariposque)
CALAMBEÑO BLOG is devoted to blogs/articles coming from visitors. Opinions/comments/views from visitors' articles does not reflect the opinion/comments/views of Calamba.ph
DISCLAIMER
Last Updated on Tuesday, 06 September 2011 07:26Add comment