Pinalaya na ng Calamba PNP ang pitong raliyista na nagkilos-protesta noong kaarawan ni Dr. Jose Rizal subalit patuloy na nanawagan ang mga ito sa pagbasura ng mga ikinaso sa kanila.
Sinabi ni Kabataan Partylist-Southern Tagalog Coordinator John Paulo Bautista na hindi pa tunay na nakakamit ng pito ang hustisya dahil patuloy na nakabinbin ang kaso sa kanila.
“Hindi nagtatapos sa pagpapalaya sa Calamba 7 ang laban para sa ating kalayaan sa pagpapahayag,” sabi ni Bautista.
Pinalaya ang pito matapos makapagpiyansa ng P12,000. Halos tatlong araw ikinulong ang mga raliyista na mga miyembro ng Kabataan at Anakpawis Partylist matapos silang sumigaw habang nagsasalita ang Pangulo Benigno Aquino III sa programa para sa ika-150 kaarawan ni Dr. Jose Rizal.
Sinabi rin ni Bautista na igigiit nila na magkaroon ng imbestigasyon ukol sa iligal na pag-arasto at pagkulong kina Kabataan Party-list members Michael Jayson Mozo, Catherine Gigantone, Ynik Ante, Bhen Aguihon at Ruffa Solano. Pati na rin ang mga miyembro ng Anakpawis na sina Joeffrey Barreto at Rodel Badayos.
Patuloy naman ang panawagan ng kabataan sa pagbibigay halaga ng adminsitrasyong Aquino sa mura at abot kayang edukasyon sa kolehiyo. Kasama rin sa panawagan nila ang pagpapataas sa badyet ng mga State Universities and Colleges.
“Nakatakdang ihayag ni Aquino ang kanyang State of the Nation Address sa susunod na buwan. Ito ang tamang panahon para ihayag ang ating pagkondena sa ginawa sa ating mga kapwa iskolar. Hindi na bago ang pasismo ng estado sa atin pero may iba sa ating tinatanggap na lamang ito na normal,” sabi n Julienne Urrea, tagapagsalita ng Kabataan Partylist.
Ang lima sa mga nahuli ay pawang mga mag-aaral ng University of the Philippines Los Baños.—S.CULUBONG

CALAMBEÑO BLOG is devoted to blogs/articles coming from visitors. Opinions/comments/views from visitors' articles does not reflect the opinion/comments/views of Calamba.ph
Last Updated on Wednesday, 29 June 2011 05:43