
January 17, 2011/SP Session Hall--Ilang buwan rin ang lumipas na laging closed door sesyon ng mga konsehal. Barangay resolutions na ang naabutan kong tinatalakay. Siguro pang-gitnang parte na iyon ng sesyon. Isang resolusyon mula sa Baranggay 4 ang binasa ni ABC Pres. Saturnino Lajara ukol sa pagrerequest ng pagsasaayos sa kalsada sa kahabaan ng Del Pilar. Pinuna rin ng ABC President ang mga proyektong pambaranggay na matagal ng nabinbin ngunit hindi pa rin naisama sa badyet ng panibagong taon. Mabilis namang kinuha ng Chairman ng Finance na si Konsehal Moises Morales ang responsibilidad at sinabing aayusin ang mga proyekto para maihabol sa badyet.
Isang rekomendasyon naman ang iminungkahi ni Kon. Morales para gawing bukas sa publiko ang mga pinag-usapan sa Executive-Legislative Agenda Meeting. Ito ay upang daw maging transparent sa mamamayan ang Pamahalaang Panlungsod patungkol sa mga proyekto nito.
Isang estudyante naman ng FEU-East Asia College na si Dan Lester Suelto ang binigyang pugay ni Konsehala Lian Aldabe. Ang nasabing estudyante ay nahirang na isa sa Jose Rizal Outstanding Student of the Philippines. Binigyan rin ng pagkakataon ng Presiding Officer Binoy Lajara na makapagsalita ang kabataan at makapagpasalamat. Tunay nga namang kahanga-hanga ang kabataang Calambeño. Pinagkalooban rin siya ng P20,000 ng Sangguniang Panlungsod na muntik pa maging P10,000 lamang ng may kumontrang konsehal.
Unang araw rin palang nakita ko ang bagong SK President Paco Nido na nakaupo sa isa sa mga silya ng ating mga Konsehal matapos niyang palitan si SK Jane Rizal. Kagaya ng huli, aktibo rin siya sa pagtaas ng kamay higit nga lang masmataas at kapansin-pansin di' gaya ng dati.
Mabalik tayo sa sesyon. Mainit ring pinag-usapan ang nangyaring insidente ng pamamaril at pagkamatay ng isang on-duty ng security guard sa Poblacion. Ito ay iniulat ni Konsehal Johnny Lazaro ngunit tila may bagabag ang ilang konsehal na maaaing hindi seguridad ang usapin dito kundi personal lamang. Marami rin namang umayon kay Konsehal Lazaro, partikular si Konsehala Ruth Hernandez. Nakiusap na lamang si Konsehal Christian Niño Lajara na pag-usapan na lang ang nasabing isyu sa isang committee hearing kasama ang Peace and Order Committee.
Hindi ko na naintindihan ang huling parte ng sesyon dahil ininterbyu ko saglit si Dan Mendoza, siya iyong nanalong estudyante ng Model Student. Basic lang naman ang tinanong ko at hindi ko na masyadong nilaliman dahil baka ilibre pa niya ako ng tanghalian kapag napahaba ang usapan. Pero hanga ako sa kanya dahil pagdating talaga ng kolehiyo ay mahirap ng tumanggap ng karangalan.
Sa susunod na Lunes, malamang babalik na naman ako sa bisyo ko ng paghihintay sa sesyon. Malay natin kung maisipan na nilang gawing regular ang public session. Once a week lang naman iyon at talagang hinihintay ng maraming tao. Sana madinig nila tayo at dumalas na ang kanilang pagpapakita, kung hindi nila kaya sa sesyon eh kahit sa kani-kanilang opisina na lang.--Matt Palentinos
