Hindi lang si Rizal ang dapat kilalaning Calambeño, marami sila. Ang Proud to be Calambeño ay magsisilbing tulay upang makilala natin ang mga naging kilalang tao sa ating bayan.
Si Ronnie Alcano ay isang sikat na billiard player sa mundo. Siya ay taal na nagmula rito sa Bayan ng Calamba. Una pa niyang ginamit ang alyas na “Calamba” bago maging “Volcano” nang sumalang na siya sa mga international tournament.
Nagsimula ang kinang ng bituin ni Alcano sa ating bansa sa kanyang mahusay na paglalaro sa 2000 Rising Stars Tournament kung saan siya ay pumangalawa. Noong 2002, sinimulan niyang sumabak sa mga international competition kung saan binigyan siya ng parangal na Rookie of the Year matapos makuha niya ang limang tournament sa Joss Tour sa Estados Unidos.
Noong 2005, bumalik siya sa lamesa ng bilyar at nagkampiyon sa 2005 WPA Asian Nine-ball Tour kung saan ginanap dito sa ating bansa na nagbigay sa kanya ng pagkakataon na makapaglaro sa WPA Men’s World Nine-ball Championship. Sa taong 2006, giniba niya ang sikat na German pool player na si Ralf Souquet upang tanghaling World Champion sa nine-ball anng taong iyon. Siya ang pangalawang Pilipino na nagwagi noon matapos ni Efren “Bata” Reyes. Napanalunan niya ang pinakamalaking premyo sa nine-ball championship na nagkakahalaga ng $100,000.
Nagpatuloy ang pananagumpay ni Alcano noong 2007 nang gapiin niya ang kababayang si Dennis Orcollo sa Finals ng WPA World Eight-ball Championship. Pumangalawa naman siya sa Philippine nine-ball Open sa taon ding iyon. Noong 2007 rin kinopo ni Alcano ang gintong medalya sa Men’s 8-Ball Pool Singles Event sa Southeast Asian Games.
Binigyan rin siya ng Order of Lakandula Award ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. Isang Hero’s Welcome naman ang pinansalubong ng mga Calambeño sa kanya noong 2006 dahil sa tagumpay na kanyang nakamit. Iba’t ibang pagkilala rin ang tinanggap niya mula sa ating Alkalde at Congressman Jun at Timmy Chipeco noon. Binigyan rin siya ng parangal ng Calamba City Business Club.
Tunay na magagaling talaga ang mga Calambeño. Iba ka Ronnie “Calamba” Alcano.
