![]() | Mahigit dalawang buwan na ang nakalilipas mula ng yanigin ng malakas na lindol ang Bansang Hapon. Tila isang eksena sa pelikula ang nasaksihan ng buong mundo habang niyuyugyog ng mundo ang isang bahagi nito. Bangungot nga na maituturing ang nangyari sa mga Hapon lalo na at itinuturing ang bansang ito na isa sa pinakamaunlad na nasyon sa mundo, isang bansang nangunguna sa halos lahat ng aspeto mula sa ekonomiya, pananalapi, at pangangasiwa. |
Ang pagbayo ng mundo sa Hapon ay sinundan ng pagbulusok ng ilang metrong tubig-dagat na siyang bunga ng malakas na paglindol. At ang mas nakapanlulumong nangyari ay ang pagkawasak ng cooling system ng TEPCO Fukushima Daiichi nuclear plant bunsod ng pagbayo ng lindol. Ipinakita nito na gaano man kaunlad ang bansang Hapon, hindi pa rin ito nakaligtas sa hampas ng bathala.
Oo, may kalayuan nga ang bansang Hapon sa ating bansa ngunit hindi nangangahulugan na wala nang epekto ang nangyaring delubyo sa kanila sa ating kalagayan. Maraming industriya sa ating bansa ay pag-aari ng mga Hapong namumuhunan sa ating bansa. Kung hindi man pamuhunan, mga assembly lines at warehouse na pag-aari ng Hapon naman ang nasa ating kapuluan. Ibig sabihin, ang suliraning pang-ekonomiya na nararanasan ngayon ng bansang Hapon ay may malaking epekto sa ating bansa.
Lumabas na sa ilang pahayagan at telebisyon ang ulat tungkol sa malawakang tanggalan bunsod ng nangyaring kalamidad sa Hapon. Kung hindi man tanggalan, ang hindi pagtanggap ng mga kumpanyang pag-mamayari ng Hapon ang nagaganap sa ilang bahagi ng bansa. Ito ang pangamba ng lokal na opisyal at ilang ahensya ng pamahalaan, lalo na ng Kagawaran ng Empleyo at Paggawa. Tulad ng pangamba ng pambansang pamahalaan, suliranin din ito na maituturing ng mga lokal na pamahalaan.
Sa tala ng Philippine Economic Zone Authority (PEZA), mayroong walong (8) operating economic zones sa Lungsod ng Calamba. Ito ay ang Calamba Premiere International Park (CPIP), Carmelray Industrial Park I and II, Carmelray International Business Park, Filinvest Technology Park- Calamba, Light Industry & Science Park II, SMPIC Special Economic Zone, at YTMI Realty Special Economic Zone. Kung kaya’t ang Lungsod ng Calamba ay isa sa pangunahing lugar sa Timog Katagalugan na nagkakanlong sa libo-libong manggagawa na nagmumula sa iba’t-ibang dako ng rehiyon. Hindi malayong sa mga economic zone na ito ay may mga industriyang pinamumuhunan ng mga Hapon.
Nakapanayam namin ang Yazaki-Torres Manufacturing, Inc. (YTMI), bilang isa sa pinakamatandang-industriya sa Lungsod ng Calamba na may bahaging pagmamay-ari ng Hapon. Ayon kay Ginoong Felcaster Torres, Assistant Vice President ng YTMI, lubhang naapektuhan ang produksyon ng kanilang industriya mula nang tamaan ng krisis ang bansang Hapon dahil na rin sa karamihan ng Original Equipment Manufacturers (OEM) sa Japan, na siyang sinusuplayan ng YTMI, ay bahagyang nagsara ng kanilang mga industriya na siyang nagbunsod sa pagbaba ng pangangailangan sa suplay mula sa YTMI. Dagdag pa ni Ginoong Miko Torres, Assistant to AVP sa HR Department ng YTMI, ang pagbaba sa pangangailangan ng suplay ay nangangahulugan ng pagbaba sa produksyon ng kanilang industriya. Sa tala ni Ginoong Felcaster Torres, umabot na sa apatnapu’t limang porsyento (45%) ang ibinaba sa kabuuang oras ng produksyon ng kumpanya mula sa inaasahang produksyon nito para sa buwan ng Mayo. |
Mr. Eric Del Rosario, Mr. John Michael Torres |
Dahil na rin sa pagbaba sa produksyon ng YTMI, ang naturang kumpanya ay kinailangang magtakda ng “Temporary Shutdown” (TSD) at paikliin ang bilang ng araw sa paggawa ng mga empleyado. Gayundin ang nangyayari sa Yazaki-Torres Parts, ang bahagi ng YTMI na nakalaan sa produksyon ng Toyota Parts, kung saan ito ang mas naapektuhan ng ganitong iskema. Sa paliwanag ni Ginoong Miko Torres, ang isang empleyado na napasailalim ng TSD sa isang araw ay makakaranas ng pansamantalang pagsasara at nasa iskemang “no work, no pay”. Dagdag pa niya na ang TSD ay itinatakda kung bumaba ang pangangailangan sa produkto na siya namang pagkakaroon ng pagbaba sa operasyon ng kumpanya dahil lahat ng ito ay nakasalalay sa dami ng pangangailangan upang hindi humantong sa pagsasantabi ng produkto o inventory.
Nagtakda na rin ng Productivity Kaizen Activities (PKA) ang YTMI bilang mekanismo ng industriya sa krisis na nangyayari sa bansang Hapon. Ang PKA ay mekanismong ginagamit ng industriya upang maiwasan o dili kaya’y mapababa ang epekto ng krisis sa pagtama nito sa kumpanya. Sumasailalim sa ganitong mekanismo ang pagbabago sa batayan ng oras ng paggawa, cost control, at pagtitipid sa enerhiyang kinokonsumo ng kumpanya.
Sa bahagi naman ng empleyo, bagamat napapatupad ang ilang mekanismong nagpapabawas sa negatibong epekto ng krisis, may ilang hakbang ang YTMI upang mapanatili ang kalagayan ng kanilang mga manggagawa. Ipinaliwanag ni Ginoong Miko na bagamat may mga ilang empleyado na nasa TSD, ipinapaliwanag nila sa kanilang mga manggagawa na bahagi pa rin sila ng kumpanya. Dagdag pa niya, hangga’t maaari ay hindi sila hahantong sa malawakang pagtatanggal ng empleyado o mass layoff dahil sa kanilang pagpapahalaga sa ka paggawa.
Sa tala ni Ginoong Eric Del Rosario, pinuno ng Systems Improvement Department ng YTMI, mayroong labingwalong (18) linya ang YT Parts na umaabot sa dalawang libo at isandaang (2,100) manggagawa ang nakapailalim sa TSD, ngunit ang dalawa (2) sa mga ito ay nakabalik na sa normal na operasyon. Bagamat ganito ang nangyayari sa kumpanya, sinisigurado nila ang kapakanan ng kanilang mga manggagawa sa paraan ng pamamahagi ng subsidiya o loans sa kanilang mga empleyado. Dumaan rin ang kumpanya sa mga bantang panlabas para sa kanilang manggagawa ngunit may ginagawa silang pamamaraan ng pagbisita sa kanilang mga manggagawa upang matiyak ang kanilang kalagayan habang napasailalim sila sa TSD.
Ayon kay Ginoong Felcaster, nais lamang nila mula sa lokal na pamahalaan na magkaroon ng mga programa upang suportahan ang kanilang manggagawa hangga’t hindi pa nakakabalik sa isandaang porsyentong operasyon ang YTMI, kung saan nakikita nila na makakabalik pagdating ng Oktubre ngayong taong ito. Bukod rito, nais rin ng YTMI ang tulong pinansiyal o anumang subsidiya o financial assistance upang tuluyang makabalik sa normal na operasyon ang kanilang industriya.
Bagamat ganito ang kasalukuyang sitwasyon ng YTMI, nananatili pa rin ang kumpanya na positibo sa kabila ng krisis na kinakaharap nila bunsod ng piskal na sitwasyon sa bansang Hapon. Marahil ganito rin ang pinagdadaanan ng iba pang kumpanya na may direktang ugnayan sa mamumuhunang Hapon. Gayunpaman, kailangan nilang magsumigasig upang tuluyang bumalik sa normal na operasyon ang kanilang industriya. Naging mabilis man ang mga pangyayari sa kasalukuyang kalalagayan ng industriya, marapat lamang na maglaan ng karampatang pagkilos at suporta ang lokal na pamahalaan. Ang industriya ang isa sa nagaakyat ng pandarayuhan at nagpapataas ng kaban ng bayan. Kung kaya’t dapat na ibalik ng lokal na pamahalaan ang suporta sa mga industriyang bumubuhay sa lungsod. Sapagkat ang anuman o sino man na nakatutulong sa ikaaangat ng bayan ay ang may lubos na karapatan sa sinumpaang paglilingkod ng pamahalaan.--JM JOSE
Last Updated on Monday, 30 May 2011 08:07