
Mga Bagong Isyu: Sakit at Mall (SM)
August 9, 2010/SP Session Hall, Calamba City-- Samu’t saring isyu pa ang kasalukuyang hinaharap pa rin ng ating lungsod subalit ito na naman at may mga bagong nagbubukas na usapin na dapat linawin. Ating baybayin ang nangyari regular session nitong Lunes.
Naunang binasa at inaprubahan ang ilang mga ordinansa at resolusyon. Isa dito ang pagpasa sa huling pagbasa ng Internal Rules and Guidelines ng Sangguniang Panlungsod sa pamamagitan ni Konsehal Ruth Hernandez. Binasa rin ang mga ordinansa at resolusyong panukala ni Konsehal Moises Morales na patungkol sa budget at mga reflectorize traffic signs. Si Konsehal Jose Morel-Manaig naman ang nagbasa ng ordinansa sa pagtatalaga kay dating Konsehal Dennis Lanzanas bilang pinuno ng CPDO. Malugod namang tinanggap ng mga konsehal ang bagong ordinansang inihain ni Konsehal Bong Baroro, tagapangulo ng Komite sa Kalikasan, na tungkol sa regulasyon ng paggamit ng mga plastic bag at styrofoam sa ating lungsod. Mukhang magiging mas malinis ang ating lungsod kapag natuloy ang ordinansang ito, katulad ng nangyari sa Bayan ng Los Baños.
Hindi naman nakarating sa sesyon ang ABC President Saturnino Lajara kaya karamihan ng resolusyon ay si Konsehal Morales at Johnny Lazaro ang nagbasa. Inulan ang araw na iyon ng napakaraming barangay resolutions. Una ay ang request ng Brgy. Halang para sa isang backhoe. Ang Brgy. Pansol naman ay humiling ng pagpapasemento ng isa sa pangunahing kalsada sa kanilang barangay at pagsasaayos ng mga drainage sa kanilang lugar. Makakatulong ito upang maibsan ang nangyayaring trapiko sa barangay lalo na sa panahon ng bakasyon. Humiling din ang Brgy. Laguerta para magkaroon sila ng isang Multipurpose Covered Shed. Usaping trapiko rin ang naging concern ng Sangguniang Barangay ng Halang para ipasa ang resolusyon nila nang pagbabawal sa pagtatayo ng terminal sa kanilang lugar.
Pinakapumukaw sa akin ang resolusyon mula sa Brgy. 3 na patungkol sa kahilingan ng mga magulang at estudyante sa kanilang Day Care Center. Ito ay ang pagpapabalik ng guro nila ritong si Luningning Mapala. Ito ay dahil ang mga magulang ay labis na pinagkakatiwalaan ang guro para alagaan ang kanilang mga anak. Isang magandang hakbang ito mula sa isang barangay para dinggin ang tunay na kahilingan ng kanilang nasasakupan. Agarang iniutos ni Vice Mayor Binoy Lajara na ipasa agad ang usapin sa sangay ehekutibo dahil sakop ang mga day care centers ng DSWD.
Muling binasa ang mga petitions, letters and communications. Isang Letter of Intent mula sa isang pribadong security company ang binasa ni Konsehal Baroro. Si. Konsehal Christian Niño Lajara naman ang nagbasa ng isang imbitasyon mula sa Development Academy of the Philippines para dumalo sa isang convention sa Cebu. Mabilis ang pagpayag ng kanyang mga kapwa kasama dito, maging ng Presiding Officer. Binasa naman ni Konsehala Hernandez ang sulat na pirmado ng lahat ng Personal Secretary ng mga konsehal. Ito ay tungkol sa isyu ng maling oras ng kanilang sahod. Binanggit sa sulat ang mga hinaing ng mga PS ng Sangguniang Panlungsod. Humiling naman ng suspension of the rule si Konsehal Morales para ipasa bilang resolusyon ang Executive-Legislative Agenda ng Pamahalaang Panlungsod. Pinangalawahan ito ni Konsehal Niño Lajara subalit sinabi niyang dapat ipasa ito bilang isang ordinansa dahil ito ang plano ng bawat isang konsehal, katuwang ang sangay ehekutibo, sa loob ng tatlong taon nilang termino. Higit na magkakaroon ng ngipin ang nasabing ELA kung isa itong ordinansa dahil ito na ang pangako nila sa mamamayan at ito ang kanilang mga priority projects.
Iilan lamang ang narinig na Committee Reports subalit naging malalim at masusi ang naging reaksyon ng mga miyembro ng sanggunian ukol rito. Una ay mula kay Konsehal Baroro patungkol sa nangyaring serye ng meeting tungkol sa usapin ng pagbaha sa ating lungsod. Humiling siya na gamitin ang emergency fund ng lungsod upang linisin ang ating mga drainage bilang immediate action ngayong panahon ng tag-ulan. Hindi naman ito agad na sinang-ayunan ng Presiding Officer dahil dapat kasama na raw ito sa ating Development Plan. Ang nasabing panukala ni Konsehal Baroro ay pag-aaksaya rin daw ng pera ng taumbayan dahil maaaring bukas matapos ang paglilinis sa nasabing drainage ay barado na ulit ito. Simple lang naman ang nais niyang iparating, maging wais sa paggamit ng kaban ng bayan.
Binuksan naman ni Konsehal Morales na i-reclassify na lang ang mga Job Order Workers ng City Hall bilang mga casual employees kung saan makakatanggap ang mga nasabing kawani ng mga dagdag benepisyo.
Bagong isyu ang nabuksan sa report ni Konsehala Hernandez sa Committee on Health and Sanitation. Ito ay tungkol sa mga kaso ng dengue sa ating lungsod. Inilabas niya ang datos ng mga suspected at probable cases ng dengue sa 38 barangay at mapapansing mataas na ang kaso sa ilang lugar gaya ng Parian. Sinabi niya ring hindi rekomendado ng Health Department ang fogging at fumigation dahil para lang iyon sa mga lugar na laganap o may outbreak na ng sakit. Sinabi niya rin na hawak na ng Pamahalaang Panlungsod ang 54 bag na larvicide na mas magiging epektibo upang puksain ang mga pinanggagalingan ng lamok sa ating mga lugar. Naging mainit ang pagtatalo ng sagutin ito ni Konsehal Morales at luminya pa siya ng, “Aanhin pa ang gamot kung patay na ang kabayo.” Sinabi niyang dapat magtrabaho ng mahusay ang komite para hindi lumaganap ang sakit na ito sa ating lungsod. Mabilis naming nilinaw ito ni Konsehala Hernandez na nakagawa na ng rekomendasyon ang City Health Office at inulit niya rin ang mga nauna niya nang nabanggit pang mga aksyon.
Hindi pa man natatapos ang SM City Calamba ay pinuna na agad ito ng Committee on Franchise, Transportation and Utilities Chairman Christian Niño Lajara. Sinasabi niyang sa mga naganap na pag-uusap kasama ang SM ay malinaw nitong binaggit na isang SM Hypermarket lamang ang itatayo subalit nagulat na lamang siya ng malaking mall na ang itinayo ng SM. Sinabi niyang maaaring labagin nito ang City Franchise Ordinance dahil ang lokal na mamamayan ang dapat pangunahing tulungan sa ilalim ng nasabing ordinansa. Maaapektuhan rin nito ang priority project ng pamahalaan na Public Market dahil magiging direktang kakompetensya ito ng SM. Iniwan niya ang tanong sa nasabing kompanya kung ano ang magiging pananagutan ng mga ito sa mga lokal na negosyante. Pinartikular niyang halimbawa ang ating Maya Bookstore na maaaring tuluyang malugi sa pagtatayo ng SM.
Sinegundahan naman agad ito ni Konsehal Morales at idinagdag na magiging pabigat sa trapiko ang nasabing establisyemento dahil ito ay nasa sentro ng negosyo. Magiging mas mahusay sana at magiging masaya ang lahat kung sa ibang lugar na lamang ito itinayo katulad ng Baranggay Turbina o Canlubang. Naglatag rin siya ng mga punto gaya ng job priority sa mga Calambeño, priyoridad na mga residente ng Calamba ang maging concessionaires at stall owners dito, paglaban sa business monopoly, pagsuplay ng produkto ng ating mga magsasaka at mangingisda sa kanilang pamilihan, at pagpondo upang magkaroon ng isang road network na gagamot sa suliraning trapiko. Tinapos ni Vice Mayor Lajara sa agarang pagkakaroon ng meeting kasama ang matataas na opisyales ng SM upang matugunan at maging malinaw ang usapin.
Maraming usapin ang hindi pa rin naaayos at nalilinaw ngunit kasabay ng panahon ay ang pagsulpot at pagkakadiskubre ng iba pang mga suliranin. Hamon sa ating mga kasama sa Sangguniang Panlungsod ang mabilisang solusyon sa mga nasabing suliranin. Isang solusyon na hindi lamang iilan ang makikinabang kundi isang solusyon na tayong mga mamamayan ng Calamba ang lubos na makikinabang.--Matt Palentinos
