Ang Lungsod ng Calamba ay isa sa itinuturing na “urban center” o sentro ng urbanisasyon sa rehiyong timog katagalugan. Gayundin, ang Calamba ay nasa klasipikasyon na “first class component city”, nangangahulugan na ang lungsod ay mayroong taunang kita na Php 400 milyon o higit pa na nasa pagitan ng dalawang lalawigan. Dahil dito, maituturing ang Calamba na “access road” sa ilang lugar-destinasyon sa CALABARZON.
May epektong dulot ang ilang mga positibong pagtangi sa Lungsod ng Calamba. Kaakibat ng pagiging “first class city” ng Calamba ay ang pagdami ng taong pumapasok sa heograpikal na nasasakupan ng lungsod. Ito ay dulot marahil ng pag-usbong ng mga industrial parks at special economic zones sa paglipas ng taon. Nangangahulugan ito ng pagbubukas ng trabaho na siyang panghikayat sa mga tao lalo’t higit sa labas ng lungsod. Gayundin, ang unti-unting pagdami ng pamilihan ay naglalagak sa lungsod bilang sentro ng komersiyo upang mapunan ang pangangailangan ng dumadaming bilang ng taong pumapasok sa lungsod.
Maaari ring sabihin na sa paglipas ng panahon, ang mga trabahador ay mas piniling manirahan sa lungsod upang sa gayon ay maging malapit sila sa lugar na kanilang pinagtatrabahuhan. Ang ganitong uri ng urbanisasyon ay nakasaad sa teyorya ni Ernest Burgess na tinatawag ng mga sosyologo bilang Concentric Zone Theory (tingnan ang Larawan 1).

Kaalinsabay ng ganitong pagtangi ay ang ilan sa mga usapin na may kinalaman sa sistema ng trapiko at pangangasiwa ng lansangan. Ang unang komprehensibong kautusang panlungsod na inilabas at may kinalaman sa trapiko at transportasyon ng Calamba ay noong taong 2004 kung saan Punonglungsod pa noon ang ngayong Ikalawang Punonglungsod Severino Lajara. Lubhang nakatuon ang nasabing kautusan sa trapiko, transportasyon, at gamit ng lansangan na nasasakupan ng lungsod. Ngunit sa pagusad ng panahon, ang nasabing kautusan sa trapiko ay masasabing limitado at nasasaklaw sa ilang mga kundisyon ng panahong naipasa ang naturang ordinansa.
Marapat lamang na sabihin na kinakailangan ng pinagpanibagong kautusan o ordinansa na siyang sasagot sa kasalukuyang suliranin na nauukol sa sistema ng trapiko ng lungsod. Ngunit bago maisakatuparan ang pagkakaroon ng panibagong ordinansa, isang masusing pag-aaral muna ang kinakailangan upang masagot ang ilang mga puntos na maaaring lumabas sa pagsusuri. Papaano ba dapat isagawa ang pinagpanibagong ordinansa sa batas trapiko at sino ang dapat na magsagawa nito?
Ang tawag sa pagsusuri sa kalagayan ng sistema ng trapiko ng isang lugar ay ang Traffic Impact Assessment. Nakapaloob sa pagsusuri na ito ang mga rekomendasyon ukol sa bigat at daloy ng trapiko, mga nakakaapekto rito, tawiran, towing service, at iba pang maaaring makatulong sa pagsasaayos ng transportasyon sa lungsod. Ayon sa balangkas ng Traffic Impact Assessment sa Pilipinas, na kinonsepto nina Dr. Regidor at Dr. Teodoro ng University of the Philippines- National Center for Transportation Studies (UP-NCTS), mayroong tatlong pagsusuri o batayan upang magkaroon muli ng komprehensibong pag-aaral sa trapiko--- ang pagpapaunlad ng mga kritikal na lugar, pagpapaunlad ng industriyal at urban na lugar, at ang muling pagsosona (Tingnan Larawan 2).

Ang pagsasagawa ng Traffic Impact Assessment and Road Management Plan ay lubhang gugugol ng napakalaking panahon sa pagsasaayos bago tuluyang magkaroon ng masusing paglalagak ng pinagpanibagong ordinansa sa trapiko. Ang tanong: sino ang dapat na magsagawa nito at kanino dapat nakasalalay ang trabahong ito?
Ang pagkakaroon ng Traffic Impact Assessment o TIA ng isang lungsod at ang pagsasagawa ng pagbabagong pisikal ay saklaw ng kapangyarihan ng ehekutibo. Kasama sa trabaho ng ehekutibo ay ang maglabas ng rekomendasyon sa mga tagapagsuri ng kalagayan ng trapiko na aprubado ng Environmental Management Board (EMB) o kaya ng UP-NCTS. Gayundin, kasama sa kinakailangan ng ehekutibo ay ang ilabas ang komprehensibong ulat kung kinakailangan talaga ng pagbabago sa sistema ng trapiko ang naturang lugar. Nakasaad sa ibaba ang mga responsibilidad ng bawat ahensiya na saklaw ng ehekutibo.

Sa pagtatapos ng pagsusuri at pag-aaral ayon sa rekomendasyon ng mga tagapagsiyasat, dito pa lamang magkakaroon ng pormal na pag-endorso upang magkaroon ng komprehensibong kautusan o ordinansa. Ibig sabihin, wala sa kamay ng lehislatibo, sa pagkakataong ito ang Sangguniang Panlungsod, ang inisyatibo upang magkaroon ng matatag at maayos na balangkas ng trapiko ng lungsod. Hindi maisasagawa ang anumang susog at pagbabago mula sa lehislatibo o ng Sangguniang Panlungsod kung walang maipapasang aprubadong pag-aaral, dagdag na rekomendasyon, at ilang bahagi ng pagsusuri. Ang tanging magagawa ng Sangguniang Panlungsod ay ang maghintay sa ipapadalang rekomendasyon mula sa resultang makikita sa TIA.
Kung sakaling magkakaroon ng rekomendasyon na baguhin ang probisyon at magkaroon ng pinagpanibagong kautusang pangtrapiko, ang lahat ng batas na nakapailalim sa ganitong uri ng batas o ordinansa ay mapapawalng-bisa at mapapasailalim sa panibagong probisyong maaaring isulong ng Sangguniang Panlungsod na nakabatay sa pag-aaral na iluluhog ng ehekutibo. Gayunpaman, kinakailangan na makita ang regularidad sa pagsusog ng nasabing batas dahil ang sistema ng trapiko ay isang limitadong sistema na nakapaloob sa naturang panahon.
Bagamat ganito ang mga kundisyon upang ihanda ang nasabing plano o balangkas ng trapiko, kinakailangan na maisagawa ito sa lalong madaling panahon. Sa nagbabagong mukha ng lungsod, maraming mga bagay ang kinakailangang maisaalang-alang. Gayunpaman, tanging sa kamay ng ehekutibo ang dapat na magkaroon ng paunang lunas upang solusyunan ang suliranin sa trapiko.--JM JOSE

Picture Source: panoramio.com
Comments
RSS feed for comments to this post