SALVAGE VICTIM, ITINAPON SA KALSADA
TANAUAN CITY, BATANGAS-----NAKATIWANGWANG nang madaanan ng mga motorsiklo ang patay na katawan ng isang pinaniniwalaang salvage victim sa National Road sa Brgy. Sambat, Tanauan City, Batangas kamakalawa ng hatinggabi.
Walang natagpuang anumang pagkakakilanlan sa biktimang tinatayang nasa 45-50 ang edad, nasa 5’3 hanggang 5’5” ang taas, katamtaman ang katawan, kayumanggi, nakasuot ng black and white stripes short pants at itim na t-shirt.
Nabatid sa ulat ng pulisya na dakong 12:40 ng hatinggabi nang muntik ng masagasaan ng isang motorista ang nakabalandrang katawan ng biktima na nasa kalsada sa nasabing barangay kaya agad niya itong itinawag sa pulisya.
Lumabas sa pagsisiyasat na nagtamo ang biktima ng apat na tama ng bala sa mukha, sinakal ng dilaw na lubid na nakakabit pa sa leeg at nakapiring ng packaging tape. Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente.
BAHAY NG BISE-ALKALDE, NASUNOG
STO. TOMAS BATANGAS-----NILAMON ng apoy ang bahay ng vice mayor ng Sto. Tomas, Batangas dahil sa naiwanang air conditioned kamakalawa ng umaga.
Nabatid na dakong 11:50 ng umaga nang magsiklab ang apoy sa isang kuwarto sa loob ng bahay ni Vice Mayor Armenius Silva na mabilis kumalat sa kabahayan pero agad namang nakatawag sa mga bumbero ang mga kasambahay kaya agad ding naapula ang sunog.
Lumabas sa inisyal na imbestigasyon na naiwang nakabukas ang air-conditioned unit ng mga Silva na hinihinalang bukas na magdamag kaya nag-init na nagresulta sa apoy.
Wala namang naiulat na nasaktan sa insidente bagamat tinatayang nasa mahigit kumulang sa P200,000 ang natupok sa sunog.
TINODAS SA BAHAY ISANG BIYUDO
SARIAYA, QUEZON -----PATAY ang isang biyudo habang sugatan naman ang kaniyang isang anak matapos na pagbabarilin sila ng hindi nakilalang suspek sa loob mismo ng kanilang bahay sa Sariaya, Quezon kamakalawa ng gabi.
Dead-on-arrival sa ospital ang biktimang si Avelino Ranas, 53, biyudo, Brgy. Tanod dahil sa mga tama ng bala sa katawan habang natamaan naman sa kaliwang braso si Boy, 16, binata, kapwa ng Brgy. Antipolo, Sariaya. Batay sa ulat ng pulisya, bandang 8:45 ng gabi, natutulog umano ang biktima sa loob ng kanilang kuwarto habang ang kaniyang mga anak ay nanunuod naman ng telebisyon sa labas nang biglang pasukin ng mga suspek na armado at nagtuloy-tuloy sa silid kung saan natutulog si Ranas.
Sunud-sunod na putok na lang ang narinig ng mga anak ng biktima na wala ng nagawa dahil sa takot samantalang napatakbo naman ang panganay kaya binaril din sa kamay ng mga suspek bago tumakas. Narekober sa pinangyarihan ng krimen ang pitong basyo ng caliber .45 na baril habang malabo pa ang motibo sa insidente pero nagsasagawa na ng masusing imbestigasyon ang pulisya hinggil dito.
Submitted by Arlene P. Mariposque

CALAMBEÑO BLOG is devoted to blogs/articles coming from visitors. Opinions/comments/views from visitors' articles does not reflect the opinion/comments/views of Calamba.ph