CALAMBA CITY LAGUNA---PATULOY ngayong ginagamot sa Calamba City Doctors Hospital ang isang trabahador na tinaga ng kasamahan nito, dahil lamang sa paniningil ng 200 piso, para ambag sa kanilang agahan na naganap sa Barangay Siranglupa, Calamba City, Laguna. Kinilala ni Police Supt. Joel Pernito, Hepe ng pulisya sa Calamba City ang biktima na si; Israel Ong, 29 na taong gulang, binata, construction worker, kasalukuyang nakatira sa Silangan, Barangay Siranglupa, nasabing lunsod.
Ang suspek naman ay si Joel Makinano, nasa hustong gulang, may-asawa, construction worker at residente ng Novaliches, Quezon City, kasama sa trabaho ng biktima. Sa isinagawang imbestigasyon ni PO3 Ernesto Reyes, nabatid na dakong ika-6:00 ng gabi, naganap ang nasabing insidente ng pananaga ng suspek sa biktima. Ang biktima ay kasalukuyang nanonood ng Television, kasama ang isang Doroteo Diana, ng biglang dumating ang lasing sa alak na suspek at agad na pinagtataga si Ong na tinamaan sa kanang leeg, kaliwang siko at mukha.
Matapos ang nasabing insidente, ay tumakas ang suspek at pinaghahanap na ngayon ng pulisya. Ang biktima naman ay isinugod sa nasabing pagamutan at nilalapatan ng kaukulang lunas. (Arlene P.Mariposque)

CALAMBEÑO BLOG is devoted to blogs/articles coming from visitors. Opinions/comments/views from visitors' articles does not reflect the opinion/comments/views of Calamba.ph