Maglulunsad ng isang transport strike ang grupong Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) sa darating na Marso 31 dahil sa sunud-sunod na pagtataas ng presyo ng gasolina.
Sa pangunguna ng Southern Tagalog Region Transport Organization (STARTER) na bahagi ng PISTON ay magtitigil pasada ang kanilang mga miyembro sa nasabing araw.
Magkakaroon ng sabay-sabay na programa sa mga Lungsod ng Calamba at Sta. Rosa, pati sa bayan ng Los Baños at Sta. Cruz upang ipakita ang pagtutol ng mga drivers at mamamayan sa walang habas na pagtaas ng krudo.
Sinabi STARTER Vice Chairperson Alex Balayan na lalahukan ang protesta ng 40 motor, 50 jeep at isang daang mga tricycle sa buong CALABARZON.
Dagdag pa ni Balayan na ang protesta ay laban sa kawalan ng aksyon ng gobyerno sa pagtaas ng langis at iba pang basic commodities.
Kinundena rin ng grupo ang hindi makatarungang mga multa na ipinatutupad ng Land Transportation and Regulatory Board sa mga tsuper ng pampublikong sasakyan.
