“Walang saysay ang buhay na hindi inialay sa isang dakilang layunin. Ito ay tulad sa isang bato na itinapon sa parang na hindi naging bahagi ng likhaan.”
-DR. JOSE P. RIZAL
Marahil ay tama si Rizal nang puntuhin niya na ang buhay ay dapat na nakasalig sa isang dakilang layunin, pagkat ang buhay na nasayang sa isang pakikibakang walang laman ay walang kabuluhan. Mula sa kanyang pagkabata na inilaan niya sa Bayan ng Calamba hanggang sa kanyang kamatayang may bitbit na kahulugan sa Bagumbayan, ipinamalas niya ang buhay na laan sa isang dakila at sagradong mithiin.
Gayundin marahil ang nasa damdamin at saloobin ng mga manggagawang-bukid ng Canlubang nang magmartsa sila mula Barangay I sa Crossing patungo sa hangganan ng Bulwagang Panlungsod ng Calamba ngayong ika-19 ng Hunyo, kaalinsabay ng ika-150 pagdiriwang ng kaarawan ni Jose Rizal. Mahigit isandaang manggagawang-bukid ang naglakad patungong Halang upang ipahayag ang kanilang damdamin at hinaing hindi lamang sa Pangulo ng Pilipinas at sa lokal na pamahalaan, kung hindi ay upang ipabatid ito sa buong bansa na maaaring makatunghay ng kanilang suliranin.
Ang Canlubang Coalition, ang kalipunan ng mga asosasyon at organisasyon ng mga manggagawang-bukid sa Barangay Canlubang, ay nagtungo sa bulwagan bitbit ang kanilang mga sentimyento na patungkol sa usapin sa lupa. Sa panayam kay Ka Pabling Egildo, isa sa mga pinuno ng koalisyon, ang kanilang pagmartsa ay hindi pagsasamantala ng pagkakataon bunga ng pagpupugay kay Rizal, ngunit isang hakbang ng pagpapatuloy sa nasimulang adhikain ni Rizal. Dagdag pa niya, ang kanilang ginawang pagmamartsa patungo sa bulwagan ay pamamaraan nila ng pagpupugay kay Rizal na siya ring nagpahayag ng hamon upang ipagtanggol ang lupang agraryo noong nasadlak ang karamihan sa Calamba sa pagmamalabis ng mga mananakop ng lupa.
Hindi man nagtagpo ang Pangulo ng Pilipinas at ang mga manggagawang-bukid ng Canlubang, hinahangad pa rin nila na mapakinggan at matulungan sila ng pamahalaan sa suliraning matagal nang dagok sa kanilang payak na buhay. Hangad ng koalisyon na maipaabot sa sambayanan at sa pamahalaan ang kanilang mga proposisyon:
May ilang nagkibit-balikat, may ilang tumaas ang kilay. Ngunit sa mga pusong ang tanging hangad ay ang makamtan ang karapatang matagal na ipinagkait sa kanila, ito ay isang pakikibakang hanggang kamatayan nila dadalhin at iingatan. Bagamamat mga ilang matatabil na labi ang nagsabi na sinasamantala nila ang pagkakataon para magpapansin, hindi nito mapipigilan ang damdaming nag-aalab upang isakatuparan ang isang dakilang layunin--- isang layunin na magdadala sa kanila sa pedestal ng tagumpay.
Nagtagal ang kanilang demonstrasyon ng ilang oras lamang, ngunit makahulugan ang mga oras na iyon sapagkat iyon ang mga oras na batid nilang may mga taingang bukas upang pakinggan sila. Hindi man personal na napakinggan ng pangulo ang kanilang hinaing upang isulong ang karapatan sa lupa, ang atensyong binigay ng mga mamamahayag upang kunan ang kanilang panig ay malaking bagay na upang ipaabot ito sa interes ng sambayanan. Ang kanilang pamamayagpag sa kalsada ay hindi bunga ng simpleng suliranin, bagkus ay nanggagaling sa masidhing pagsusulong at pakikibaka sa gitna ng kadakilaan ng bayaning naging huwaran upang ipaglaban ang karapatan mula sa mga mang-aapi. Ito ay buhay na may kabuluhan--- buhay na pinaniningas ng isang dakilang layunin.


CALAMBEÑO BLOG is devoted to blogs/articles coming from visitors. Opinions/comments/views from visitors' articles does not reflect the opinion/comments/views of Calamba.ph
Last Updated on Sunday, 19 June 2011 16:01