Ang pagpupugay sa watawat sa Malacañang Grounds ngayong Agosto 1, 2011 ang magsisilbing hudyat ng pormal na pagbubukas ng pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa sa taong ito. Sa pangunguna ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) sa pangangasiwa ng Sangay ng Impormasyon at Publikasyon ang maikling palatuntunan na inaasahang dadaluhan ni Executive Secretary Paquito N. Ochoa, Jr., panauhing pandangal sa naturang okasyon at ng ilang opisyal ng Malacañang.
Ang sabayang pag-awit ng ‘Lupang Hinirang’ ay pasisimulan ni Dr. Miriam P. Cabila ng Sangay ng Leksikograpiya. Ang Panunumpa sa Watawat ay pamumunuan ni G. Jomar I. Cañega ng Sangay ng Leksikograpiya na kaagad susundan ng pagpapakilala sa panauhing pandangal at mensahe ni Punong Komisyoner Jose Laderas Santos ng Komisyon sa Wikang Filipino.
Isang maikli subalit malamang mensahe ang inaasahang ibabahagi ni Executive Secretary Ochoa sa mga dumalo sa naturang pagtitipon. Ang huling bilang ng palatuntunan ay ang pag-awit ng ‘Pilipinas Kong Mahal’ na pangungunahan ni Gng. Florencia C. dela Cruz ng KWF na inaasahang sasabayan ng mga dadalong panauhin na kinabibilangan ng mga opisyal at kawani ng Tanggapan ng Pangulo, Komisyon sa Wikang Filipino, at ng iba pang ahensiya ng pamahalaan.
Ang taunang pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa ay alinsunod sa Atas ng Pangulo ng Pilipinas, Proklamasyon Blg. 1041, s. 1997.
Ngunit ano nga ba ang halaga ng pagdiriwang na ito?
“Ang hindi magmahal sa sariling wika ay higit sa hayop at malansang isda” Ito ang mga tanyag na katagang nagmula sa ating pambansang bayani na si Gat. Jose P. Rizal na nagbibigay importansya ng wika ng isang bansa
Ang wika ay masasabi natin na kaluluwa ng isang bansa na siyang nagbibigay buhay dito. Ito ay nagsisilbing tulay na siyang nagdurugtong sa mga komunidad na naninirahan sa isang bansa upang makapag-usap sa bawat isa at sa pamamagitan nito, ang pagkakaisa at pagkakaunawaan sa bawat tao ay lalong yumayabong. Ito rin ang nagsisilbing susi ng ating pagkakakilanlan sa ibang bansa at sa pamamagitan ng wika natin nakikilala ng ibang tao kung sino tayo at taga saan tayo.
Ang kahalagahan upang lalong paunlarin at palawakin ang ating pambansang wika ay matagal nang binibigyang pansin ng mga namumuno sa ating bansa. Sa Pilipinas mayroon tayong higit sa isang daang klase na lengguahe na ginagamit mula Batanes hanggang Tawi-tawi, ngunit ang pambansang wikang “Filipino” pa rin ang siyang mas malimit na ginagamit at mas naiintidahan sa buong kapuluan.
Sa ating mayamang salita, madali nating makikita ang iba’t-ibang impluwensya na siyang nakapagbago at humulma sa pagkatao ng mga Pilipino. Samakatwid ang wika rin ay maari ring maging batayan ng ating nakaraan at kultura.
Bagaman ang mga kabataan ngayon ay nasa computer age, sapamamagitan ng paglalaan ng selebrasyonsa buwan ng wika, muling napapaalaala satin ang halaga ng sariling wika. Kaya ang “Buwan ng Wika” ang isa sa mga pagkakataon natin upang ito ay pagyabungin at ipagmalaki. Pagkakataon din ito upang iparating sa ating mga kababayan na ang ating pambansang wika ay hindi lamang para sa pakiki-pagkomunikasyon ngunit siya ring pundasyon ng ating pagkakakilanlan bilang isang indibiduwal at bilang isang bansa--Ellaine Esguerra

CALAMBEÑO BLOG is devoted to blogs/articles coming from visitors. Opinions/comments/views from visitors' articles does not reflect the opinion/comments/views of Calamba.ph
Last Updated on Monday, 15 August 2011 06:24