Nagpiket sa harapan ng City Hall ng Calamba ang mga residente at mga dating manggagawa ng Canlubang Sugar Estate nitong nakaraang linggo upang iprotesta ang kawalan ng katuparan sa pangako diumano ng lokal na pamahalaan na tutulungan silang magkaroon ng serbisyo ng kuryente sa kanilang sitio. Matatandaang noong nakaraang buwan ay nagsagawa sila ng ganitong pagpoprotesta at ayon sa mga lider ay nakipagdayalogo sa kanila ang Punong lungsod na diumano ay pinangakuan sila. Subalit magpahanggang ngayon pareho pa rin ang kanilang sitwasyon, ayon sa mga lider. Limang araw na nanatili ang mga tao, nagkampo sila sa tapat ng City Hall.
Lumipas ang isang linggo, subalit tila walang malinaw na kasagutang nakuha ang mga tao. Ayon sa mga lider, matapos ang kanilang pakikipag dayalogo sa Punong Lungsod ay masama ang kanilang kalooban dahil ayon sa kanila ay hindi nabigyang pansin sa pulong ang tungkol sa kanilang karaingan kundi kinuwestiyon sila sa kanilang pagpoprotesta dahil diumano ay ilan sa kanilang mga kasamahan ay job order worker sa loob ng city hall. Ganun pa man, pahayag ng mga lider ng Koalisyon ng Canlubang , ay handa silang magbitiw kahit karapatan nilang magpahayag ng kanilang mga reklamo bilang isang nasa demokrasiyang bansa at dagdag pa nila na, sa tuwing sila ay may pagkilos ay tinitiyak ng kanilang samahan na ito ay maging mapayapa.
