Jobs Directory

Untitled-1

Business Directory

Untitled-2

Please update your Flash Player to view content.

WALANG KAPAYAPAAN SA KAPAYAPAAN VILLE, CANLUBANG

  • PDF
User Rating: / 2
PoorBest 

Ang tao, upang mabuhay, ay kinakailangan na magkaroon ng pangunahing pangangailangan. Ilan sa mga pangunahing pangangailangan na dapat na matugunan ay ang pagkain, tubig, at tirahan. Nasasaad rin ang nasabing pangangailangan na ito sa konstitusyon, ngunit ito ay nailahad sa mas malalim na kahulugan. Sapagkat sa ating konstitusyon, ang pangunahing pangangailangan ay isang karapatan na dapat matugunan at maiwasang masagkangan ninuman. Sa Seksiyon 1, Artikulo III, nakasaad na “no person shall be deprived of life, liberty, or property without due process of law, nor shall any person be denied the equal protection of the laws”. Malinaw na anumang paglabag sa unang seksiyon ng nasabing artikulo ay direktang paglabag sa karapatan ng mamamayan.

Sa nagdaang mga linggo, ilang demolisyon ang nasaksihan ng Lungsod ng Calamba na may kaugnayan sa pangunahing karapatan ng bawat Pilipino--- ang panirahan. Iba-iba ang anggulong kinapapalooban ng bawat sitwasyon ng pagpapaalis at pag-sasawalang bahala sa pangangailangan ng sapat na silong na maaaring ituring na kanilang tahanan. Ang ibang sitwasyon naman ay sumasailalim sa isyu ng pag-mamayari at legalidad sa panirahan. Ano’t- ano pa man ang mga kadahilanan ng mga pangyayaring ito, ang lahat ng ito ay umiinog sa pagnanais ng mamamayan para sa tirahang kanilang inaasam.

Isang liham ang nakarating sa Sangguniang Panlungsod ng Calamba na may kaugnayan pa rin sa isyung panirahan ng mamamayan ng Calamba. Ito ay isang liham na nanggaling sa ilang mga kasapi ng  Kapayapaan Ville Homeowners Association (KVHA) na naglalaman ng kanilang karaingan ukol sa suliraning kanilang pinagdadaanan sa panirahan. Ang naturang suliranin ay laban sa Balikatan Housing Finance Corporation/ Balikatan Property Holdings, Inc. (BHFC-BPHI), ang 49-51 joint venture sa pagitan ng National Home Mortgage and Finance Corporation (NHMFC).

Ang kasapi ng KVHA sa Barangay Canlubang ay nakapailalim sa tinatawag na Socialized or Urban Low Cost Housing Program ng National Housing Authority (NHA) sa bisa ng Republic Act 7279 o “An act to provide for a comprehensive and continuing urban development and housing program”. Ang socialized housing ay isang programa ng gobyerno upang tugunan ang pangangailangan ng mga ordinaryong mamamayan upang magkaroon ng sariling tahanan sa mababang halaga at buwanang interes. Ngunit sa liham na kanilang ipinadala, tila hindi nila ramdam ang benepisyong maaari nilang matamo mula sa Batas Pambansa 7279.

Ayon sa kanilang liham, ang ilang kasapi ng KVHA ay sapilitang pinaalis ng BHFC-BPHI dahil isinalin na ng NHMFC, ang orihinal na tagasingil at tagakolekta ng bayarin at buwanang hulog, ang karapatang pagsingil sa mga miyembro nito sa naturang kumpanya. Batid ng ilang kasapi ng KVHA na ginawang hakbang ng nasabing kumpanya ay pagpapakita ng illegal na pagtrato sa pagpapaalis sa kanilang mga kasapi. Dagdag pa rito, ang BHFC-BPHI ay nagpakita ng dokumento, isang court decision, na nagmula sa piskalyang panlungsod na diumano’y hindi dumaan sa tamang proseso o dili kaya’y hindi dumaan sa tunay na paglilitis.

Gayundin, pinagdidiinan nila na hindi sila inabisuhan sa pamamagitan ng pagbababa ng subpoena upang dumalo sa diumano’y ginawang paglilitis. Nakasaad rin sa kanilang liham na nagpadala ng ilang tauhan ang Sheriff’s Office upang ipakita ang Notice of Eviction sa kanilang mga kasapi. Bagamat ganito ang naging daloy ng mga pangyayari sa kanila, nais nilang mabigyan pa rin ng kaukulang pansin ang naturang suliranin. Kagyat rin ng kanilang reklamo ay ang diumano’y walang abisong pagbebenta ng mga bahay ng BHFC-BPHI at nalaman na lang nila na sa iba na ito nakapangalan. Nang magtungo naman ang ilan sa kanilang mga kasapi sa punong tanggapan ng BHFC-BPHI sa Lungsod ng Makati, laking gulat nila nang malaman nial na ang kanilang nakatakdang bayarin ay mahigit dalawang beses sa orihinal na halagang dapat nilang bayaran mula sa dati nitong tagasingil.

Binanggit nila sa kanilang liham na nais pa rin nilang bayaran ang obligasyon nila bilang kasapi sa programang murang pabahay, ngunit nais nila na mabawasan ang halaga ng kanilang obligasyon sa orihinal na halaga nito at mabugyan sila ng pagkakataon na ituloy ang kanilang paghuhulog upang masiguro ang kanilang mga tahanan. Dagdag pa, nais rin nila na makapagpakita ang BHFC-BPHI ng Memorandum of Understanding ukol sa naging paglilipat ng karapatan mula sa tanggapan ng NHMFC.

Sa Seksyon 2 ng Batas Pambansa 9507 o ang “Socialized and Low-Cost Housing Loan Restructuring and Condonation Act of 2008”, nakasaad na “it is the policy of the State to undertake a continuing program of urban and land reform housing that will make available at affordable cost decent housing to underprivileged and homeless citizens”. Nais ng pamahalaan na mabigyan ang bawat mamamayan ng disente at maayos na tahanan o kung hindi man ay makapaglaan ng murang pabahay na abot-kaya ng isang ordinaryong Pilipino. Ngunit sa sitwasyon ng ilang kasapi ng KVHA, mukhang napapagkaitan sila ng kaukulang pribilehiyo dahil hindi nila nakukumpleto ang kanilang obligasyon bilang mga kasapi ng naturang programa ng gobyerno. Kung gayon rin lang ang nararanasan ng ilang mga kababayan natin dito sa Calamba, partikular na sa ilang mamamayan sa Canlubang tulad ng mga kasapi ng KVHA, tiyak na ito ay isang tahanang walang silong--- may tutuluyan nga ngunit wala namang bubungang makukublihan.

hudcc

Picture Souce: www.hudcc.gov.ph


 

CALAMBEÑO BLOG is devoted to blogs/articles coming from visitors.  Opinions/comments/views from visitors' articles does not reflect the opinion/comments/views of Calamba.ph

DISCLAIMER



Last Updated on Monday, 27 June 2011 05:44

Add comment


Security code
Refresh