Ang pangkalahatang kalagayan ng ekonomiya ng ating bansa ay pabagobago, minsan tumataas, subalit sa madalas na panahon ay bumababa bunsod ng sari-saring pangyayari sa loob at labas ng ating bansa. Makikita ito sa pagtaas ng halaga ng piso kumpara sa iba't ibang denominasyon sa ibang bansa, lalo na sa dolyar. Maging sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin, sa pagsulpot ng iba't ibang establisimyento na ang mga kapitalista minsan ay mga banyaga pa at ang mga Pilipino ay tauhan lamang, ay masasalamin ito. Ngunit kung ito ay ating pag-iisipan, mapapansin na ang daynamiko ng ekonomiya ay nakasalalay sa ating mga Pilipio mismo. Kung kaya't nasa pagsisikap ng bawat isa na magkaroon ng maayos na kabuhayan at magkakaroon ng pagsulong ng ekonomiya ng ating bansa.
Sa usapang pagsisikap, hindi magpapahuli ang mga taga-Calamba. Mababanaag ito sa iba't ibang gusali, maliliit at malalaki, hanggang sa mga de tulak na kariton ng negosyo. At dito na papasok ang kuwento ng isa sa mga may-ari ng establisimyento sa lungsod ng Calamba, ang mag-asawang Enrique at Margarita Garcia. Ang kanilang negosyong JUNKSHOP ay matatagpuan sa kahabaan ng pampublikong daanan sa Barangay Turbina.
Ang mag-asawa ay nag-umpisa sa pag-aangkat at pagrarasyon ng mga tinapay, asukal at samu't saring mga pagkain sa mga tindahan noong taong 1995. Sa paglipas ng mga taon ay nakabili ang mag-asawa ng dalawang dyip na pansariling ginagamit sa pagrarasyon. Ang kabuhayan nilang ito ay nagtagal ng sampung taon na nakatustos sa pangangailangan ng kanilang pamilya. Ngunit dumating ang panahon na ang kinikita ng kabuhayan ito ay hindi na naging sapat dahil sa paglaki ng kanilang mga anak.
Dahil sa mas malaking pangangailangang ito, naibenta ang dalawang dyip na naipundar upang mapasok ang isang bagong kabuhayan. Taong 2005, sa halagang 300,000 piso na napagbentahan ng dalawang dyip ay naumpisahan ng mag-asawa ang pagbili at pagbebenta ng mga "scrap materials" o ang naging kilala bilang isang "junkshop". Ang negosyong ito ay hindi lamang makakatulong sa pagsulong ng ekonomiya kundi pati sa pag-iingat ng ating kapaligiran dahil sa muling paggamit ng mga bagay na sa ibang tao ay itinuring nang basura. Sa simula ng kanilang bagong negosyo, tanging ang mag-asawa lamang ang personal na nagpapatakbo, umaasikaso sa mga kliyente at nag-aayos ng mga materyales.
Makalipas ang ilang buwan, nakita ng mag-asawa ang pagtatag ng kanilang negosyo. Kumuha na sila na ng mga tauhang maaari nilang makatuwang pagdating sa pag-aasikaso ng mga kliyente. Ang nasabing negosyo ay kumikita na ng 30,000 hanggang 40, 000 piso sa loob ng isang buwan. Ngunit dumarating naman ang punto na mas mababa pa sa halagang ito ang kanilang kinikita dahil sa mababang bilang ng kanilang kliyente. Magkagayon pa man ay di naman tumigil ang mag-asawa na pagbutihin pa ang kanilang pagsisikap upang maipagpatuloy ang negosyong ito.
Nang tanungin ang mag-asawa ng kanilang payo para sa mga kapwa nila Calambenyo na nag-iibig magsimula at magpundar ng kanilang negosyo, sila'y nagsabi na, "SUBUKAN MUNA ANG BAWAT MAISIP NA BUSINESS, DAHIL MAAARING MAYROON SA MGA ITO NA MAGING SUCCESSFUL. PERO SA PAG IISIP NG BUSINESS, DAPAT MAY PERA[KAPITAL] KA. MINSAN KASI, MARAMI KA NGANG NAIISIP PERO WALA KA NAMANG MAPUPUHUNAN. AT SA PAG-IISIP NG BUSINESS, DAPAT PAG ARALAN MO RIN KUNG MAGIGING MAAYOS BA ITO. BASTA, LAKIP NG PAG-IISIP ANG PERA[KAPITAL]." At di man sabihin ng mag-asawa, makikita sa kanilang kwento ang mahalagang sangkap, ang PAGSISIKAP at PAGTITIYAGA..
Kung lalagumin ang ang kwento ng mag-asawang Garcia, masasabing ang pagtatagumpay ng isang negosyo ay hindi masusukat sa laki ng perang kinikita o dami ng bagay na maipundar. Bagkus ito ay masusukat sa pagkatuto ng pagbangon at pagharap sa anumang hamon ng buhay, sa pagbibigay ng tapat na serbisyo sa kapwa, sa pagiging kuntento sa kasapatan ng tinatangkilik, sa pamamahagi nito sa kapwa na nangangailangan at sa pagtulong para sa ikauunlad ng bayan.—CARMI DE LAS ALAS

Last Updated on Tuesday, 31 August 2010 03:12