Dahil sa mga pagbabagong dulot ng industriyalisasyon at modernisayon sa Lungsod ng Calamba, isa sa mga programang isinusulong ng City Agricultural Services Department (CASD) ang “Gulayan sa Kabayanan”. Ang nasabing programa ay naglalayong mahikayat ang mga Calambeño na magtanim ng gulay sa kani-kanilang bakuran, paaralan, at barangay, partikular sa mga urbang komunidad upang magkaroon sila ng ligtas, masustansiya, at sariwang pagkain na maaari ding pagkunan ng dagdag na kita. Bilang bahagi ng programang ito, naglunsad ng isang pagligsahan sa pagandahan ng gulayan ang CASD. Nahahati sa tatlong kategorya ang paligsahang ito, ang Best Barangay Garden, Best Individual Garden at Best Container Garden.
Nitong nakaraang Abril ay nagsagawa ng inisyal na ebalwasyon ng mga kalahok sa paligsahan ang mga kawani mula sa CASD sa pamumuno ni Gng. Aurea C. Alcasabas. Sinundan naman ito ng ikalawa at pinal na ebalwasyon nito lamang nakaraang Hunyo. Binigyan ng mga marka ang mga naturang gulayan ayon sa bilang ng mga bahay na may gulayan, bilang ng mga organisasyong tumulong sa paggawa ng garden, suporta ng barangay unit, dami ng uri ng halaman, bilang ng container na ginamit, pagsasanay sa organikong pagsasaka, tamang pagsugpo ng peste, mahusay na paggamit ng gulayan, pagkamalikhain, maayos na pagtatala, at kabuuang hitsura ng gulayan.
Sa pagtatapos ng paligsahan ay Itinanghal na 1st place sa kategorya ng “Best Barangay Garden” ang Barangay IV, 2nd place ang Barangay Pansol, at 3rd place ang Barangay Sucol. Sa kategorya ng “Best Individual Garden”, nakuha ni G.Jose Cambronero ng Sirang Lupa ang 1st place, 2nd place naman si Celestina Ojeda ng Looc, at 3rd place si Estelita Jaca ng Pansol. Natatangi naman ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na nagwagi bilang “ Best Container Garden”. Makatatanggap ng mga gamit sa paggugulayan na nagkakahalaga Php 10,000 ang 1st place sa “Best Barangay Garden”, Php 5,000 ang 2nd place, at Php 3,000 ang 3rd place. Ang mga nagwagi naman sa “Best Individual Garden” at “Best Container Garden” ay makakatanggap din ng mga gamit pantanim na nagkakahalaga na Php 5,000 para sa 1st place, Php3,000 para sa 2nd place, at Php2,000 para sa 3rd place. Isinabay ang paggawad ng parangal at gantimpala sa mga nagwagi sa Pagandahan ng Gulayan Contest sa “Gawad Parangal sa Nutrisyon” na ginanap sa SM Calamba City ,alas-dos ng hapon, noong nakaraang Biyernes, Hulyo 29,2011.---City Agriculture Office

CALAMBEÑO BLOG is devoted to blogs/articles coming from visitors. Opinions/comments/views from visitors' articles does not reflect the opinion/comments/views of Calamba.ph
Last Updated on Wednesday, 10 August 2011 05:41
Comments
RSS feed for comments to this post