| July 23, 2011/Calamba City Hall---Sa pangunguna ng Tagapangulo ng Komite ng Transportasyon ng Sanggunian Panlungsod ng Calamba na si Konsehal Christian Niño Lajara, ay pinasimulan ang gagawing monthly general assembly ng mga mga tricycle drivers, operators at mga opisyales ng asosasyon sa buong lungsod. Layon ni Konsehal Lajara na matugunan ang mga isyu at suliranin ng sektor ng tatlong-gulong. Isa sa mga mahahalagang isyung nilinaw ay ang isang bahagi ng Franchise Ordinance na nagtatakda na irehistro ang bawat tricycle association, subalit ang prangkisa sa terminal naman ay optional lamang. Nitong nakaraang buwan ay nagkaroon ng isyu sa pagitan ng mga TODA at ng Tanggapan ng Tricycle Franchise (BPTFO-Business Permit and Tricycle Franchising Office) dahil sa hinaing ng mga asosasyon na hindi sila makapagparehistro ng kanilang samahan dahil pinakukuha pa sila diumano ng Terminal Franchise. Ayon pa sa mga opisyales ng TODA ay mabigat para sa kanila ang pagkuha ng prangkisa sa terminal dahil sa malaking halagang kailangan para makatugon sa mga requirements, lalo't ang kanilang mga samahan ay maliit lamang, may mga TODA sa nasa sampu lamang ang kasapi. Ipinaliwanag naman ni Konsehal Lajara na ang pagkuha ng Terminal Franchise para sa mga TODA ay optional lamang, at ang diwa ng naturang ordinance ay upang masubaybayan ang mga malalaking private at public terminals para matiyak na maayos na naseserbisyuhan ang publiko. Ibinalita rin ng Konsehal na ang kaniyang komite ay masusing pinag-aaralan ang pag-amyenda sa traffic ordinance (na iniakda noong taon 2008) upang ito ay makasabay sa kasalukuyang pangangailangan. |
Sa kahilingan ng mga TODA na makapagtaas ng pamasahe, ipinayo ni Konsehal Lajara na kailangang makipag-ugnayan ang mga asosasyon sa kanilang barangay na nasasakupan upang makapag-akda ng isang resolusyon sa barangay. Tinatayang nasa 94 na asosasyon ang nagpadala ng kanilang kinatawan na dumalo ng pagpupulong. Umaasa naman si Konsehal Lajara na sa pamamagitan ng pagbubukas ng linya ng komunikasyon sa bawat bahagi ng sektor ng magta-tricycle ay agarang mabibigyan ng solusyon ang mga suliranin ng isa sa mga mahahalagang industriyang bumubuhay sa mahigit 12000 pamilyang Calambeño.
RELATED ARTICLES: |
|
CALAMBEÑO BLOG is devoted to blogs/articles coming from visitors. Opinions/comments/views from visitors' articles does not reflect the opinion/comments/views of Calamba.ph
Last Updated on Monday, 25 July 2011 08:20
Comments
RSS feed for comments to this post