Magdiriwang ang buong mundo sa paparating na ika-150 kaarawan ng ating pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal. Iba’t ibang aktibidad na ang inihahanda ng pamahalaan upang maging maganda ang pagdiriwang.
Ang National Historical Commission of the Philippines ang mangunguna sa mga aktibidad sa tatlong mayor na lugar, ang Calamba, Laguna; Dapitan, Zamboanga; at Maynila.
Ang mga aktibidad ay magsisimula sa Hunyo 19, ang mismong araw ng kapanganakan ni Rizal hanggang sa Hunyo 20, na deklaradong Holiday ng Malacañang kaugnay ng nasabing selebrasyon.
Siyam na naglalakihang music artists naman ang naghahanda na sa paglabas ng isang album na tungkol sa buhay at gawain ni Dr. Jose Rizal.
Kasama sa album na tatawaging Rock Rizal sina Ely Buendia, Sandwich, Gloc-9, Ebe Dancel, Jett Pangan, Peryodiko, Hijo, Aiza Seguerra at Radioactive Sago Project. Lahat ng kanta ay lalabas ng libre online at isang collaboration din ng mga nasabing artista ang lalabas sa Hunyo 19.
Isang konsyerto rin ang inihahanda ng Rock Ed Philippines sa pangunguna ng Executive Director nitong si Pepe Diokno sa darating na Septyembre.
Sinabi ni Diokno na ang nais nilang makalat ang buhay ni Rizal mula sa mga paaralan, radio stations at maging sa music video channels.
May mga aktibidad din na inihahanda sa ibang bansa kabilang na ang pag-unveil ng marker sa Barcelona, Spain, isang sarsuwela sa Michigan, USA. Isang traveling museum rin ang maglilibot sa mundo mula New York, Belgium, Spain at Germany kung saan magbibigay ng mga pananalita ang Historian na si Ambeth Ocampo. / Matt Palentinos

Comments
RSS feed for comments to this post