Sa panibagong nakawan na nabunyag sa loob mismo ng Treasury Office ay napapanahon ng bigyang-pansin ang kahinaan ng internal control sa nasabing tanggapan. Sa loob lamang ng isang taon ay tatlong malalaking isyu ng kurapsyon ang kinasangkutan ng Tanggapan ng Ingat-Yaman. Matatandaang noong nakaraang taon, buwan ng Mayo ay pumutok ang 26M Scam na kung saan ay 30 piraso ng tseke ang ninakaw na kinasangkutan diumano mismo ng City Accountant Carminia Espiridion. At nito namang nakaraang buwan ng Disyembre ay nabalita rin na nanakawang muli ang Tanggapang ito kung kaya’t “bahagyang” nagkaroon ng paghihigpit sa security sa loob ng City Hall. Ngayon naman ay ito, 1.8M piso ang ninakaw mismo diumano ng dalawang kawani ng Tanggapan ng Ingat-Yaman.
Salamat na lamang sa malasakit ng isang tao na sumuklat ng anonymous letter para ibunyag ang katiwaliang ito. Aminado ang mga opisyal ng Treasury Office na kung hindi dahil dito ay hindi nila malalaman na mahigit isang milyong piso na ang nawawalang salapi ng taumbayan. Sa pag-aming ito ay tila tinatanggap nila ang kahinaan ng kanilang opisina. Bagamat ayon sa mga ito, sa isang Committee Meeting, ay hindi sila nagkulang sa pagtugon sa sitwasyon. Pagka-alam nila ng nangyayari ay nagsagawa sila ng sariling imbestigasyon, matapos nito ay idinulog nila ang kaso sa Auditor upang ma-audit ang mga resibo at kasabay nito ay ini-relieve ng tanggapan diumano ang dalawang sangkot na kawani na sina Emil Ilustre at Mr. Manguino.
Sa kasalukuyan ay nasa ilalim na ng City Legal Office ang kasong ito at tiniyak ng isa sa mga abugado na umamin na ang dalawa sa kanilang ginawa, at mayroon na ring mga dokumentong nagpapatunay ng kanilang anomalya. Bagamat magpahanggang ngayon ay wala pang opisyal na hatol na ibinababa ang naturang tanggapan.
Sa modus opirandi nila Ilustre at Manguino ay makikitang napakahina ng seguridad ng Tanggapan ng “Ingat-Yaman”. Ayon mismo sa opisyal ng tanggapang ito, hindi nila madidiskubre ang nangyaring iregularidad sa loob ng kanilang opisina dahil ang mga ginamit na resibo ng dalawa ay ipinangalan sa barangay at hindi sa lokal na pamahalaan. Lumalabas na naka-issue ang dalawang booklet ng resibo sa barangay Paciano at Looc, kung kaya’t hindi ito mai-trace sa lokal na pamahalaan. Naging kahinahinala lamang nang ang mga resibo ay ginamit sa Building Permit gayong nakaissue ito sa barangay. Sa imbestigasyon ng Treasury Office, dalawang buwang isinagawa ito nina Ilustre at Manguino, buwan ng Enero at Pebrero at nabunyag ng Marso. Sa kabuoang 1.8M pisong hindi ini-remit ng dalawa ay isinauli ni Ilustre ang mahigit sa 300 libong piso at nangakong huhulugan ang kakulangan.
Sa gitna ng kontrobersiyang ito ay muling lumitaw ang planong Computerization. Kung computerized ang mga sistema lalo sa kolekyon ng mga buwis ay madaling mailalapat ang mga kaukulang security measures at magiging madali ang auditing ng mga transaksyon. Maitatanong tuloy kung nasaan na nga ba napunta ang napabalitang 45M pisong pondo para sa proyektong ito noong isang taon pa!
Hindi natin masasabi kung gaano na katagal gumagana ang ganitong sistema ng katiwalian sa loob ng Treasury Office o sa lokal na pamahalaan ng Calamba. Sa ikatlong pagkakataong ito sana ay aksyunan na ng mga kinauukulan ang kahinaan sa internal control ng mga pampublikong tanggapan. Milyong-milyong piso ang nakukulimbat mula sa salapi ng taumbayan, subalit magpahanggang ngayon ay wala tayong nababalitaang nanagot dito. Manapa ay nakikita pa nga na nananatili sa kanilang tungkulin ang mga makabagong tulisan.
| Nakahihinayang lamang na ang mga nawawalang salaping ito sana ay malaki ang maitutulong sa pitong daang pamilya mula sa Barangay Parian ang apektado sa naganap na demolisyon ng kanilang mga tahanan ang walang relokasyon...Sa City Hall ay patuloy ang pagpipiket ng mga taga Barangay Canlubang dahil sa kawalan ng serbisyo ng kuryente at malinis na tubig... Ito ay isang panawagan sa mga nasa puwesto na sana ay mapatunayan nila sa tunay silang lingkod ng bayan na makapagtatanggol sa interes ng mga mamamayan!--J.JACINTO |
Disclaimer: CALAMBEÑO BLOG is devoted to blogs/articles coming from visitors. Opinions/comments/views from visitors' articles does not reflect the opinion/comments/views of Calamba.ph
Last Updated on Tuesday, 10 May 2011 13:47