February 14, 2011/Calamba City---Inilunsad kamakailan ang proyektong "My Green Partner" at "Adopt-A-River" ng City Environment and Natural Resources Office sa Calamba City Hall. Sa proyektong ito ay hinihikayat ang mga pribadong sektor na maging kaisa ng lokal na pamahalaan sa pangangalaga sa kalinisan ng mga ilog sa lungsod. Ang mga kumpanyang nakatayo na malapit sa ilog ng San Juan, San Cristobal at Baranca de Sipit Creek, maging ang mga paaralan, ospital at iba pang mga establisimiyento ay magiging mga "Green Partners". Mangangahulugan ito na ang bawat isa sa mga kumpanyang ito ay magiging responsable sa isang bahagi ng ilog upang ito ay mapanatiling malinis. Ilan sa mga pribadong kumpanyang kaisa sa proyektong ito ay ang Jollibee, SM City, Association of Pollution Control and Safety Officers, Presidents of the 3 River Groups (Union Galva Steel, Paner Junkshop, Universal Robina Corporation), Coca-Cola, World Safety organization, San Miguel at Samsung.
Dinaluhan ang pagpapasinaya sa proyektong ito ng mga opisyales ng lokal na Pamahalaan, mga delegado mula sa mga kasaping kumpanya, at Laguna Lake Development Authority. Ang Miss Earth Foundation ay nagpaunlak din sa pagdalo ng Miss Earth Air 2010, Rene Mettugh at Miss Earth Water 2011, Emmerie Cunanan. Ang palatuntunan ay sinundan ng motorcade upang ipabatid na ang pangangalaga sa ating kapaligiran lalo na sa ating mga ilog ay pangunahing tungkulin ng bawat isang Calambeño.





