Inilahad sa mga nakaraang artikulo ang kahalagahan ng pag-aaral sa sitwasyon ng trapiko sa Lungsod ng Calamba. Mahalaga ang magkaroon ng pananaliksik ukol sa tunay na kalalagayan ng trapiko at lansangan sa lungsod sapagkat isa ito sa nakakaapekto sa ating pang-araw-araw na buhay. Gayundin, ang tuluyang paglaki ng lungsod sa ekonomiya, lawak at sakop, at kapangyarihan nito, ang siyang nagdidikta ng magiging kahihinatnan ng paglaki ng bilang ng tao san a naninirahan sa lungsod. At ang paglaki ng bilang ng mamamayan ay may epekto sa iba’t-ibang aspeto ng pangangasiwa sa isang bayan o lungsod.
Nitong nakaraang Martes, ika-24 ng Mayo, ay nagkaroon ng pulong ang Komite ng Prangkisa, Trapiko at Pakinabang sa ilalim ng puno nito na si Kagalang-galang Christian Nino S. Lajara, Konsehal ng Lungsod ng Calamba ukol sa hinaing ng Kapitan ng Barangay Lawa na si Ginoong Remigio Nido patungkol sa suliranin sa trapiko. Sa isang pahatid-sulat mula sa tanggapan ng nasabing kapitan, binanggit niya ang suliranin sa trapiko na nararanasan ng Barangay Lawa bunsod ng ilang mga kadahilanan: mga shuttle bus na ginagawang babaan at sakayan ang kanto ng Parian-Lawa, mga eskirol na tricycle na humihimpil sa nasabing kanto, mga tindahan na nasa tabing kalsada, at kakulangan sa daanang pantao.
Kalakip ng nasabing sulat ng kapitan ay ang isa pang sulat na nanggaling naman sa STMI Logistics, isang kumpanya na nasa Calamba. Parehong mga kadahilanan ang itinuro ng STMI Logistics sa pagkakaroon ng pagbibigat sa daloy ng trapiko. Sa nasabing sulat, inilahad nila ang ilang mga naging hakbang ng kanilang kumpanya upang tulungan ang barangay na maibsan ang suliraning kinahaharap nila ukol sa trapiko. Ilan sa kanilang naging hakbang ay ang pagpapalawak ng lansangan ng mga isang metro sa parehong tabi noong taong 2005 kung saan gumugol sila ng mahigit sa pitong milyong piso at ang koordinasyon nila sa kumpanyang telekomunikasyon upang ilagay sa ayos ang kanilang mga poste na itinuturong nakadaragdag sa bigat ng trapiko.
Ang nasabing lugar na pinagmumulan ng pagsisikip at pabigat ng trapiko ay nasasakupan ng Barangay Parian, ngunit ang kantong ito ay daan rin papasok sa Barangay Lawa. Sa naging pag-uusap noong Martes, itinuro nila na ang pangunahing nakadaragdag sa pagsisikip sa lansangan ay ang mga eskirol na tricycle na humihimpil sa nasabing kanto. Dagdag pa rito, marami sa mga tricycle na iyon ay eskirol na buhat sa mga karatig na barangay na siyang kumukuha ng pasahero patungong Crossing o SM City Calamba. Maraming mga tricycle ang humihimpil sa lugar na iyon dahil na rin sa dami ng mga pasahero na bumababa sa lugar na iyon mula sa iba’t-ibang kumpanya na malapit roon. Tanging ang LATODA at PARIANTODA ang legal na tricycle terminal sa lugar na iyon.
Kasama sa ganitong uri ng suliranin ay ang pagtatakda ng wastong babaan at sakayan, tamang tawiran, daanang pantao, at terminal ng tricycle. Isinangguni ni Konsehal Nino Lajara sa hepe ng Traffic Management Division ng Public Order and Safety Office (POSO) na si Nimfa Cervantes ang mga maaaring gawin upang maibsan ang suliraning nagpapahirap sa mamamayan na dumadaan sa nasabing lugar. Ilan sa nasabing mga panukala ay ang pagkakaroon ng wastong babaan at sakayan para sa mga shuttle bus at jeep, ang relokasyon ng tricycle terminal, pagbabawal ng paglalagay ng karatula sa mga poste, sidewalk clearing sa mga ambulant vendor, at dialogue sa pagitan ng dalawang barangay.
Suliranin din na itinuro ang pagpapahintulot ng ilang CTMO officers sa mga drayber ng tricycle na humimpil sa poste sa kantong iyon ngunit may kasunduan na sa pag-alis ng poste ay wala na rin ang pansamantalang terminal nito. Ngunit kahit na nawala na ang poste, naroon pa rina ng mga tricycle. Kung kaya’t isang hinaing nila ang pagkakaroon ng permanenteng terminal ng tricycle upang makagaan sa trapiko sa nasabing lugar. Sa bahagi ng POSO, nais nila na hingiin ang tulong ng kapulisan sa pagpapalawig ng responsibilidad sa trapiko. Sa gayong paraan, masisigurado na ang bawat isa, tsuper man o pasahero, ay magkakaroon ng koordinasyon at disiplina sa batas-lansangan.
Ipinunto ni Konsehal Lajara na ang tanging magagawa sa ngayon ng Sangguniang Panlungsod ay ang siguruhin na ang pananalapi para sa proyektong pang-trapiko ay napapangalagaan at napapangasiwaan. Dagdag pa niya na mahalaga ang pagdagdag ng kapulisan sa paghimpil sa mga lugar na lubhang may pagsisikip sa trapiko at ang tamang implementasyon ng batas trapiko. Bukod rito, ipinapaubaya niya sa POSO ang pag-aaral ang pagkuha ng datos na siyang mahalaga sa magiging rekomendasyon nito sa suliranin sa trapiko. Sa bandang huli, tanging ang reporma sa trapiko ng lungsod at pagpapalawig ng lansangan ang siyang makakapagdikta ng kahihinatnan sa matagal nang problema sa lansangan.---JM JOSE

CALAMBEÑO BLOG is devoted to blogs/articles coming from visitors. Opinions/comments/views from visitors' articles does not reflect the opinion/comments/views of Calamba.ph