Nitong Marso 26, isinagawa ang taunang earth hour. Isang oras na kadiliman para makatipid ng enerhiyang nakasisira sa ating paligid.
Galing ako sa basketball game ng gabing iyon. May okasyon sa bahay. Birthday celebration ng ate ko. Malayo pa lang nagtataka ako kung bakit parang walang ilaw sa bahay. Mag alas-9 na siguro ng gabing iyon. Ang tanging bukas ay ang videoke machine na nirentehan nila. May nag-iinuman, may mga nagkakainan at may mga kasabay pa akong mga makikikain din. Doon ko naalala na Earth Hour nga pala sa oras na iyon. Pangatlong taon ito siguro na isa ang pamilya namin sa nakikiisa sa pagpatay ng ilaw.
Maliit na bagay kung ituturing subalit napakalaki naman ang dulot nito para sa ating Mother Earth. Hindi naman sa nagpapakaenvironmentalist ang mga kapamilya ko subalit nakita ko kung ano ang epekto nito sa mga kapitbahay naming at ilang mga kakilala. Noong nagkakainan ang mga kasama kong bisita, alam na agad nila kung bakit patay ang ilaw at iniisip nila kung nagpatay rin kaya ng ilaw sa kanilang mga bahay. Wala sila kiyeme kung hindi nila nakikita ang kinukuha nilang pagkain. Ilaw lang ng cellphone ang gamit. Minsan lang naman daw iyon at ang mahalaga makakain pa rin sila.
Tanda ko pa nga noong isang taon naman, nagpatay rin kami ng ilaw para sa Earth Hour. Noong nakita ng kapitbahay naming patay ang aming ilaw, nagtanong siya kung may problema bad aw kami sa kuryente. Ito naman ako sa pag-explain kung bakit at sa maikling paliwanagan ay pinatay din nila ang kanilang mga ilaw na nauwi sa pagpapatay rin ng ilaw ng ilan pa naming kapitbahay.
Sa sunud-sunod na kalamidad, partikular ang lindol at bagyo, masmaraming tao ang tunay na namumulat sa kalagayan ng ating kalikasan. Nakikita nila ang unti-unting paghihingalo ng mga dagat at kabundukan, ang pagkaubos ng mga hayop at lamang dagat, ang kumakapal na usok sa siyudad, ang naglilipanang sakit at epidemya at ang nagbabagong panahon. Sa kabilang banda kahit unti-unti, nakikita rin nila na maganda pa ang kalikasan, na dapat nila itong alagaan, na may pag-asa pa itong maibalik sa dati tulad para sa susunod na henerasyon.
Isang hakbang lang ang isang oras ng pagdilim. Hindi dapat natatapos sa maikling aktibidad na ito ang pananagutan natin sa kalikasan na ipapamana natin sa ating mga magiging anak, apo at mga salinlahi. Maraming paraan para makatulong. Simpleng pagpulot at pagsegregate ng basura, pagpatay ng mga ilaw na hindi kailangan o kahit pagpopost ng mga makakalikasang mga status sa facebook at twitter ay malaki ang dulot sa kampanya kay Inang Kalikasan.
Kung hindi mo nagawang magpatay ng ilaw noong March 26, hindi mo kailangang maghintay ulit ng isa pang taon para gawin ito. Umpisahan sa sariling pamilya. Umpisahan mo ngayon mismo. Hindi magtatagumpay ang mga ganitong kampanya kung “kami” lang ang kikilos, dapat “tayo”.---
Matt Palentinos
