Walang habas ang ginawang dispersal ng kapulisan at mga tauhan ng PunongLungsod nitong nakaraang linggo sa mga mamamayan ng Canlubang na tahimik na nagkakampuhan sa harapan ng ating City Hall. Sa kabila nito, bakit tila katingting lamang ang ingay ng balita na pumailanlang sa loob ng Canlubang kaugnay dito?
ANG PAGHAHATI
Malinaw na nagkakaroon ng paghahati ng opinyon sa mismong mga mamamayan ng Canlubang. Maraming dahilan kung bakit tila pinapatay ng mga mismong tao sa loob ng Canlubang ang isang lehitimong isyu na kaya namang ipagsigawan hanggang sa pamahalaang nasyunal.
Isa sa mga dahilan ay ang pagsasawalang-bahala dito ng mga mismong nakaupo sa Sangguniang Baranggay na pinamumunuan ni Kapitan Eric Manaig. Patuloy ang pagkatig ng Sangguniang Baranggay sa argumentong pribadong pag-aari ang Canlubang. Hindi nila tinitingnan pa kung ano ang hinaing patungkol sa lupa, hinahayaan na lamang nila na masanay sa dilim at unti-unting mawalan ng serbisyo ng tubig ang mga nasa loob ng mga sitio barrio. Kaya kung ang mga mangagawang bukid at mismong taal na taga-Canlubang ang tatanungin, walang saysay pang magbigay ng hinaing sa isang yunit ng pamahalaan na bingi at bulag sa nangyayari sa kanilang kinasasakupan.
Tila iskwater daw ang mga taga-Canlubang kahit na nanirahan ang mga tao rito sa loob ng napakaraming dekada, mula sa panahon ng pagbuo, pag-unlad hanggang sa pagbagsak ng azucarera. Karamihan sa mga tao ngayon sa Canlubang ay matatawag na dayo o nanggaling sa ibang bayan. Sa pagsulpot ng mga industrial park sa loob ng baranggay, maraming taga-ibang lugar na rin ang dumagsa upang magbakasakali sa mga trabaho dito. Karamihan sa kanila ay nakatira sa mga subdivision, kasama na ang Ceris at Kapayapaan Ville.
Ang Kapayapaan Village na binubuo ng anim na sitio ay bumubuo rin sa halos kalahati ng kabuuang populasyon ng Canlubang. Malungkot man isipin na karamihan sa naninirahan dito ay walang pakialam sa nagaganap na pagputol ng serbisyong panlipunan sa ibang sitio. Karamihan sa kanila ay naniniwalang hindi nila dapat problemahin ang hindi naman nila problema.
Iba’t ibang NGO at mga tauhan rin ang pinakakalat ng Pamilya Yulo-Ayala sa loob ng Canlubang upang magbahagi ng matatamis na salita upang tuluyan ng umalis ang mga tao sa kanilang tirahan. Mahigit sa isang dekada na rin ito ginagawa kung saan taktikal na binibigyan ng pera ang isang pamilya kapalit ng pag-alis nito sa Canlubang. Ginagamit nila ang iba’t ibang NGO sa labanan ng propaganda. Ipinapakita ng mga NGO kung ano ba talaga ang mangyayari sa Canlubang sakaling matupad ang plano ng panginoong may-lupa dito. Binubulag nila sa pangakong kaginhawaan ang mga tao.
ANG PAGHAHARI
Sa kasalukuyan, malinaw na nakikita ng bawat mamamayan ang kahirapang dinadanas ng mga barrio at upland sitios. Subalit naghahari ang takot at pagsasawalam-bahala ng mga tao tungkol sa isang lehitimong isyu na kayang ilaban ng sabayan sa iligal at parlamentong paraan.
Karamihan ng mga tao sa Canlubang ay pinipili na lamang umalis o lumipat ng bahay pansamantala upang matamasa nila ang kuryente at malinis na tubig.
Hindi tulad ng ibang mga parokya, katulad sa lugar ng Sumilao Farmers, nananatiling tahimik ang mga pari sa Simbahan sa Canlubang sa takot na rin na sila ang pag-initan ng Pamilya Yulo. Alam nilang mali at dapat labanan ang maling gawi at dapat nilang ipagtanggol ang mga mamamayang nahihirapan subalit hindi nila ito maisigaw. Magiging malaking bagay sana ang maitutulong ng simbahan kung magiging progresibo ito. Ilang mga statement na mula sa CBCP na tungkol sa pagsuporta sa laban ng mga taga-Canlubang ang inilabas sa kanilang website subalit hindi pa rin nakikialam ang mismong parokya sa loob ng baranggay.
Sa dami ng dayo sa loob ng Canlubang, hindi malabong masmadami ring tao ang hindi na tuwirang naniniwala sa ipinaglalaban ng mga mangagawang bukid dito, partikular na sa usapin ng lupa. Kahit sa loob ng mga barrio sito ay makikitang may mga tao na hindi naniniwala sa laban ng lupa.
Ilang kabataan ang nakapanayam ko at sinabi nilang bakit lupa ang tinutulak ng KASAMA-KA, ang koalisyon na nagbuklod sa mga organissasyon sa loob ng Canlubang, samantalang ang kuryente at tubig ang pangunahin naman nilang dapat tugunan. Sa kanila ay ibalik muna ang serbisyong panlipunan bago hingiin ang hektaryang lupain. Hindi nila mailayo ngayon ang sitwasyon ng Hacienda Luisita sa Tarlac sa nangyayari ngayon sa Hacienda Yulo ng Canlubang.
Ang sabi naman ng KASAMA-KA, bahagi ng paglaban sa lupa ang paglaban para sa karapatan sa kuryente at tubig. Malinaw ang puntong kapag napagtagumpayan at naipamahagi ang lupa, madali na lamang mapapasok ng ibang supplier ng kuryente at tubig ang kabuuan ng baranggay.
Naging malaking kakulungan din ang kabataan sa ginawang kampuhan ng mamamayan sa harapan ng Calamba City Hall Complex. Hindi malinaw na naibababa sa bawat isang kabataan ang kahalagahan ng laban ng Canlubang. Ang kabataan ang karaniwang susi sa malalaking laban ng mamamayan. Sila ang may lakas at liksi pa upang makapagpropaganda ng mahusay sa mamamayan. Lumalabas tuloy na sektoral lang ang laban, na ang laban sa lupa ay laban lang ng magsasaka at hindi ng iba pang sektor.
Malaking hamon sa Canlubang ang pagmulat sa bawat mamamayan nito, nasa upland, barrio o mga subdivision man. Kailangan lahat ay umuunawa sa masamang epekto ng sinasabi nilang development. Nakita na natin ang mga demolisyon at dispersal na ginawa sa ating mga mamamayan. Huwag naman sana tayong manatiling manonood na lamang sa isang problemang dapat nating pagtulungan.--Pinpin Tolentino

CALAMBEÑO BLOG is devoted to blogs/articles coming from visitors. Opinions/comments/views from visitors' articles does not reflect the opinion/comments/views of Calamba.ph
Last Updated on Monday, 30 May 2011 08:26