Sa kabila ng mga pangako at kabi-kabilang mga proyektong imprastraktura ay tila walang pahinga pa rin ang taumbayan sa pagbabantay at pag-uusisa sa ating Pununglunsod, Joaquin Chipeco Jr. Dahil sa ikatlong pagkakataon sa loob ng kulang anim na buwan ay inireklamo na naman siya sa Office of the Ombudsman.
MAYOR CHIPECO VS DOK VERGARA ET AL.
Isa sa pinakamainit na pinag-usapan sa nakaraang taon ang ginawang hakbang ni Dr. Severino Vergara at ilang kasamahan laban sa ating alkalde tungkol sa usapin ng pagkawala ng P26-milyong piso sa kaban ng lungsod.
Kinasuhan ng(a) malversation punished under Article 217 of the Revised Penal Code, (b) falsification punished under Article 171 of the Revised Penal Code, (c) violation of section 3e of Republic Act 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act), and (d) violation of any other law or executive issuances as may be found by the Office of the Ombudsman.
Kasama rin sa mga kinasuhan ang mga susing empleyado sa Pamahalaang Panlungsod na sina dating Vice Mayor Pursing Oruga, City Treasurer Liberty, City Accountant Carminia Espiridion at iba pa.
Nagsimulang pumutok ang isyung ito sa kasagsagan ng eleksiyon subalit hindi agad natapos. Milyun-milyong halaga na dapat sanay ay sa mamamayan mapunta ang bigla na lamang nawala nang wala man lang malinaw na salarin.
Pirmado ng alkalde ang ilang mga tseke kaya siya kasama sa mga kinasuhan.
Sa mga pahayag na kanyang nilabas, malinaw na tinatanggi ng ating pununglunsod ang alegasyon ukol sa P26-M Scam. Hanggang sa ngayon ay wala pa ring hatol ang Ombudsman patungkol sa kaso.
Pinabulaanan rin ng Alkalde ang mga balitang suspendido siya.
MAYOR CHIPECO VS ATTY. ABINALES
Sa kabila ng mga pagtanggi, patuloy ang pagtataka ng mamamayan kung saan napunta ang nawawalng kaban ng lungsod.
Bago matapos ang 2010, sinabi ng National Bureau of Investigation na peke raw ang pirma ng Mayor at ng iba pang opisyal sa mga tsekeng ginamit upang maipuslit ang pera ng lungsod. Subalit taliwas naman ito sa ginawang aksyon ni Atty. Edgardo Abinales.
Muling nagsampa ng kaso si Atty. Abinales sa mga opisyal ng Calamba at maging sa mga tauhan ng NBi sa pangunguna ni NBI Director Magtanggol Gatdula. Sinabi nito na mayroong nagaganap na sabwatan sa pagitan ng alkalde at NBI upang pagtakpan ang mga salarin sa nasabing Scam.
Sa kanyang reklamo, binigyan-diin ni Atty. Abinales na para sa interes ng mamamayan ng Calamba City marapat lamang imbestigahan ang anomalyang ito at papanagutin sa lalong madaling panahon ang mga nagkasala.
Iginiit ni Abinales na tanging korte lamang ang kayang magpatunay kung dapat nga bang maabswelto si Mayor Chipeco at hindi ang NBI. Ilang mga kaso rin ang pinakita niya kung saan binali ng Mataas na Hukuman ang mga sinasabi ng mga handwriting experts sa mga lagda ng mga nagkasala.
Sa isang artikulo noong Pasko sa isang dyaryo, sinabi ni Mayor Chipeco na walang anumang sabwatan sa kanila ni Dir. Gatdula at ng ahensya nito. Malinaw raw na mga paninira lang ang mga lumalabas na isyu sa kanya.
MAYOR CHIPECO VS CANLUBANG FARMERS
Sa pagbubukas ng taon, binulaga ng bagong kaso sa Ombudsman si Mayor Chipeco mula naman sa mga lider ng mga manggagawang bukid sa Canlubang. Inihain nila ang kasong paglabag sa Section 3(e) R.A. 3019.
Matatandaang noong buwan ng Disyembre ng nakaraang taon ay naghain ng isang class suit ang lahat ng mga magsasaka at manggagawang bukid ng Canlubang laban sa Pamahalaang Bayan ng Calamba, Vesta Property Holdings, Inc., Avida Land Corporation at Diezmo River Realty Developement Corporation.
Ito ay bunga ng pagklasipika ng ng Canlubang bilang lupang pang-agrikultura. Subalit sa kabila nito, pinirmahan pa rin ng alkalde ang lahat ng kinakailangang permit ng mga nabanggit na kompanya. Ito ay isa sa mga dahilan kung bakit na-dismiss ang petisyon ng mga magsasakat sa Korte.
Bukod sa Mayor ng Calamba ay kasama ring inihabla ang lahat ng miyembro ng Board of Directors ng Avida Land Corporation at Vesta Property Holdings, Inc.
Patuloy naman ang pananahimik ng alkalde ukol sa usapin sa Lupa ng Canlubang sa kabila ng matagal na hiling ng mga mamamayan ng Canlubang na aksyunan ito at manindigan ang Pamahalaang Panlungsod para sa kanila.
PATULOY SA KABILA NG MGA KONTROBERSIYA
Tuluy-tuloy naman sa mga gawain ang ating Mayor sa kabila ng mga kaso at kontrobersiyang kanyang kinasasangkutan. Sa kanyang radio show, binanggit na huwag paniwalaan basta-basta ang mga tsismis ukol sa kanyang suspensiyon.
Ilan sa mga priority project ngayon ng mayor ay ang pag-acquire ng malaking lupa sa harapan ng City Hall, pagtatapos ng palengke ng Calamba at ang pag-iimbita ng mga mamumuhunan upang makadagdag sa trabaho.
Sa kabilang banda, patuloy namang umaasa ang mga mamamayan ng Calamba na manindigan ang alkalde sa mga isyu ng mamamayan. Hiling rin ng taumbayan na tunay nang parusahan ang kung sinuman ang lumustay sa pera ng taumbayan.—Pinpin Tolentino
Related Articles:
