Kulang isang buwan na lamang ay ipagdidiwang ng buong bansa ang ika-150 kaarawan ng pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal. Bahagi ng pagdiriwang ay itinatayong pinakamalking rebulto ni Rizal sa harapan ng Calamba City Hall Complex.
Tunay na matayog ang rebulto. Tila tinatanaw nito ang bawat isang Calambeño na nagdadaan dito. Maaaring itong ituring na simbolismo ng katatagan ng lugar kung saan ipinanganak ang isa sa pinakadakilang tao sa mundo subalit sa iba, ito ay nagpapakita lamang ng karangyaan na tinatamasa ng Calamba.
Sa darating na Hunyo 19, ipapakita sa buong mundo ang rebultong pinagkagastusan ng Pamahalaan Panlungsod o mas mabuti nating sabihin na pinagkagastusan gamit ang buwis ng mamamayan. Tinatayang humigit-kumulang P5 milyong piso ang halaga ng 22-feet na taas na monumento. Maingat ang mga opisyales ng lungsod sa paglalabas ng detalye ungkol sa ginagawang rebulto.
Hindi pa man tuluyang nasisilayan ang estatwa ay kontrobersiya na agad ang bumabalot dito. Hindi biro ang gagastusing P5-M para rito. Sinasabing gawa sa tanso ang kabuuan ng rebulto. Hiwalay pa sa gastos ng rebulto ang milyun-milyong piso rin na halaga ng parkeng papalibot sa higanteng estatwa. Hindi rin isang national artist ang uukit dito kaya hindi dapat maging sobrang malaki ang magiging bayad sa gagawa nito. Malaking badyet ang inilaan para sa rebultong magbibigay ng karangalan para sa bayani at para sa lungsod.
Subalit sa huli kong dalaw sa City Hall, patuloy na nakakampo ang mga taga-Canlubang at naghihintay pa rin ng kasiguraduhan sa serbisyong panlipunan at paninirahan. Nasa ikalawang buwan na ang nasabing kampuhan. Ganoon din ang mga taga-Parian na walang habas na dinemolish ng mga tauhan ng City Hall sa mismong araw ng anibersaryo ng pagiging siyudad ng Calamba. Ito ay sa kabila ng isang kautusan ng DILG na nagpapatigil sa demolisyon.
Sa dulo ang ipupunto ng mamamayan ay kung ano ang halaga ng pagkadakila ni Jose Rizal kung patuloy na nayuyurakan naman ang karapatan ng mamamayan sa sarili niyang bayan. Kung bakit kailangang gumastos ng sobra sa isang proyekto kung hindi naman maibigay sa mga Calambeño ang tulong at serbisyo na dapat tinatamasa nila. Sa kabila ng papuri ng karangyaan ng ibang bayan sa ating lungsod, binabarat naman ang mismong mamamayan nito, hindi lang sa pinansiya kundi sa kasagutan.
Kung buhay si Rizal, hindi niya nanaisin ang mataas na bantayog kung ang makikita niya naman ay ang hirap na nararanasan ng taumbayan. Hindi masama ang magbigay-pugay sa ating pambansang bayani ngunit dapat isaalang-alang ng mga taong may hawak sa kaban ng bayan na interes ng tao muna bago ang lahat. Mabuti pa ang rebulto kayang pagkagastusan, ang mamamayan kayang-kayang iwanan.--PINPIN TOLENTINO
RELATED ARTICLES:
|
|
Comments
RSS feed for comments to this post