Ang “Historizal” ay maglalaman ng mga kuwento at kaalaman tungkol sa ating pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal. Ito ay tatakbo hanggang sa kanyang ika-150 kaarawan sa darating na Hunyo 19. Halina at makibahagi sa buhay ng ating kababayan.
Ang Tsinelas
Isa sa sikat na anekdotang naisulat ni Rizal ay ang kanyang karanasan sa pagsakay sa isang bangka sa Lawa ng Laguna. Nailarawan niya sa kuwento niya ang kagandahan ng kalikasan. Ngunit sa kuwentong ito, ang nangyari sa kanyang tsinelas ang pinakatumatak sa atin.
Habang nakasakay siya sa bangka ay nahulog ang isa niyang tsinelas. Dahil mabilis ang agos ng tubig ay hindi na niya ito nahabol at naisip niya na maaaring pagalitan siya ng kanyang ina dahil doon.
Kaya dali-li niya ring itinapon ang kabiyak niyang tsinelas sa tubig kasama ang dasal na mahabol sana nito ang kabiyak pa niyang tsinelas. Nagtaka at nagtanong ang kasama niya sa bangka kung bakit niya ginawa iyon.
Ang sagot ni Rizal, "Isang tsinelas ang nawala sa akin at walang silbi sa makakakita. Ang isang tsinelas na nasa akin ay wala ring silbi sa akin. Kung sino man ang makakuha ng pares ng tsinelas ay magagamit niya ito sa kaniyang paglakad.”
Napatingin na lang sa kanyang muli ang mama na tila naunawaan nito kung anuman ang naiisip ng batang Rizal.
SI GLOBAL RIZAL
Si Jose Rizal ay masasabing global Pinoy dahil sa dami at lawak ng kaalaman niya mula sa iba’t ibang kutura ng ibang bansa. Para sa isang milyunaryo ngayon, hindi niya makakayang gawin ang ginawang paglalakbay ni Rizal sa iba’t ibang bansa ng panahon niya.
Kaya niyang magsalita ng 22 lenggwahe kabilang ang Latin, Spanish, Catalan, German, French, English, Chinese at Japanese.
Ang mga babaeng minahal niya rin ay nagmula sa iba’t ibang bansa. Nariyan sina O-sei-san ng Japan, Nelly Boustead ng France, Suzanne Jacoby ng Belgium,Gertrude Beckett ng London at isang Ingles na si Josephine Bracken.
Tinayuan ng monumento si Rizal sa iba’t ibang bansa kabilang ang Madrid, Spain; Wilhelmsfeld, Germany; Jinjiang, Fujian, China; Chicago, Cherry Hill Township, San Diego, Seattle, U.S.A.; Mexico City, Mexico; Lima, Peru; Litomerice, Czech Republic; at Toronto, Ontario, Canada.
Ito ang patunay na malaki ang kontribusyon ng ating kababayan, hindi lamang sa Pilipinas kundi sa iba’t ibang panig pa ng mundo.
Ang Unang Pag-ibig
Makulay ang naging buhay pag-ibig ni Jose Rizal subalit sino nga ba ang unang babaeng nagpatibok sa puso ni Rizal?
Makikita sa mga libro ng kasaysayan na si Segunda Katigbak ang unang pag-ibig ni Rizal. Si Segunda Katigbak ay masbata kay Rizal ng dalawang taon. Siya ay tubong Lipa, Batangas at nakilala niya sa Maynila. Sinasabing ito ay isang kaibigan na kanyang mga nakatatandang kapatid.
Ito rin ang kaniyang unang kabiguan sa pag-ibig dahil nakatakda nang ikasal ang babae sa isa niyang kababayan na si Manuel Luz.
Subalit may nauna pang babae na hinangaan si Rizal. Kumbaga “crush” sa panahon ngayon kung tawagin. Siya ay si Julia na nakilala niya sa Bayan ng Los Baños. Nakita niya ito ng nagsabi ang dalaga sa kanyang lola na gusto nitong humuli ng isang paru-paro.
Ang labing-anim na taon noon na si Rizal naman ay nagpakitang gilas at nanghuli ng paru-paro para sa dalaga. Ang paghanga na ion ay nanatiling paghanga na lang nang makilala niya si Segunda.
