
Bagamat lumipas na ang ilang panahon, may mga nananatili pa rin sa kanilang kinasasadlakang tikas. Makailang beses mang inanod ng pagragasa ng baha, ang pag-asa’y hindi man lang nabawasan ni napawi. Masalimuot man ang daang tinahak, nakatitiyak pa ring may lagusang matutunton. Nadungisan man ng putik at burak ang pangarap, makinang pa rin ito na tila hindi nawalan ng kupas. Ito ang Canlubang--- paraiso noon na nais panumbalikin ang kasaganahang minsang natikman. Sa tila di mamatay-matay na pakikibaka para sa kasarinlan sa lupa, kalian kaya magigisnang muli ang nakaraang buhay na nakatatak sa puso at isipan ng mga taong Canlubang.
Matalino man ang matsing…
Kung ihahalintulad ang kwento ng Canlubang sa isang pabula, marahil pinakamalapit na ang kwento ng “Ang Pagong at ang Matsing”. Ito ay isang katha na ginawang pamoso ni Jose Rizal na tumutukoy sa pagiging gahaman ng matsing laban sa inaakalang kahinaan ng pagong.
Matalik na magkaibigan ang pagong at ang matsing, ngunit madalas na pinaglalaruan ni matsing si pagong. Isang araw ay nakakita sila ng puno ng saging. Hinati nila sa dalawa ang puno: ang madahong bahagi ay kay matsing, kay pagong naman ang maugat na bahagi. Parehas nilang itinanim ito ngunit ang kay pagong lamang ang nabuhay dahil sa mga ugat nito. Nang pipitasin na ni pagong ang bunga, inalok ni matsing na siya na ang pipitas ng mga bunga dahil lubhang mataas ang puno para kay pagong. Ngunit kinain lamang nang kinain ni matsing ang bunga at walang itinira para kay pagong. Sa galit ni pagong, nilagyan niya ng mga tinik ang ibabang bahagi ng puno. Bumuhos ang malakas na ulan at walang nagawa ang sakim na matsing kung hindi bumaba bagamat alam niya na matitinikan siya. Kinabukasan, nakita niya si pagong upang gantihan sa ginawa nito. Niloko ni pagong si matsing na malulunod siya kung itatapon siya sa ilog. Hinulog ni matsing si pagong at nakita niyang nakakalangoy pala ito.
Ang inaakala ng matsing na kahinaan ng pagong ay siyang adbantahe nito. Akala ng matsing ay malulunod nito ang pagong kung itatapon niya ito sa ilog, hindi niya alam na ito ay pabor sa pagong. Itinuturo ng pabulang ito na ang panloloko sa kapwa ay isang masamang gawain. Gayundin marahil ang sinasapit sa ngayon ng Canlubang.
Kung iniisip ng ilang gahaman sa kayamanan at kapangyarihan na nagapi na nila ang laban ng mga manggagawang-bukid, nagkakamali sila. Kung sa tingin nila ay naging tagumpay sila sa pagkuha ng madahong bahagi ng saging, malamang nangangarap sila ng gising. Kung sa tingin nila ay nalunod na nila ang mga manggagawang-bukid sa kalaliman ng ilog, nahihibang na sila.
Oo, matalino nga ang matsing, ngunit minsa’y naiisahan rin. May katalinuhang taglay man ang matsing, maparaan naman ang pagong. Naisahan man ang mga manggagawang-bukid, hindi nila alam na may mga pamamaraan pa upang baliktarin ang tatsulok.
Ang kawayan at ang Resiliency
Bagamat hindi maaninag sa ngayon ang daloy ng desisyon para sa ipinaglalaban ng mga manggagawang-bukid sa lokal na hukuman, hindi nangangahulugan na wala ng pag-asa upang ipagpatuloy ang laban na matagal nang sinasambit upang bigyang kasarinlan ang pagpapagal nila. Hindi man malinaw at tiyak ang patutunguhan ng laban sa hustisyang kanilang sinasandigan, hindi nila nais na huminto ngayon pang napakaraming pagbabata ng hirap na ang kanilang ginawa sa nagdaang mga panahon. Ngunit hanggang kalian ba sila mananatiling nakatayo at hahapay sa bugso ng hangin na kanilang sinuong?
Sa isang artikulo ni Conrado de Quiros (2009), binigyang turing niya ang tungkol sa resiliency o ang kakayahan ng mga Pilipino upang humapay ng panandalian at bumalik sa dating estado pagkatapos ng bagyo. Pinakapopular na nga na maituturing ang kawayan bilang mainam na pagsasalarawan ng Filipino Resiliency, o mas malapit na salita ang “katatagang-loob” upang bigyang pakahulugan sa wikang Filipino. Ang kawayan ay manipis, ni hindi mo iisiping may itinatago itong katatagan upang pagdaanan ang mga unos na patuloy na umiihip patungo sa kanya. Ang kawayan ay tulad nating mga Pilipino. Ito ay likas sa mga Pilipino, kung saan ilang beses itong ipinapakita sa napakaraming insidente ng pananalasa ng bagyo sa ating bansa. Hindi man ito pangkalahatang ideya, ang mensahe ng resiliency ay maaaring ganito: Nagiging malaking kasalanan ang pagkadapa kung mananatili ka sa pagkadapa, bagkus tumayo ka at muling ipagpatuloy ang nasimulang adhikain.
Ito rin mismo ang ipinapakita ng mga manggagawang-bukid ng Canlubang. Nasasalamin sa kanila ang ideya ng resiliency, kung papaano sila nakikibaka sa daloy ng usapin, at kung papaano nila nakakaya na muling tumayo sa ilang beses na pagkalugmok at pagbagsak. Bagamat ganito ang kalakaran ng mga pangyayari, pumapaimbulog pa rin ang katatagan ng loob upang ipagpatuloy ang laban na kanilang ipinagmamaingay sa kamalayan hindi lamang ng kapwa mamamayan ng Calamba kung hindi pati na rin sa sambayanang Pilipino.
Isa, dalawa, tatlo… sampung hakbang
Patuloy pa rin nilang kinakalampag ang sistema ng lokal na hudikatura at ang lokal na pamahalaan ng Calamba upang dinggin sila sa mga hinihinging karaingan hindi lamang sa karapatan sa pagmamay-ari ng lupa, kung hindi pati na rin sa mga nangyaring karahasan laban sa karapatang pantao, mga pagpapalayas at pagtaboy sa lupain, isyu ng hindi makatarungang pagsuspinde ng mga benepisyo, at ang isyu sa pamamagitan ng gobyerno, pribadong kumpanya, at ng mga mamamayan ng Canlubang.
Marahil ay nagtagumpay ang mga manggagawang-bukid ng Canlubang sa ilang aspeto patungkol sa pagbulalas ng kanilang karaingan sa mas nakararami. Maituturing na batayan na may mga nakaririnig sa kanilang mga panaghoy ay ang pagkakalathala ng tungkol sa Sitio Buntog sa Philippine Collegian1, isang pahayagan ng mga mag-aaral ng Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman. Sa panulat ni Mila Polinar (2010) ng Philippine Collegian, hinahamon niya ang kasalukuyang administrasyon upang gumawa ng mga pamamaraan upang resolbahin ang isyu sa lupa na patuloy na isinasambulat sa lansangan patungong Malacanang. Masasabing pinahahagingan na ng ilang mga pamantasan sa Pilipinas ang mga karaingang isinisigaw ng mga manggawang-bukid ng Canlubang upang maging mulat ang kanilang kapwa mag-aaral sa mga katotohanang nakakubli sa isang sulok ng Pilipinas.
Maituturing rin na sukatan ng kamalayan ang pagpansin ng ilang nasa sektor ng pamamahayag ukol sa isyu ng karapatang pantao laban sa marahas na panghuhuli sa ilang mga residente ng Sitio Buntog. Naging kapansin-pansin rito ay ang paglabas sa ilang mga pahayagan at telebisyon sa tunay na nangyayari sa Calamba, particular na ang mga hinaing para sa lupa. Para sa mga manggagawang-bukid, batid nila na ang pagpukaw sa kamalayan ng mga tao sa labas ng Canlubang ay maliit ngunit makapangyarihang hakbang upang gawing makabuluhan ang laban na kanilang isinusulong hindi lamang para sa kanilang ikatatagumpay kung hindi pati na rin ang layunin upang maging batayan ang Canlubang sa mga maaaring lumutang na isyu ng manggagawang-bukid sa hinaharap.
Mahirap man ang daang tinahak nila upang pansinin ng lokal na pamahalaan, nais nila na itaguyod ang usapin sa mas malaking diskurso--- ang isampa ang kanilang hinaing sa pambansang usapin. Naging huwaran para sa kanila ang mga manggagawang-bukid ng Hacienda Luisita, ngunit ayaw nilang mangyari na humantong sa madugong karahasan ang kanilang pagsulong upang umalingawngaw ang usapin sa lupa ng Canlubang. Nais lamang nila na mapakinggan, mapansin, at may tumindig para sa kanila. Nais lamang nila ay ang suporta na manggagaling sa ibang sektor na naniniwala sa kanilang ipinaglalaban. Masukal man ang daan na kanilang pinili, batid nila na magtatagumpay sila. Lumingon man sila nang panandalian, ngunit ang kanilang hakbang ay magpapatuloy pasulong.--JM JOSE
1 Maaari ninyong makita ang sipi sa http://www.scribd.com/doc/33162175/Kule1011-ish2upload
Mga Pinaghalawan:
De Quiros, Conrado. 2009. Filipino resilience. Philippine Daily Inquirer. Posted October 20,2009. Retrieved July 19, 2010 (http://opinion.inquirer.net/inquireropinion/columns/view/20091020-231079/Filipino-resilience)
Polinar, Mila. 2010. Tala ng Tunggalian: Ang laban ng mga magsasaka ng Hacienda Yulo.
Philippine Collegian Issue 88 Number 2. University of the Philippines, Diliman, Quezon City
