“A man can be led, although I admit it to be rather difficult and tedious, in the right direction through sound reasoning and confidence in the leaders.” –Vicente Lim
Masasabing si Jose Rizal na ang pinakakilalang Calambeño. Siya ang ating pambansang bayani. Kilala sa iba’t ibang panig ng mundo. May rebulto sa bawat bayan. At palagi nating nakikita sa hawak nating pera, sa baryang piso. Subalit may isa pang Calambeño na makikita rin sa ating pera.
Kilala niyo ba si Vicente Lim?
Isa siya sa tatlong bayani na makikita sa isang libong piso, kasama sina Jose Abad Santos at Josefa Llanes Escoda. Ipinanganak siya rito sa bayan ng Calamba noong Pebrero 24, 1888. Anak ng mga Tsinoy na sina Jose Ayala Lim-Yatco at Antonia Podico. Kaibigan ng pamilya nila ang mag-anak ni Jose Rizal. Si Pilar Hidalgo na isa sa tagapagtatag ng Girl Scouts of the Philippines ang kanyang napangasawa.
Kilala si Vicente Lim sa ginawa niyang kontribusyon noong Panahon ng pananakop ng Hapon at mga Amerikano sa bansa. Isa sa mga nakaligtas sa tinaguriang Death March. Matapos noon, pinangunahan niya ang mga gerilya sa Luzon habang naka-confine sa Philippine General Hospital. Pinaniwala nila ang gobyernong Hapon na siya ay baldado na noon.
Noong 1944, siya ay inutusang sumama kay General Douglas Macarthur para pumunta sa Australia subalit nahuli sila ng mga Hapon sa Mindoro. Inalok pa ang Heneral para maging Chief of Staff ng mga Hapon sa Pilipinas ngunit tinanggihan niya ito. Ilang buwan siyang ikinulong sa Fort Santiago hanggang pugutan siya ng ulo, kasama si Colonel Antonio Escoda.
Labing-apat na taon siya nang una siyang sumali sa digmaan nang maging parte siya ng hukbo ni Heneral Malvar sa Calamba. Nagtapos siya ng pagtuturo sa Philippine Normal School bago sinubukang pumasok sa US Military Academy sa West Point. Siya ang unang Pilipino na nakatapos sa prestihiyosong Military School. Nang matapos niya ang pag-aaral dito ay pinatawag na siya Ni Presidente Manuel Quezon para mag-aral naman sa Europa. Inayawan niya ang racial discrimination na naranasan niya sa ilalim ng mga Amerikano. Hindi niya basta hinayaang apak-apakan ang pagiging Pilipino niya.
Malaki ang naitulong niya sa akademya. Siya ang pangatlong pangulo ng Centro Escolar University. Siya rin ay nagging guro sa Philippine Constabulary School. Siya rin ang nagging kumander ng 45th Infantry Battalion ng Philippine Scouts at nang ROTC sa Colegio San Juan de Letran. Sa kanya ngayon ipinangalan ang General Police Headquarters ng Rehiyon 4 na matatagpuan din sa ating Lungsod ng Calamba.
Pinakita ni Heneral Lim ang tapang, pagmamahal sa pamilya, at pagiging marangal na Pilipino sa gitna ng digmaan. Dapat siyang ipagmalaki ng mga susunod na herasyon!
