| Ang National Statistics Office (NSO) ay kasalukuyang nagsasagawa ng Family Health Survey (FHS) para sa taong 2011 upang makapaglilikom ng datos na nauukol sa kalagayan ng kalusugan at nutrisyon ng bawat miyembro ng pamilya sa buong bansa. Layunin nitong makaipon ng mga impormasyon mula sa mga miyembro ng pamilya na may kaugnayan sa kalusugan ng ina at kanyang mga anak, pagpaplano ng pamilya at iba pang datos na may kaugnayan sa kalusugan. Kukuha rin ng mga impormasyon ang NSO tungkol sa batang namatay na wala pang limang taong gulang at pagkamatay ng ina dulot ng panganganak. |
Mahalaga ang mga datos ng FHS sa pagbabalangkas ng programa sa pagbuo ng estratehiya upang mapalawig at lalong mapabuti ang serbisyo ng pamahalaan. Ang mga babae sa mga piling sambahayan na may edad 15 hanggang 49 ang pangunahing tatanungin at kukunan ng impormasyon tungkol sa kanilang karanasan sa kanilang panganganak, kalusugan ng kanilang mga anak, paraan ng pagpaplano ng pamilya, kalagayan ng bahay bata ng ina at iba pang mga bagay na makakatulong sa pamahalaan sa larangan ng kalusugan.
Ito ay maisasakatuparan sa tulong ng United States Agency for International Development (USAID) upang matugunan ang problemang pangkalusugan ng mga ina at bata sa buong mundo. Kasama rin ang World Bank para naman sa pagaaral ng mga sanhi ng kamatayan sa panganganak. Sinimulan ito noong 1995 at hanggang sa kasalukuyan ay patuloy sa pangangalap ng impormasyon sa mga kababaihang nagbubuntis, pangangalaga sa kanilang kalusugan at supling.
Ito ay nasa ilalim ng mandato ng Commonwealth Act 591 at Executive Order No. 121 na binibigyan karapatan ang mga tauhan ng NSO na magsagawa ng FHS at sila din lamang ang may karapatang makaalam ng nalikom nilang impormasyon. Kaya nga hinihiling ni Provincial Statistics Officer Magdalena T. Serquena, puno ng NSO-Laguna, ang pakikipagtulungan ng mga napiling sambahayan upang makatiyak na tama at napapanahon ang datos na malilikom buhat sa kanila.---MJ Pedraja
CALAMBEÑO BLOG is devoted to blogs/articles coming from visitors. Opinions/comments/views from visitors' articles does not reflect the opinion/comments/views of Calamba.ph
Last Updated on Tuesday, 23 August 2011 07:45