2 SHOPLIFTER ARESTADO SA PANG-UUMIT SA SUPERMARKET
SAN PEDRO LAGUNA-----DALAWANG Lalaki na nang-umit sa Shopwise Supermarket sa lugar ng National Highway, Barangay Landayan, San Pedro, Laguna ang inaresto ng mga guwardiya dito.
Kinilala ni Police Supt. Kirby John Kraft, hepe ng San Pedro Laguna Police ang dalawang suspek na sina; Gerry Gotera y Dela Cruz, 45 taong gulang, residente ng Purok 5, Barangay Caingin, Sta. Rosa City, Laguna at Jimmy Uriarte y Duero, 25 taong gulang, residente ng Purok 1, Barangay Aplaya, Sta. Rosa City, Laguna, pawang may-asawa at walang hanapbuhay.
Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, Ganap na ika-6:45 ng gabi, kamakalawa ng kunin ng mga suspek ang mga sumusunod na paninda; Nivea Lotions; Ponds at Olay Products na umaabot sa halagang P16,913.70 na isinilid sa Maong na pantalon ng mga suspek.
Lingid sa kanilang kaalaman ay pinagmamasdan lamang sila ng Security Guard na si Gilbert Brizuela, at ng palabas na ang mga ito ay doon na sila hinarang ng mga guwardiya at kinapkapan.
Nakuha sa pag-iingat ng dalawa ang Nivea Lotions, Ponds Cream at Olay Products na hindi na naitanggi pa ng mga suspek, kaya agad na itinawag sa himpilan ng pulisya at saka itinurn-over ang mga ito.
Pansamantalang ipiniit sa San Pedro Laguna Municpal Police Jail ang mga suspek at inihahanda na ng pulisya ang papeles ng demanda para sa korte.
BIKTIMA NG SALVAGE , NATAGPUAN
CUENCA, BATANGAS-----ISANG bangkay ng hindi pa nakikilalang lalaki ang natagpuang nakabulagta dakong 7:00 ng umaga sa National Hi-way, Brgy Ibabao, Cuenca, Batangas kamakalawa. Walang natagpuang anumang pagkakakilanlan sa biktima pero tinataya siyang nasa mahigit kumulang sa 40 ang edad, 5’4” ang taas, katamtaman ang katawan, kayumanggi at bungal at nakasuot ng gold bracelet. Lumabas sa pagsisiyasat sa biktima na nagtamo ito ng isang tama ng bala sa dibdib na siya nitong ikinamatay. Naniniwala ang pulisya na pinatay sa ibang lugar ang biktima bago basta na lang inihulog sa nasabing highway upang iligaw ang imbestigasyon ng pulisya.
MAG-INA PATAY SA PAMAMARIL
TALISAY, BATANGAS-----ISANG mag-ina ang nasawi makaraang walang habas na magpaulan ng bala ang hindi nakilalang suspek habang nagtitinda sila ng isda sa main road ng Tanauan City Public Market, Brgy Poblacion 7, Tanauan City, Batangas kamakalawa ng gabi. Dead-on-arrival sa CP Reyes Hospital ang mga biktimang sina MARILYN NAPA Y HERNANDEZ, 45, may asawa at anak na si JOHEL, 20, kapwa residente ng Brgy. Quiling, Talisay, Batangas. Batay sa ulat ng pulisya, dakong 9:20 ng gabi, habang nagtitinda ng tilapia ang mag-ina sa naturang lugar nang bigla na lang dumating ang hindi nakilalang suspek at saka walang sabing niratrat ang mga biktima. Nagtamo ng tama ng bala sa leeg si Marilyn habang sa ulo naman nasapol si Johel kaya namatay matapos ang insidente. Pinaghahanap na ngayon ang suspek na tumakas matapos ang krimen habang inaalam pa rin ng pulisya ang posibleng motibo dito.
Submitted By Arlene Mariposque

CALAMBEÑO BLOG is devoted to blogs/articles coming from visitors. Opinions/comments/views from visitors' articles does not reflect the opinion/comments/views of Calamba.ph