
Matindi ang pinsalang tinamo ng mga bahay sa Relocation Site sa Barangay Kay-Anlog bunga ng pananalasa ng bagyong Basyang. Dito nakatakdang ilipat ang halos apatnapu at walong pamilyang nakatirik sa tabi ng riles bunsod ng ginagawang renovation ng Philippine National Railways (PNR) sa Calamba City area. Ayon sa isinagawang ocular inspection ng lokal na pamahalaan sa pangunguna ng Commitee on Socialized Housing, kabilang ang mga taga National Housing Authority, ay napag-alaman na maliit ang inilagay na drainage kung kaya't hindi nito nakaya ang biglang pag-agos ng malakas na tubig mula sa itatas na bahagi ng lugar noong kasagsagan ng bagyo. Maraming units ang nasira, natibag ang mga sementong sahig at nasira rin ang mismong dike sa loob ng site. Mabuti na lamang at hindi pa nalilipatan ang nasabing relocation site kung kaya't wala namang nasawi o nasaktan. Payo ng komite na dagdagan ang main drainage at gawin itong box type, gayun din ang pag-aalis ng mga bahay na malapit sa pinanggagalingan ng agos ng tubig tuwing may malakas na pag-ulan.
Last Updated on Thursday, 12 August 2010 07:35