Calamba City--Sa ginanap na pagpupulong ng Komite ng Agrikultura nitong ika-10 ng Pebrero ay formal na ipinakilala ang mga bagong halal na mga opisyales ng BARC at ang Chairman ng Pederasyon sa lungsod ng Calamba. Napag-alaman na dati ng mayroong BARC Federation, subalit ito ay hindi naging aktibo hanggang matapos ang termino ng nakaraang pangulo. Sa pagpupulong na ito ay ipinaliwanag ni Gng. Rosalinda Rivera, hepe ng MARO-DAR, ang layon at mga tungkulin ng BARC bilang sangay ng DAR para sa pagresolba ng mga usapin hinggil sa lupa. Naipaalam din sa mga konsehal sa pamamagitan ng BARC Chairman Norberto Masaredo ang mga kahilingan ng mga opisyales upang matulungan silang magampanan ang kanilang mga tungkulin tulad ng buwanang honorarium. Sa huli ay napagkasunduang pormal na lumiham sa Punong-Lungsod upang makapaglaan ng kaukulang pondo para sa kahilingan ng mga magsasaka.
Ang BARC ay itinakda ng batas sa bisa ng Executive Order 229, Republic Act 6657 at 9700, bilang mahalagang katulong ng DAR sa community level para sa matagumpay na implementasyon ng Comprehensive Agrarian Reform Program.
Pinangunahan ang pagpupulong ng Tagapangulo ng Komite ng Agrikultura Konsehal Christian Niño Lajara. Dumalo rin sina Konsehala Ruth Mariano-Hernandez, Konsehal Edgardo Catindig, Konsehal Juan lazaro, City Agriculturist Aurea Alcasabas, ABC President Saturnino Lajara. Umaasa ang lahat na sa pamamagitan ng BARC ay unti-unting mareresolbahan ang mga hinaing ng mga magbubukid na Calambeño patungkol sa isyu sa lupa.
