| Mabilisang imbestigasyon ang nais ng Commission on Human Rights of the Philippines (CHRP) matapos nilang matuklasan ang nangyayaring hazing sa kampo ng Philippine National Police (PNP) sa Los Baños, Laguna. Hindi lamang ang mga pambansang ahensya ang nagulat sa pangyayari kundi ang mamamayan. Gusto ni CHRP Chairperson Loretta Ann Rosales na maparusahan kaagad ang mga sangkot sa nasabing hazing. |
Ipinakita ni Rosales ang mga kopya ng sulat nila kay Department of Interior and Local Government (DILG) at National Police Commission (NAPOLCOM) Chairman Jesse Robredo na naglalaman ng alegasyon sa nangyayaring torture at hazing sa loob ng kampo upang magsagawa sila ng imbestigasyon. Ito ay matapos may magpadala sa kanila ng e-mail na nagpapaalam sa nagaganap na kabalastugan sa loob ng kampo.
Sinabi rin sa e-mail na sila ay napunta sa Camp Eldridge para sa tatlumpung araw na orientation course para sa Regional Public Safety Battalion (RPSB). Subalit imbes na magkaroon ng tamang training, sila ay dumaan sa hazing sa pangalwwang araw pa lang ng nasabing orientation. Pinalo raw sila ng mga baseball bats at pinaparusahan halos bawat oras. Nagmakaawa ang nagpadala ng e-mail na gumawa ng hakbang ang CHRP dito upang walang mangyaring masama sa kanila.
Sinabi ni Rosales na nakipag-ugnayan agad sila kay PNP Human Rights Affairs Office head Chirf Supt. Clarence Guinto. Dito nagkaroon ng surpresang pagbisita sa Camp Eldridge.
Nakakagulat man, matapos mangyari ang pagbisita, walang sinumang trainees ang gustong magsumbong sa mga naging karanasan nila kung kaya ang mismong CHRP na ang gumawa ng paraan upang subaybayan ang reklamo.
Noong Hulyo 28, 2011, nakatanggap na rin siya ng isang CD na nasa isang koreyo na may lamang sulat at dalawang video files. Ayon kay Rosales, mula rin sa kaparehong tao na nagpadala nang e-mail ang nasabing package. Ang mga video ay naglalaman ng mga patunay sa nagaganap na hazing sa kampo ng mga pulis.
Sa unang video, ipinapakita ang mga recruits na nakapiring at inuutusang hubarin ang kanilang mga kausotan. Tinatapunan ang mga ari ng recruits, tumbong at maging ang kili-kili ng katas mula sa siling labuyo. Labis na sakit ang makikita sa mukha ng mga recruits.
Ang pangalawang video naman ay pinupuwersa ang mga recruits na ngumuya ng durog na siling labuyo at lumunok ng durog na paminta. Matapos iyon, pinapainom sila ng tubig na may kasamang paminta. Pagkatapos noon ay padidilaan sa mga recruits ang simbolo ng RPSB na nakalagay sa base ng flagpole ng naturang kampo.
Sinabi ni Rosales na ito ay malinaw na kaso ng institutional hazing sa Camp Eldridge. Kinukundena ng ahensya ang hindi makataong pamamaraan na ito na pinasisinayaan ng mga opisyal mismo ng PNP.
Sa pamamagitan ng video ay napatunayan ang nangyayaring kalokohan sa loob ng kampo ng pulisya. Mayroong labimpitong police training c amps ang PNP subalit wala ni isang sinusubaybyan ang mismong ahensya ng kapulisan.
Gulat na gulat naman si Robredo matapos mapanood ang video at agaran niyang sinuspindi at kinasuhan ang mga opisyal na nakuhanan sa mismong video.
Sinabi ni PNP Director General Raul Bacalzo kina Senior Inspectors Leopoldo Ferrer Jr., Commander of the First Maneuver Company of the Regional Public Safety Battalion-CALABARZON region at Klinto Rex Jamorol, Director of the PNP Special Counterinsurgency Operating Unit Training Course 2010-04, ay isinailalim sa imbestigasyon.
Labinglimang pulis ang nakita sa dalawang video na nakuha ng CHR ang uan ng nasuspindi at hinainan ng ng mga criminal at administrative charges dahil sa pagpilit sa mga recruits nila na magpatuloy sa nasabing training.
Ang hazing ay naganap sa isang subdivision sa tabi ng Camp Eldridge at mismong sa loob ng kampo.
Sinabi ni DILG Secretary Robredo na inakala niyang wala nang anumang nangyayaring mga hazing sa loob ng mga PNP training Camps matapos maipasa bilang mga batas ang Anti-Torture Act o R.A. No. 9745 at ang Anti-Hazing Act o R.A. 8049. Matapos niyang makita ang video na nagmula sa CHR, nalaman niyang mayroon pa palang mga opisyal ng kapulisan na hindi sumusunod sa batas at hinahayaang may mangyaring institutional hazing at torture.
Ani pa ni Robredo, hindi karapat-dapat na tawaging law enforcers o tagapagpatupad ng batas ang mga nasabing pulis at walang lugar para sa kanila rito. Hindi nila kayang protektahan ang karapatang pantao o pangalagaan ang batas kung saan sila pa ang unang lumalabag sa mga ito. Hindi makatao ang mga nakitang pulis at opisyal dahil kaya nilang saktan at pahirapan ang mga batang police recruits at sa mismong mga kampo pa nila ito ginagawa. Ipinag-utos rin ni Robredo na agarang suspendihin at gainan ng mga reklamo ang mga kumander ng mga pulis na sangkot.
Hanggang sa ngayon ay mga kapulisang nasa mababang posisyon pa lamang ang nabigyan ng parusa. Sila ay ang mga sumusunod:
· PO1 Rique Oro
· PO1 Evan Mark Cuartero
· PO1 Jhun Pionelo
· PO1 Melvin Malihan
· PO1 Rovylyn Addatu
· PO1 Marfe Adier
· PO1 Allan Pascua
· PO1 Troy Sumayod
· PO1 Randy Nabayra
· PO1 Jodgi Vergara
· PO1 Ezel Parpa
· PO1 Ramil de Guzman
· PO1 Crisanto Victorio
· PO1 Alberto Umali
· PO1 Arnel Yadis
Ang mga pulis na ito ay nasa ilalim ng kustodiya na ng PNP. Grave misconduct at violation of anti-hazing law ang nakahaing kaso sa kanila. Sa grave misconduct, suspension o demotion ang pinakamababang parusa samantalang dismissal naman ang pinakamabigat.
Anim na buwang pagkakabilanggo lamang ang kaparusahan naman kapag napatunayang may nangyaring torture sa ilalim ng R.A 9745, kung saan walang namatay sa mga biktima nito.
Sa sunud-sunod na paglabas ng mga torture video ng mga awtoridad na dapat sana ay magtatanggol sa karapatang pantao natin, mukhang lalo tayo mawawalan ng tiwala sa kanila. Ilan sa mga lumabas na video ay ang matinding torture sa military training camp sa Bicol Region. Lumabas rin ang video ng sobrang pagpapahirap sa nahuling suspek sa pagnanakaw sa Maynila at ang pinakabago ay ang torture sa isang pinaghihinalaang Abu Sayyaf sa Mindanao.
Hindi na kataka-taka kung bakit kaya ng mga taga-PNP at Afp na sikmurain ang mga pagpapahirap sa kanilang mga nahuli kung sa ganitong mga training ba sila mismo rin ang nakaranas. Kailangan tuluyang parusahan ang mga dapat parusahan mula sa ibaba hanggang sa itaas.---Matt Palentinos
CALAMBEÑO BLOG is devoted to blogs/articles coming from visitors. Opinions/comments/views from visitors' articles does not reflect the opinion/comments/views of Calamba.ph
Last Updated on Wednesday, 17 August 2011 05:05