Ang taong ito ay tunay na espesyal sa lahing Calambeno. Sapagkat sa taong ito, ipinagdiriwang ng buong bansa ang kapanganakan ng isang magiting na Pilipino. Isangdaan at limampung (150) taon na ang nakalilipas, isinilang sa payak at tahimik na bayan ng Calamba ang pinakadakilang anak ng lahing kayumanggi--- si Dr. Jose P. Rizal.
Sa panahong pinairal ni Gobernador-Heneral Narciso Claveria ang dekretong pagpapalit ng apelyidong Espanyol, pinili ng kanyang amang si Francisco ang apelyidong Rizal mula sa Catalogo Alfabetico de Apellidos na nangangahulugang “ng luntiang kabukiran”. Lubos na inangkin ng ating pambansang bayani ang kanyang pangalan sapagkat inihandog niya ang kanyang buhaysa pagtatanggol sa lupang sinilangan--- lupang pinagyaman ng kultura at kasaysayan, lupang inaruga ng lakas at panahon, lupang ipinagsapalaran mula sa bahid-dungis at takot.
Ang kanyang pagmamahal sa lupa ay hindi nanatiling ideya lamang. Bagkus ay binigyang-buhay niya ito sa kanyang akda bunga ng inspirasyon mula sa kaligirang pangkasaysayan nito, tulad ng dahilan sa pagkakayari ng “El Filibusterismo”. Sa panahong inaakda niya ang nobela noong taong 1887, nagkaroon ng malawakang suliranin sa lupa ang mga manggagawang-bukid ng Calamba. Maraming mga taga-Calamba ang tuluyang pinalayas sa kanilang sakahan gamit ang puwersa. Kasamang tinamaan ng suliraning ito ang pamilya ni Rizal na ang pangunahing kabuhayan ay ang pamumuwisan sa lupaing hawak ng mga prayle sa Calamba.
Bagamat nakalaan ang kanyang ikalawang nobela upang bigyang katarungan ang sinapit ni Crisostomo Ibarra sa Noli Me Tangere, naging daan ito upang pasiklabin ni Rizal ang nagngangalit na damdamin niya para sa kapwa Calambeno na noon ay lugmok sa suliraning agraryo bunsod ng serye ng panggigipit at pangaalipusta para sa karapatan sa lupa. Dahil dito, binigyang buhay niya sa katawan ni Crisostomo Ibarra ang mapanghamon at mapaghanap sa hustisyang si Simoun.
Subalit hindi si Simoun ang naging simbolo ng suliranin ng manggagawang-bukid na ilang ulit niyang natanto sa mga liham ng kanyang kamag-anak mula sa Calamba. Dahil ditto, inakda niya ang katauhan ni Kabesang Tales, isang Cabeza de Barangay na nagkaroon ng hindi naiwasang suliranin sa lupa na humantong sa kamatayan. Ito ang imahe ng sektor ng agrikultura na ipinakita sa nobela ni Rizal. Bagamat ganito ang kinahantungang pangyayari ng kaawa-awang Kabesang Tales, malaki ang naging papel niya sa daloy ng kwento ng nobela.
Oo, wala na ang mga mapagsamantalang prayleng kumatas ng karapatan sa lupa sa Calamba. Wala na rin ang mga mapagalipustang Espanyol na natutong mang-alipin sa lupain ng mga kung tawaging nilang Indio. Ngunit kung tatanawing muli ang kasaysayan, ang mga pumalit naman sa pangangamkam ng mga lupa ay ang mga mestizo at ilang mayamang Pilipino na ipinagpatuloy ang kasakiman sa lupa.
Nalalapit na ang pagdiriwang ng kadakilaan ni Jose Rizal, ngunit may nagbago ba sa kanyang panawagan ukol sa sitwasyon ng usapin sa lupa? Dahil magpahanggang ngayon, patuloy na nakikibaka sa karapatan ang mga mamamayan ng Canlubang kung saan taon ang binilang upang kamtin ang bunga ng kanilang pagpapagal. Ang mga manggagawang-bukid ng Canlubang, na hindi naman iba kung hindi dugong Calambeno, ay nagnanais lamang na ipaglaban ang karapatan sa lupa.
Ilang dekada na rin ang binilang ng manggagawang-bukid ng Canlubang, bagamat malayo-layo na rin ang kanilang kinahantungan, ni walang pangitain na iiwanan na ang laban na ilang henerasyon na ang ibinuwis. Lupa ang siyang susi sa kaunlaran ng napakaraming sibilisasyon sa mundo, ngunit lupa rin ang dahilan ng digmaan at kasakiman ng tao. Sa lupa naririnig ang panaghoy ng mga taong sabik sa matamis na tagumpay ng pagpapagal. Sa lupa rin nanggagaling ang boses na naghuhumiyaw upang marinig ng mga nasa katungkulan. Gayunpaman, may nakaririnig ba ng mga taghoy na halos maupos sa ilang taon pagtangis sa suliranin.
Batid ng karamihan ang suliranin sa lupang agraryo, ngunit hanggang saan ba aabot ang simpatiyang ito? Ang lokal na pamahalaan ang dapat na pangunahing mangalaga sa interes ng kanyang mamamayan, ngunit bakit tila nagkikibit-balikat lang ang ilang mga opisyales ng lungsod upang tulungan at pangalagaan ang dahilan ng pagpapagal ng manggagawang-bukid ng Canlubang? Bakit tila malamlam ang tugon ng ilang nasa posisyon upang tuluyang makamtan ang karapatang kanilang pinangangatwiranan. Sa mataas na pamahalaan, ang Pangulo, ang sistemang agraryo ang isa sa saligang polisiya ng ilang administrasyon ngunit bakit hindi pa rin nababanaag ang mga programang kakanlong sa mga manggagawang-bukid? Sa mga mamamayan, nasaan na ang hamong inihabilin ni Rizal sa lahing Pilipino na nakasaad sa kanyang akda? Patuloy bang magiging manhid ang mga Pilipino sa ganitong uri ng usapin at hindi na lang kikilos kahit na ito ay para sa kapakanan ng nagdaralita?
Mahigit isang siglo na ang nakararaan mula ng matapos ni Rizal ang El Filibusterismo, may kinahinatnan ba ang pagpaparinig na ito ng ating bayani? Nagkaroon ba ng kabuluhan ang pagbibigay turing ni Rizal kay Kabesang Tales sa nobela na pinaglaanan pa niya ng isang kabanata sa aklat? Sa takbo ng mga pangyayari, may simpatiya ba tayo sa Canlubang? Marahil hindi natin lubusang naiintindihan ang mensaheng nais iparating ni Rizal sa kanyang nobela. Ang El Filibusterismo ay ang kanyang panawagan upang magkaroon tayo ng pagpapahalaga sa usapin sa lupa. Marahil hindi natin lubusang pinagtuunan ng pansin ang babalang ipinahatid ng ating bayani sa kanyang nobela na ang hindi matapos-tapos na suliranin sa usaping agraryo ay maaaring umabot sa karahasan at rebelyon. Sa pananaw ni Rizal, hindi pa huli ang lahat pagkat matatapos din ang alitang hanggang kamatayan ipinaglaban ni Kabesang Tales.

CALAMBEÑO BLOG is devoted to blogs/articles coming from visitors. Opinions/comments/views from visitors' articles does not reflect the opinion/comments/views of Calamba.ph