Sa pamamagitan ng isang petisyon sa pangunguna ni Barangay Chairman Florencio Morales ay idinulog ng Sangguniang Barangay (SB) ng Real kay Bise Alkalde Severino Lajara ang lumalalang trapiko sa kanilang lugar.
Pangunahing itinurong sanhi ng SB ang mga lumalabas at pumapasok na mga sasakyan at tao sa SM City Calamba. Isa pa rito ay ang pagkakaroon ng tricycle terminal sa tabi ng daan sa harap ng nabanggit na establisyemento kung saan ito sana ay babaan at sakayan lamang ng mga komyuter.
Binigyang pansin din ng SB ng Real ang bagong tayong terminal sa loob ng SM na mayroon kaparehong ruta sa Kalayaan Multi-Purpose Cooperative Terminal sa Crossing. Ito ay nagdulot ng hindi pagkakaunawaan sa mga drivers ng magkabilang terminal.
Sa pamamagitan rin ng petisyon ay naghain sila ng mga alternatibong solusyon na posibleng tumugon sa nasabing problema. Kasama rito ay ang paglalagay ng overpass, pag-aalis ng Terminal ng Tricycle sa harap ng SM at pag-alis sa bagong terminal ng Jeep at Van sa loob ng SM. Ang huli ay tinutulan ng SB ng Real dahil wala itong pahintulot mula sa kanila.
Nagreklamo na rin ang pamunuan ng KMPC Terminal sa ating Pamahalaang Panlungsod patungkol sa isyu ng pagtatayo ng bagong terminal.
Bago pa man magbukas ang SM, bingiyang diin na nila Konsehal Christian Niño Lajara at Konsehal Moises Morales ang maaaring idulot na trapik nito.

Comments
RSS feed for comments to this post